"Ang boring rin pala dito kapag wala si boss ano?"
Hindi na ako sure kung Wednesday o Thursday na ng gabi ngayon dahil sobrang tumal ng mga nakaraang araw. Hindi ko ba alam kung anong meron at napakonti ng customer namin ngayong week. Hindi pa naman midterms sa UP... hindi ko pa rin naman napapansin na may nilalabas na mga notebook at yellow pad si Joaquin kaya mukhang wala pang major exam ngayon sa Ateneo.
Baka nga dahil dun.
Wala pa kami masyadong customer dahil hindi pa naman namin kailangang mag-review para sa midterm exams.
"Oo nga eh... hindi ko alam kung paano natin nakayanang magtrabaho na tayong dalawa lang ang magkasama," sagot ko kay Joaquin habang pinupunasan ang salamin ng display case para sa mga pastry at dessert.
"Ayaw mo ba na tayong dalawa lang ang magksama dito sa cafe?" mapang-asar na tanong ni Joaquin. "Para ako na lang ang pagtutuunan mo ng pansin?"
"Mas gusto ko pa nga sana kung may mga nadating na customer eh, para at least nadi-distract ako sa kakulitan mo."
Kakasabi ko lang nun pero biglang kumalansing ang wind chime na nakasabit sa pintuan ng cafe na parang mahika.
"Hello, good evening! Welcome to Caffeine Corner!"
Sasabayan ko na sana si Joaquin sa pagbati ng bagong rating na customer, pero natulala lang ako at napanganga sa sobrang pagkagulat.
Nakilala ko kaagad kung sino ang lalaking pumasok sa cafe.
Di tulad ni Joaquin ay katamtaman lang ang tangkad niya at halos dalawa o tatlong inches lang ang itinangkad niya sa akin. Nakataas ang kanyang buhok papunta sa kanang bahagi ng kanyang mukha, pero mukhang kamay lang ang ginamit niyang suklay dahil sa gulo-gulo at hiwa-hiwalay niyang buhok.
Wala ring pinagbago sa hubog ng kanyang katawan — nanatili siyang payat ngunit may kakaunting bakas ng muscle na nakuha niya mula sa walang-sawang training ng paglalangoy sa swimming pool pagkatapos ng klase. Maputi pa rin ang kutis niya dahil malimit lang siyang pinapayagan ng kanyang mga magulang na lumabas ng bahay para maggala.
Halatang-halata sa suot niyang damit na malapit lang ang tinitirhan niyang bahay sa cafe namin. Nakapambahay lang siya na shorts, at suot-suot niya sa ibabaw ng luma at burado niyang PE t-shirt ang isang kulay blue na jacket. Napaka-ordinaryo lang rin ng suot niyang tsinelas. Ni hindi na nga niya naisipan na isuot ang kanyang salamin gaya kung paano ko siya nakikita araw-araw dati.
Ngunit ang pinakauna mong mapapansin sa kanya ay ang mga mata niya. Mapapahula ang kahit sino kung may halo siyang ibang lahi dahil sa kakaibang korte ng kanyang mga mata — Intsik ba siya o Hapones? Baka naman Koryeano?
At saka mo lang malalaman ang sagot sa tanong na iyan kapag narinig mo na ang buo niyang pangalan.
Anong ginagawa ni Ken dito?
Tumakbo kaagad ako papasok ng kusina bago pa tumaas ang tingin ni Ken mula sa kanyang cellphone. Shet... sana hindi niya ako napansin. Hindi ko pa naman alam kung paano siya kakausapin pagkatapos ng nangyari dati sa pagitan naming dalawa.
Bakit kasi ngayon pa?
"Oh, anong nangyari sa'yo... pwede ko bang tanungin kung kilala mo 'yung kakapasok lang na customer?" tanong ni Joaquin sa akin.
Nilingon ni Joaquin si Ken kaya napasilip rin ako sa kanya habang nagtatago sa likuran ni Joaquin. Hinila ko kaagad siya pabalik sa kusina nang mapansin kong maglakad si Ken papunta sa counter, at napansin kaagad niya na bigla akong kinakabahan.
"Hindi ka ba komportable na makita 'yong lalaking 'yun?" Nag-aalala na ngayon si Joaquin nang tanungin ulit niya ako tungkol kay Ken. "Gusto mo bang paalisin ko siya dito?"
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomansaSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...