Chapter One Hundred and Fifty-Nine || Jerome

59 5 1
                                    

"Makauwi na nga..."

Maaga-aga pa naman, pero napagdesisyunan ko nang umuwi nang maaga ngayon kahit wala pang hatinggabi. Kuntento na kasi ako sa nakuha kong pera ngayon; buti na lang at may babaeng nag-request ng mga kanta kanina para madagdagan 'yung ipon ko. Tsaka gusto ko rin sanang ituloy 'yung pinapanood kong K-drama kanina na ni-recommend pa ni Irene sa akin.

Baka raw kasi makakuha ako ng inspiration para makapagsulat ng bagong kanta.

Inililigpit ko na ang mga gamit ko't isinuksok ang nakolekta kong pera sa wallet nang may dumaang lalaki sa harapan ko. May bitbit siyang umuusok na plato ng sisig sa isang tray, at nakilala ko kaagad ang amoy nito dahil halos kabisado ko na ang mga amoy ng pagkain sa bawat tindahan dito sa food park.

Naramdaman kong kumalam ang sikmura ko sa gutom, pero sa bahay na lang siguro ako maghahapunan. Mukha namang may iuuwing ulam si Tita... kung wala, pwede naman akong magluto ng sarili kong pagkain.

Pero bukas, kakain ako ng sisig dito.

Ibinalik ko na rin ang gitara ko sa lalagyan nito. Binitbit ko na ito kasama ng aking bag bago ko itinabi sa isang sulok ang ginamit kong mic stand. Hinanap ko na rin ang bantay ng food court para ipaalam sa kanya na uuwi na ako, at nang mahanap ko na siya'y tinanguan niya ako bago siya ngumiti.

Maglalakad na sana ako paalis sa pwesto ko, ngunit may nakabunggo akong lalaki sa pag-ikot ko. Pareho kaming napaatras nang magbanggaan ang mga balikat namin dahil halos magkasing-tangkad lamang kami, hanggang sa nagkatinginan na kami nang mata-sa-mata.

Akala ko aangasan niya ako't mapipilitan akong humingi ng paumanhin mula sa kanya, pero ibang sorpresa ang natanggap ko.

"Oh."

Pareho lang kaming nagulat ni Joaquin nang nakasalubong namin ang isa't-isa, kaya hindi kaagad kami nakagalaw at naharangan pa namin ang daanan ng mga tao.

Mukhang kakatapos lang ng shift niya sa cafe. Suot kasi niya ang kulay itim na slacks na ginagamit nilang uniform kasama ng kanyang sapatos na kulay itim din. Pinalitan lang din niya ang kanyang pang-itaas ng lumang grey na sweater dahil madumi na ang long sleeves na sinusuot nila sa trabaho.

Nakakapanibagong makita si Joaquin na hindi niya kasama si Nathan.

"Ikaw lang mag-isa ngayon?" naglakas-loob na akong magsalita.

"O-Oo..." Tumingin si Joaquin sa kanyang kaliwa habang kinakamot ang kanyang ulo. "Hinatid ko na kasi kanina si Nathan pauwi bago ako pumunta dito. Ikaw ba, hindi mo ba kasama mga kabanda mo?"

"Lagi akong mag-isang napunta dito," paliwanag ko. "Minsan ko lang makasama mga kabanda ko."

"Ganun ba?"

Total nandito na rin naman kaming dalawa...

Matapos ang pag-uusap namin ni Nathan tungkol sa kanila ni Joaquin, nagkaroon ulit ako ng pagkakataon para makapag-muni-muni sa sarili ko.

Hindi ko pa nakakausap nang personal si Joaquin, 'yung tipong kaming dalawa lang at walang ibang dahilan para mag-usap kami. Wala pa ako masyadong alam tungkol sa kanya bukod sa mga nakukwento ni Nathan sa akin. Kilala ko lang si Joaquin bilang kasamahan ni Nathan sa trabaho at, umm... isa ring nagkagusto sa kanya tulad ko.

Obvious namang nagkakahiyaan pa rin kami ni Joaquin, kaya kailangan ko na siyang kilalanin sa mas lalong madaling panahon dahil hindi ko na maiiwasan makipag-usap sa kanya sa tuwing magkikita kami sa cafe. Hindi naman pwedeng lagi na lang naming hihintayin na dumating si Nathan bago kami mag-usap, 'di ba?

At ngayong nagkita na kami ngayon, palalampasin ko pa ba itong pagkakataon na ito?

"Siya nga pala..."

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon