"Anong oras na ah, ba't hindi ka pa rin tulog?"
Kakauwi ko pa lang sa unit ko pero nakahiga na kaagad ako sa kama kahit hindi pa ako nakakpagbihis ng damit. Tinanggal ko lang ang ginagamit kong sapatos sa trabaho at pumatong sa duvet habang hinihintay na lumamig ang kwarto dahil sa kakabukas lang na aircon.
Naisipan kong tawagan si Patrick para kamustahin siya't para yayain na rin na pumunta sa UP Fair next week. Hindi kasi kaagad siya papayag kapag si Bea lang ang nag-aya sa kanya... dapat ata lagi rin akong nagpupumilit sa kanya bago siya um-oo sa mga gusto namin.
Kakasagot pa lang ni Patrick ng tawag pero sinesermonan na kaagad niya ako.
"Tanga, kakagaling ko lang ng trabaho, ano?" paliwanag ko. "Hatinggabi natatapos shift ko sa cafe."
May narinig akong pagharurot ng tricycle sa kabilang dulo ng tawag kaya nalaman ko kaagad na nasa labas pa rin si Patrick kahit patulog na ang lahat.
"Asan ka?" tanong ko sa kanya.
"Naglalakad pauwi," sagot ni Patrick.
"Saan ka galing? Maga-ala una na oh, ba't asa labas ka pa rin?"
"Pumunta akong gym kanina."
Nagulat ako sa sinabi ni Patrick. Hindi ba dapat sa umaga ka nagg-gym at hindi bago matulog? Wala kang makikita dito sa condo na dis-oras na ng gabi pumupunta o bumabalik mula sa gym. Lagi kong mga kasabay umuwi mga galing ng bar sa Katipunan o Maginhawa, tapos minsan may mga deliveryman na nag-aabang sa lobby para sa mga nag-order ng pagkain dahil kailangan nilang mag-aral.
Minsan nakakabahala na rin 'yung pagiging gym rat ni Patrick, sa totoo lang.
"Hindi ba gabi na masyado para mag-workout ka pa ng ganitong oras?" tanong ko sa kanya.
"Pake mo ba? Wala naman kaming lugar dito na pwedeng pagjogging-an tuwing hapon tulad niyo."
Kahit naman nakakaganang mag-jogging sa Acad Oval tuwing hapon wala na akong oras para magpapawis dahil kailangan ko pang pumasok sa trabaho pagsapit ng alas-kwatro. At kahit pa wala akong trabaho, hindi pa rin ako magjo-jogging sa Oval. Hindi pa naman ako nataba simula nung lumipat ako dito sa QC kaya sapat na sa akin ang PE class ko ngayong term.
Sila Kate at Patrick lang ang kilala kong magjo-jogging sa Acad Oval dahil lang gusto nila.
"Ayaw mo bang subukang mag-jogging sa highway?" biro ko kay Patrick.
"Ikaw muna."
Hinubad ko na ang suot kong pantalon para magbihis ng mas komportable na pajama nang nagsimula nang lumamig ang kwarto ko, pero hindi ko na pinalitan ang aking sweater dahil paubos na ang susuoting kong t-shirt para sa mga susunod pang mga araw.
Narinig ko namang ang cellphone ko nang nakapwesto na ako sa ilalim ng aking duvet. Nakita ko sa lockscreen ko na may sinend si Patrick sa akin na litrato sa Messenger kaya tinanong ko kaagad siya tungkol dito.
"Nubayan Patrick... ano na naman ba 'tong sinend mo sa akin?" sabi ko sa kanya habang ini-input ang password ng cellphone ko.
"Buksan mo," sagot niya.
Halos mabato ko naman ang cellphone ko papunta sa kabilang dulo ng kwarto nang mabuksan ko na ang message ni Patrick para sa akin. Wala pang isang segundo nang ilayo ko ang screen mula sa paningin ko ngunit madaling bumaon ang nakita ko sa aking isipan.
Nagsend si Patrick ng gym selfie niya mula kanina na walang suot na damit pang-itaas. Punung-puno ng pawis ang katawan niya, maging ang kanyang buhok na nakatali nang maluwag sa likod ng kanyang ulo.
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomanceSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...