Chapter Fifty-Five || Jerome

160 10 0
                                    

"Sir, nandito na po sila lahat."

Pumasok ako sa school na iniisip na wala nang magiging problema pagkatapos nung bugbugan sa pagitan ng basketball at badminton varsity noong nakaraang Friday. Akala ko normal na Monday lang ngayon; aantukin lang ako sa Math, pasimpleng matutulog sa Philo... iniisip ko na nga kaagad kung anong kakainin ko sa lunch kahit na alas-nwebe pa lang eh.

Hanggang sa kinatok kami ng secretary ng principal. Sinabihan niya ang prof namin sa Philo na pinapatawag kami nila Nathan at Patrick sa principal's office.

Siyempre, walang kaalam-alam 'yung iba naming mga kaklase tungkol sa nangyari nung Friday... maliban na lang kung marami nang sinabihan si Bea tungkol sa plano ng basketball team. Gumaling naman kaagad 'yung mga pasa ko sa katawan kaya hindi na rin halata na nakipagbugbugan ako noong nakaraang linggo.

Tahimik lang kaming sumunod sa babaeng secretary pababa ng principal's office sa first floor ng building namin. Hindi kami nagsasalita dahil baka marinig niya 'yung usapan namin kahit na magbulungan pa kami.

Nang pinapasok na kami ng secretary ay bumungad kaagad sa amin ang mga miyembro ng badminton at basketball varsity na matiyagang naghihintay sa loob. Base sa mga seryoso nilang mga mukha, hindi rin nila nagustuhang mapatawag sa principal's office.

Narinig kong palihim na tumawa si Patrick sa likod ko nang makita niya si Greg na may malaking bandage sa kanyang ilong. Siniko ko kaagad si Patrick bago pa siya mapansin ng mga basketball varsity at bago pa sila magsimula ng panibagong away sa loob ng principal's office.

Tinatawagan na ng secretary ng principal ang kanyang amo habang tahimik naming tinititigan ang bawat isa. Nanlilisik ang mga mata at nakakunot ang mga noo ng mga miyembro ng basketball varsity habang nakaupo sila sa harapan ng mga lalaking miyembro ng badmintion team. Nakaupo naman kami nila Nathan at Patrick sa couch na pumapagitna sa dalawang magkalaban na team.

Siguro kung wala lang coffee table sa gitna ng tatlong mga couch ay nagsusuntukan ulit sila ngayon.

Tumingin kaming lahat sa secretary nang ibinaba na niya ang tawag. May nilabas siyang mug ng ballpen mula sa drawer sa tabi ng kanyang desk sa kaliwang dulo ng kwarto at nagsimulang magpamigay sa amin ng mga papel.

"Paki-fill up na lang po ng mga forms habang hinihintay natin ang principal," pakiusap niya sa amin. "Lalabas lang ako saglit para i-check kung nandito sa campus 'yung mga coach niyo."

Pinanood naming lahat na lumabas ang secretary sa kwarto. Pagkasara niya ng pintuan ay bigla na lang tumayo si Greg at lumapit sa team captain nila Nathan para sakalin siya gamit ang kwelyo ng kanyang uniform.

"Sinong nagsumbong sa inyo?!" mapagbantang tanong ni Greg nang itinulak niya ang team captain nila Nathan sa pader.

"B-Bakit ako ang tinatanong mo...?" nauutal-utal na ang team captain nila Nathan. "P-Pareho namang malalagay sa alanganin ang team natin kapag nagsumbong ako, 'di ba?"

Lumipat ang tingin ni Greg sa aming tatlo. Binitawan niya ang pagkakasakal niya sa team captain nila Nathan at naglakad papunta sa couch namin. Pumuwesto naman kaagad si Patrick sa harapan namin ni Nathan para harapin si Greg.

"Ah-ah-ah... Chill ka lang, Panganiban..." Sinubukang pakalmahin ni Patrick ang lalaki sa harapan niya. "Hindi porket hindi lang kami kasali sa varsity, kami na kaagad 'yong nagsumbong.

"Sinasabi ko sa'yo, Jimenez... Kapag nalaman ng tatay ko na na-suspend ako—"

"Aba'y kasalanan mo na 'yun."

"A-Anong sinabi mo?!" Tinaasan na ni Greg ng boses si Patrick. "Kung wala lang tayo dito sa principal's office kanina pa kita nabugbog—"

Lumingon kaming lahat sa pintuan nang marinig naming bumukas ito. Nagsibalikan na ang basketball team sa pwesto nila para sagutan ang mga forms na binigay sa amin ng secretary kanina nang pumasok sa kwarto ang isang matandang lalaki na naka-corporate attire at may dala-dalang leather briefcase.

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon