"Ako na lang kasi magbabayad ah. May sarili naman akong pera eh."
Nakapila kaming dalawa ni Christine sa cashier ng cafeteria sa loob ng admin building. Pinagtitinginan kami ng ibang mga matatandang prof na nakaupo malapit sa cashier dahil nagtataka sila kung bakit may dalawang senior high na nakapasok sa cafeteria na para sa mga staff lamang.
Kumuha na ako ng buong limandaan mula sa wallet ko para bayaran ang pagkain naming dalawa, pero nagpupumilit pa rin si Christine na siya na raw ang magbayad para sa binili niya.
"Ate, magkahiwalay po 'yung bayad naming dalawa," banggit ni Christine bago siya humugot ng dalawang isandaan mula sa sarili niyang wallet. "Eto po 'yung sa akin."
Tumango na lang ang babaeng staff ng cafeteria bago niya kunin ang pera ni Christine. Kinuha ko naman ang wallet ko para ibalik ang limandaan at kumuha ng tig-isang buong isandaan at singkwenta pesos.
"Kaya ko namang bayaran 'tong pagkain ko, Jerome..." banggit ni Christine habang kumukuha ang babaeng staff ng dalawang baso ng orange juice para sa amin. "Pwede mo na sanang ipambili ng ibang bagay 'yang buong five hundred mo oh."
"Wala naman akong pinag-iipunan ngayon eh..." depensa ko. "Maliit na bagay lang 'yung panlilibre ko sa'yo ng pagkain."
"Eh di ipunin mo na lang 'yang pera mo hanggang sa magkaroon ka na ng gusto mong bilhin."
Kukuha na sana ako ng tray para ako na ang magbibitbit sa mga plato naming dalawa papunta sa lamesa namin nang napansin kong sumunod rin pala si Christine sa likod ko para kumuha ng sarili niyang tray.
"A-Ako na magbibitbit ng pagkain natin..." banggit ko kay Christine.
"Sus. Napaka-gentleman mo naman..." biro niya sa akin. "Hindi mo naman 'yong kailangang gawin sa akin, Jerome. Kaya ko naman magbitbit ng sarili kong tray."
Pinabayaan ko na lang si Christine habang isa-isa niyang nilalagay sa kanyang tray ang mga plato ng pagkain na binili niya. Sinundan ko naman siya nang maglakad siya papunta sa isang bakanteng booth sa dulo ng cafeteria habang bitbit-bitbit ang sarili kong tray ng mga plato.
Pinauna ko si Christine sa dulo bago ako umupo sa tabi niya. Inalis na niya ang kanyang bag at naglabas ng isang maliit na bote ng alcohol para hugasan ang kanyang mga kamay bago kami kumain.
"Gusto mo?" tanong niya sa akin nang i-alok niya ang kanyang alcohol. "May halo 'tong hand sanitizer para mag-amoy pabango 'yang mga kamay mo."
"Wag na lang siguro..." pagtanggi ko. "Ayokong makaamoy ng pabango habang kumakain..."
"Fair enough." Ngumiti si Christine bago niya ibalik ang alcohol niya sa kanyang bag. "So anong trip mo ngayon at napaka-gentleman mo sa akin?"
"Ganun naman trato ko sa lahat ng babae ah..." Nilagay ko ang braso ko sa sandalan ng upuan namin. "H-Hindi naman sa sinasabi kong hindi ka espesyal sa akin pero... ganun lang talaga tinuro sa akin ni Mama."
"Aww, Mama's boy ka pala eh..." biro niya sa akin. "Pero bakit parang gulat na gulat ka kanina nung ako 'yung nagbayad ako ng sarili kong pagkain?"
Hindi ko inasahan 'yung tanong ni Christine. Ganun na ba ka-obvious para sa kanya 'yung pagkabigla ko kanina? Mukhang kailangan ko nang ingatan ang sarili ko at baka magaling bumasa si Christine ng emosyon...
"Hindi lang ako sanay sa mga taong katulad mo..." depensa ko. "Yung self-sufficient ba kumbaga..."
Natawa si Christine.
"Alam mo, ang cute mo talaga." Nilapit ni Christine ang mukha ko sa kanya para halikan ako sa pisngi. "Masyado ka nang outdated sa bagay-bagay."
"A-Anong ibig sabihin nun...?"
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomanceSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...