Chapter One Hundred and Eleven || Jerome

125 15 1
                                    

"Tagal naman nung tatlo."

Para akong nasa ibang lugar nang nakapasok na kami sa fairgrounds ng UP Fair sa Sunken Garden. Ang dating walang kalaman-laman na damuhan ay napupuno na ngayon ng sandamakmak na tao.

Amoy uling at pagkain ang hangin dahil sa usok na galing sa hile-hilerang mga kainan at ihawan sa paligid. Maririnig ang malalakas na mga tunog ng drums at gitara na nanggagaling sa mga higanteng speakers sa magkabilang gilid ng concert stage sa harap ng venue, at kahit malalim na ang gabi ay maliwanag pa rin ang lugar.

Ang hirap nang tukuyin kung alin sa mga nakakasalubong mo ang taga-UP dahil sa dami ng taong naglilibot sa lugar. May nakita nga akong mga naka-uniform at ID pa rin kahit na kanina pa tapos ang klase nila; hindi nga talaga nagbibiro si Anita nung sinabi niya sa akin na maraming taong pumupunta sa UP Fair kada taon. Punung-puno na ng mga tao ang concert grounds at wala nang konsepto ng personal space dahil magkakadikit na talaga ang mga katawan nila sa isa't isa habang pinapanood nila ang bandang nagp-perform sa stage.

Hanggang ngayon ay mahaba pa rin ang pila sa labas ng nakabarikadang venue habang patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga tao mula sa iba't-ibang lugar sa Luzon. May mga nakapila pa nga rin na nag-aabang para sa mga door-price ticket, nagbabakasakaling makakapasok pa sila sa loob bago tuluyang maubusan ng ibebentang ticket ang mga organizers ng Elements.

Bukod sa mga kainan at concert grounds ay meron ring mga pwesto ng larong pamperya sa may dulo ng fairgrounds, pati na rin ang naglalakihang mga rides na pinipilahan rin ng mga tao. Naalala ko tuloy 'yung Foundation Week namin dati noong Senior High, 'yun nga lang mas maraming tao ngayon sa UP Fair at halos wala akong makitang mga batang umaaligid kung saan-saan.

Kasama ko ngayon sila Anita at Tobias na naghihintay para kay nila Ton, Irene, at Tristan na kumuha ng kani-kanilang mga pagkain. Nakatayo kaming tatlo sa harapan ng isang ihawan habang pinapanood na maluto ang order ni Anita na inihaw na mais.

May grupo ng magtotropa sa tabi namin na mula pa sa Mandaluyong — nakalagay kasi sa ID lace ng isa sa kasamahan nila ang pangalan ng kanilang school. At base sa kanilang itsura at tangkad ay mukhang mga nasa elementary o junior high school pa lang sila.

Hindi naman namin mapigilan ni Anita na maki-usosyo sa usapan nila dahil sa lakas ng kanilang mga boses.

"Antagal naman ng Silent Sanctuary, nauurat na ako sa pag-aantay!" reklamo ng isang babae bago niya kagatan ang binili niyang betamax.

"Oo nga beh, sila lang kaya pinunta ko dito!" pagsang-ayon ng kaibigan niyang babae. "Nananadya ata sila eh, talagang hinuhuli pa 'yong Silent Sanctuary!"

"Legit girl, as in wala na akong kilalang banda sa lineup nila bukod sa Silent Sanctuary. Sana sinama rin nila IVOS ngayon."

"Oo nga, ba't kasi sa ibang araw pa IVOS...?"

Nagsimula na silang maglakad palayo sa amin kaya nagawa ko nang tumingin kay Anita, na mukhang kanina pa pinipigilan ang pagtawa.

"Mga kabataan talaga ngayon..." banggit niya. "Pustahan, uuwi kaagad 'yang mga 'yan pagkatapos ng set ng Silent Sanctuary."

Natawa na lang kami ni Tobias sa sinabi ni Anita. Pati rin ang magkasintahan sa likod ni Anita ay napapangiti rin matapos nilang marinig ang usapan ng mga estudyante kanina.

Inabot na ng matandang tindera ang niluluto niyang nakatuhog na mais kay Anita pagkatapos niya itong pahiran ng margarine. Nagpasalamat naman kaagad si Anita sa tindera bago niya kinagatan ang kanyang pagkain habang naglalakad kami paikot sa iba pang mga kainan.

Nakasalubong namin sila Irene at Ton na naghihintay ng kanilang pagkain sa harapan ng isang shawarma stall kasama ang maraming mga tao. Nakahawak si Irene sa braso ni Ton habang may bitbit siyang inumin sa kabila niyang kamay.

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon