Chapter Ninety-Nine || Jerome

139 13 3
                                    

"Anong oorderin mo, Jerome?"

Kasama ko ngayon sila Anita at Chloe dito sa UP Town Center dahil yinaya nila akong maging third wheel sa lunch date nilang dalawa. Nakaupo kaming tatlo sa labas ng isang Chinese restaurant habang pinag-iisipan kung ano ang kakainin namin.

Sinadya ko na talaga kaninang ayusin ang itsura at pananamit ko dahil natuto na ako nung huling beses na punta namin ni Kate dito, kaya todo ang porma ko ngayon kahit tirik na ang sikat ng araw. Nagsuot ako ng denim jacket sa ibabaw ng plain white t-shirt ko at nagpantalon na rin ako kahit pa ito na ang huling pares na meron ako. Sabi naman ni Mama dati, pwede pa raw ulit-ulitin nang tatlong beses ang pagsusuot ng parehong pantalon.

Ngayon alam ko na 'yung nararamdaman ni Mama kapag naglalaba siya ng shorts at pantalon dati.

"Kung ano na lang rin 'yung sa inyo," sagot ko. "Hindi pa naman kasi ako nakakakain dito."

"Kami rin naman," sabay na sinabi nila Anita at Chloe.

"Actually, ni-roleta lang namin sa phone ko lahat ng mga kainan dito sa UP Town tas sa resto na 'to lumapag 'yung roleta," dagdag ni Chloe. "Wala kaming maisip na makainan kanina eh."

"Tingnan na lang muna natin kung anong mukhang masarap dito..." Kumuha si Anita ng dalawang menu mula sa lamesa sa likuran niya para iabot ito sa aming dalawa ni Chloe. "Basta ayokong mag-noodles. Natuto na ako dati kay Tristan."

Nanahimik kaming tatlo habang binabasa namin ang menu ng restaurant.

Mukhang mababawasan na naman ang mabibigay kong pera kay Tita mamayang gabi ah... parang ang mamahal naman ata masyado ng mga pagkain dito para sa bulsa ko.

"Kung mag-group meal na lang kaya tayo," mungkahi ni Chloe. "Mukhang masarap 'to oh."

"Saan?" Lumapit si Anita kay Chloe para makita ang tinuturo niya sa menu. "Ayan, may kanin! Sige, sige... 'yan na lang. Order na ako."

"Magkano iaambag ko?" tanong ko sa kanilang dalawa bago tumayo si Anita.

Pareho akong tiningnan nila Anita at Chloe na para bang hindi sila makapaniwala sa sinabi ko.

"Nukaba Jerome, ililibre ka na namin!" sagot ni Chloe. "Di ba ganun naman kapag may sinasama kayong third wheel sa date? Dapat niyo siyang ilibre ng pagkain?"

"T-Talaga ba?" tanong ko kay Chloe habang kinakausap ni Anita ang waitress na bagong labas lang mula sa loob ng restaurant.

"Proper etiquette 'yun, Jerome... Papanoorin mo na nga kaming maglandian ni Anita, tapos pagbabayarin ka pa namin ng pagkain mo? Ang unfair, di ba?"

Natawa ako.

"Hindi pa naman ako dati nagsasama ng third wheel sa mga date namin ng ex ko eh," paliwanag ko habang sinusundan namin ni Chloe si Anita papasok sa loob ng restaurant.

"Private bang tao 'yung ex mo?"

"Hindi naman sa ganun... Ang ginagawa kasi namin dati, sumasama na lang si Christine sa gala namin nila Patrick total magkakaibigan rin naman sila."

"Okay, tama na ang usapang ex..." Nilingon ni Anita ang buong restaurant para maghanap ng mauupuan namin saka siya lumingon kay Chloe. "Saan tayo?"

"Basta 'yung malapit sa aircon para malamig..." sagot ni Chloe bago niya sinilip ang mga pwesto sa may bandang dulo. Tinuro niya sa amin ni Anita ang lamesa na direktang nasa ilalim ng aircon. "Dun."

Naglakad na kaming tatlo papunta sa lamesang tinuro ni Chloe at sinalubong kaagad kami ng malakas na bugso ng hangin mula sa aircon pagkaupo namin.

"Grabe, ang lamig naman ata masyado..." Hinimas-himas ni Anita ang magkabila niyang braso bago siya umupo sa tabi ni Chloe.

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon