"Nathan?"
Saka ko lang napagtanto 'yung nangyayari sa paligid ko nung tinawag ni Anita 'yung pangalan niya.
Nasa harapan ko na pala si Nathan.
Pagkatapos ng halos dalawang taon, ngayon ko lang ulit siya nakita sa personal. Hindi na nagbago 'yung itsura niya bukod sa eyebags niya na ngayo'y halatang-halata na sa kanyang mukha. Baka dahil na rin walang sawa na 'yung ginagawa niyang pag-aaral simula nung nakapasa siya sa UP.
Wala na ring nagbago sa mga sinusuot niyang damit. Suot-suot pa rin niya ngayon 'yung hoodie na lagi niyang suot dati sa classroom dahil tapat ng aircon 'yung upuan niya — siguro ngayon araw-araw na siyang naka-hoodie kapag pumasok kahit na hindi naman naulan.
Kahit parang bulong na lang ito sa hangin ay narinig ko pa rin 'yung pagtawag ni Nathan sa pangalan ko kanina. Sanay na ako na nakangiti siya sa bawat pagkakataon na sasabihin niya 'yung pangalan ko, kaya naapektuhan rin ako nung may halong pait 'yung boses niya kanina.
Hindi ko masabi kung alam na ba niyang sa Maginhawa na ako nakatira ngayon... pero base sa mukha niya, mukhang hindi niya inaasahan na makita ako dito.
Sabi ko pa naman saka lang ako magpapakita kay Nathan kung naiintindihan ko na 'yung pinagdaanan namin dati, pero mukhang may iba na palang plano 'yung mundo para sa aming dalawa.
Pero bakit ngayon pa?
Hindi ba pwedeng magpakita na lang siya sa normal na araw... 'yung wala kaming gig? Hindi ba pwedeng makasalubong ko na lang siyang naglalakad sa Maginhawa o sa loob ng UP? Bakit dito pa sa mismong bar na ito? Bakit ngayon pa kung kailan naman nakasalalay 'yung pangarap ko?
Pinaglalaruan lang ba kami ng tadhana?
"Pre, ayos ka lang ba?"
Lumingon ako at nakita ko si Tristan sa tabi ko; nilagay niya 'yung kamay niya sa balikat ko na parang nag-aalala para sa akin. Nagtataka silang lahat kung bakit bigla na lang akong napahinto sa pagkanta. Pinagtitinginan na rin ako nung mga taong nanonood sa amin — magkahalong pagkainis at pagkabalisa dahil biglang tumigil 'yung tugtog.
Tatawagin ko na sana si Nathan nang bigla siyang tumakbo palabas sa bar bago ko pa masabi 'yung pangalan niya. May humabol na lalaki sa kanya pagkabukas niya ng pinto at mukhang wala na silang balak na bumalik pang muli.
Mukhang hindi pa rin handa si Nathan na kausapin ako ngayon. Hindi ko rin naman siya masisisi dahil kahit ako ay hindi rin alam kung saan magsisimulang magpaliwanag sa kanya. Parang tinanggap na naming dalawa na hindi dapat kami dito magkikita at sadyang mapang-asar lang ng tadhana.
"Yo, what the fuck?!"
Napunta 'yung atensyon namin sa dulo ng bar nang may narinig kaming sumigaw na lalaki roon. Pilit na lang siyang pinipigilan ng mga kasamahan niya na sumugod sa harapan namin at sabihan kami na magpatuloy sa pagtugtog.
Kaagad kong inalog ang ulo ko para pilitin ang sarili kong bumalik sa taas ng energy ko kanina. Mukhang ailangan ko munang kalimutan si Nathan kahit na saglit lang kung gusto kong makakuha 'yung banda namin ng pera.
Tumingin na ulit ako kay nila Anita para senyasan sila na handa na ulit akong magpatuloy.
"Kung hindi man tayo hanggang dulo 'wag mong kalimutan..."
Hindi ko magawang tumingin sa audience habang kumakanta dahil nakatatak pa rin sa utak ko 'yung itsura ni Nathan nung nakita niya akong kumakanta. Pumipikit na lang ako, umaasa na sa pagdilat ko'y hindi ko na siya makikita.
Pero kahit anong ginagawa ko, nanatili si Nathan sa isip ko na para bang minumulto niya ako.
***
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomanceSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...