"What the fuck...?"
Di tulad nung isang araw ay wala gaanong laman ang Route 196 ngayon. Hindi masyadong amoy ang alak sa paligid at kakaunti lang ang bisita dito ngayon dahil kalagitnaan pa lang ng linggo — may mga lamesang walang kalaman-laman at halos kakaunti lang ang mga taong nagkukumpulan sa harapan ng stage kaya kitang-kita kaagad namin kung anong naghihintay sa amin pagkapasok na pagkapasok pa lang namin ng pintuan.
Natulala na lang kaming lahat habang pinapanood namin si Anita na naggigitara sa bandang gilid ng stage kasama ang di-namin-kilalang banda. Masigla at mataas ang energy ng mga lalaking nasa tabi niya, pero mukhang nananamlay at walang gala si Anita habang sinusubukan niyang sabayan ang pagtugtog ng banda.
"Shet..." Narinig ko ang mahinang bulong ni Irene sa likuran ko.
Kahit ako ay gusto na ring magmura dahil hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Hinding-hindi namin inasahan na ito ang madadatnan namin pagkarating namin dito sa Route 196 kanina... akala ko pa nga kanina na may magandang balita si Anita para sa amin.
Yun pala lumipat na siya ng banda.
Hindi na rin nagtagal bago mapansin kami ni Anita na pinapanood ang pagtugtog ng banda nila. Napansin kong pansamantalang napatigil si Anita sa pagtugtog nang magkatinginan kaming dalawa nang mata sa mata, ngunit kaagad rin naman siyang nagpatuloy bago pa siya mahalata ng mga kasamahan niya.
Mukhang naapektuhan na siya nang mapansin niya kami kaya nanatili na lang na nakatitig ang mga mata niya sa sahig habang patuloy ang lead vocalist nila sa pagkanta.
Nanatili kami sa kinatatayuan namin at pinanood naming tumugtog si Anita hanggang sa natapos na ang kanta ng banda. Pinalakpakan sila ng mga tao sa paligid namin bago ulit magsalita ang lead vocalist.
"Again, thank you so much everyone!" sigaw niya sa harapan ng mic. "Enjoy the rest of the night!"
Umalis na silang lahat sa harapan ng stage para ligpitin na ang mga gamit nila habang may bandang nagsisimula na ring mag-setup sa stage. Palakad na sila sa isang bakanteng lamesa sa isang gilid habang nakabuntot si Anita sa likuran nila nang bigla kaming nakarinig ng isang malakas na sigaw.
"I quit!" hiyaw ni Anita sa lead vocalist. Napalingon ang mga tao na malapit sa amin para panoorin ang alitan ng bandang kakatapos lang na mag-perform. "Suko na ako! Ayoko nang tumugtog para sa banda niyo!"
Natawa na lang ang lalaki sa harapan ni Anita na parang biro lang ang narinig niya.
"Teka, seryoso ka ba diyan, Anita?" mapang-asar na tanong ng lead vocalist. "Nagkaroon tayo ng kasunduan dati, 'di ba? Sinasabi mo bang—"
"Oo, tapos na 'yung kasunduan natin! In fact, matagal na nga dapat akong wala sa banda niyo eh! Ang kasunduan natin, isang beses niyo lang akong magiging bassist dahil wala kayong mahanap na kapalit... ilang buwan na ang lumipas pero ako pa rin ang bassist niyo?"
"Bahala ka nga sa buhay mo." Inirapan na lang ng lalaki si Anita. "Wala ka talagang kwenta kahit kailan, Anita... Tara na nga, maghanap na lang tayo ng ibang babae na mapagp-piyestahan natin."
Lumaki ang mata namin dahil sa gulat. Naramdaman ko nang humakbang si Tristan palapit sa lalaki kaya nilagay ko na kaagad ang braso ko sa harapan niya para pigilan siya bago pa siya makapagsimula ng gulo. Tinulungan rin ako ni Ton na awatin si Tristan nang pumuwesto na siya sa pagitan nilang dalawa ng lalaki.
"Aba'y gago ka pala eh!" sigaw ni Tristan habang sinusubukan niyang makawala sa pagkakahawak namin ni Ton sa magkabila niyang braso. "Bitawan niyo nga ako!"
"Oh, may knight-in-shining armor naman pala si Anita eh!" biro ng lead vocalist sa kasamahan niya. "Bakit, jowa mo ba si Anita at ganyan ka maka-react?"
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomantikSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...