Chapter Forty-One || Jerome

265 15 1
                                    

"Ang laki na ng anak ko!"

Pagkababa ko mula sa kwarto ko'y nakita ko sila Mama na nakaabang sa akin sa kusina namin. Hindi pa kami nakakakain ng agahan pero malaki na kaagad ang ngiti sa mukha ni Mama dahil unang beses niya akong nakitang naka-uniform.

Unang araw ng klase ngayon kaya nagising na ako kanina kahit 5 am pa lang. Hindi ko magawang idilat nang buo ang mga mata ko kahit na naligo ako gamit ang malamig na tubig. Feeling ko hindi sapat 'yung tulog ko kagabi... sana pala tinigilan ko na 'yung paglalaro sa computer kagabi. Anong oras na ba ako natulog kagabi? Mukhang ala-una na ata ako natapos.

Yinakap ako ni Mama nang mahigpit.

"Grabe, senior high ka na anak!" sabi niya sa akin. Hindi pa rin nawala 'yung ngiti niya. "Ang bilis nga naman ng panahon... parang kailan lang 'yung ginagabi ka na sa paglalaro sa kanto ah!"

"Kumain ka na, Jerome." Nakaupo si Papa sa dining table namin. Suot niya ang kanyang long sleeves na ginagamit niya sa pagtatrabaho, at may binabasa siyang kung-ano sa cell phone niya. "Male-late ka pa sa first day mo."

Sinamahan na namin ni Mama si Papa sa lamesa. Kumuha ako ng plato't kubyertos bago ako umupo sa gitna nilang dalawa. Naghain si Mama ng sinangag at longganisa sa mesa at kumuha ng baso para magtimpla ng kape.

"Papasabay ka ba, anak?" tanong ni Mama habang kinukuha niya ang lalagyanan namin ng kape sa cabinet sa itaas ng kalan.

"Hindi na, Ma..." sabi ko bago ako magsandok ng kanin sa plato ko.

"Sure ka diyan?" Pinatay na ni Mama 'yung pinapakulo niyang takure at nagbuhos ng nag-uusok na tubig sa kanyang baso. "Mukhang inaantok ka pa eh."

"Oo, Ma."

Pagkaupo ni Mama ay sakto namang pumasok sa loob ng bahay 'yung aso kong si Ariston. Umupo siya sa tabi ng upuan ko at inilabas ang kanyang dila na parang nanghihingi ba ng pagkain.

"Tsk. Ayan na naman 'yang aso mo, Jerome." Tumigil si Papa sa pagbabasa sa kanyang cellphone para pagsabihan ako mata-sa-mata. "Sabi ko sa'yo, talian mo na 'yan eh."

"Pabayaan mo na nga," saway ni Mama kay Papa. Inabutan niya ako ng pandesal. "Buti nga may aso tayo eh."

Pinira-piraso ko muna ang tinapay bago ko ito ibigay kay Ariston. Tumayo kaagad siya nung napansin niyang may hawak akong pagkain at halos agawin na niya mula sa mga kamay ko 'yung pandesal.

Tinahulan ako ni Ariston pagkatapos niyang lamunin 'yung binigay kong tinapay.

"Good boy." Hinimas ko 'yung tenga at baba niya. Humiga pa siya sa sahig para ipakamot 'yung tiyan niya, pero hindi ko na siya maabot.

"Wag mo munang hawakan 'yang aso mo, anak. Alam mo namang nasa harapan ka ng hapag-kainan eh," sabi ni Mama. "Kumain ka na habang mainit pa 'yung kanin."

Inabot ni Papa sa akin ang mangkok na puno ng kanin at nagsimula na akong kumain ng agahan. And as expected, masarap ang pagkakaluto ni Mama sa ulam.

Narinig na naming tatlo ang yabag ng paa ng kapatid kong si Julianne habang bumababa siya mula sa ikalawang palapag ng bahay namin. Suot na niya ang kanyang uniform na puting blouse at pulang palda. Pinapatuyo niya ang kanyang basa at gulo-gulong buhok gamit ang kanyang tuwalya.

Napunta sa kapatid ko ang lahat ng talino ni Papa sa Math, pero mas ginugusto pa ni Julianne na maglaro ng LoL kaysa mag-aral. Ni hindi ko na nga siya nakikitang mag-review sa tuwing may exam siya eh. Buong araw lang siyang nasa kwarto niya at naglalaro sa computer. Lalabas lang siya kapag gusto niyang kumain o kapag may ipapabili siya kay nila Papa.

Bukod sa paminsan-minsang paglalaro namin ng LoL ay hindi kami ganoon ka-close ng kapatid ko. Paano naman kasi kami mag-uusap kung hindi siya lumalabas sa kwarto niya?

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon