Chapter Seventeen || Jerome

538 13 4
                                    

"Thank you so much... make sure to check out our band's FB and Twitter page, that's Maginhawa Mayhems PH."

Dumating na nga ang pinaka-inaabangan naming event: ang open mic night. May kanya-kanya kaming dalang mga gitara nila Anita at Ton, samantalang hawak-hawak naman ni Irene ang kanyang ukelele. Sila Tristan at Tobias lang ang walang bitbit sa aming anim.

Kung maikukumpara sa huling beses na pumunta kami dito, puno ng mga tao ang The Caffeine Corner. Maraming mga nagk-kwentuhan na mga musikero sa bawat table habang may nakanta sa bakanteng pader malapit sa entrance ng cafe. Hindi naman mapakali ang barista na kanina pa gumagawa ng mga orders ng customers. Base sa pagkataranta niya'y parang ngayon lang ulit naging ganito karami ang customers nila.

Baka kailangan nila ng isa pang staff member.

Nagha-hire kaya sila ngayon?

"The next performer is our band's lead singer, and I hope you're just as excited as I am. Everyone, please welcome the one and only... Jerome!"

"Oy Jerome, ikaw na sunod," banggit ni Anita sa akin.

Nagpalakpakan na ang mga tao sa loob ng cafe nang matapos na si Ton sa pagkanta niya. Umupo siya sa tabi nila Tobias at Tristan.

Tumayo na ako dala ang aking gitara at pumunta sa harapan ng mic. Umupo ako sa nakaprovide na stool at sinimulang i-strum ang aking gitara habang nag-iisip ng sasabihin at kakantahin ko.

"Hi guys... ako nga pala si Jerome Angelo Mendoza, mula pa sa Cavite..."

"Tropa namin 'yan!" sigaw ni Tristan mula sa table namin. Napangiti ako nang hinampas pa ni Anita si Tristan para lang manahimik siya.

"Freelance musician lamang po ako na nagkalat sa mga mga bar at resto dito sa Maginhawa, so kung naglalagi po kayo dito... baka makita niyo na lang po ako na nakanta sa kung saan-saan."

Napansin ko na marami palang nakikinig sa akin habang nagsasalita ako sa unahan. Sanay na kasi ako na may kanya-kanyang mundo 'yung mga tao sa aking paligid at nandun lang ako para maging background music nila habang nakain sa mga resto, o nainom sa mga bar... pero ngayon mukhang interesado na ang mga audience members ng cafe sa kung sino ako.

"Umm... so here's my first song for tonight... it's called Together, Forever. I hope you enjoy."

Pilit kong hindi tumingin sa mga taong nanonood sa akin dahil hindi talaga ako sanay na pinagtitinginan ako ng mga nakikinig sa akin. Kung hindi nakatutok ang mga mata ko sa aking gitara'y nililipat ko na lang ang tingin ko sa mga ka-banda ko. Makita ko lang sila na nakataas ang mga kamay sa ere habang sumasabay sa pagkanta ko'y sapat na para ipagpatuloy ko ang pagkanta sa harapan nilang lahat.

Kailangan ko na talagang ihinto ang pagiging kabado sa harap ng maraming tao kung gusto ko talagang maging sikat kami isang araw. Halos hindi pa kasi pinapansin ang banda namin sa bawat gig na puntahan namin kaya komportable pa ako na iisa o dadalawang tao lang ang nakatingin sa akin habang nakanta ako. Ngayon, isang buong kwarto pa lang ang nanonood sa akin pero todo na kaagad ang kabang nararamdaman ko... paano pa kaya kung isang buong concert na?

Matapos ang halos apat na minuto ng pag-ilag sa mga tingin ng mga tao ay natapos na rin ako sa pagkanta. Nagpalakpakan ang lahat at bumalik ako sa pag-strum ng guitar habang iniisip kung anong susunod kong kakantahin.

"Okay lang ba kayo diyan, guys?" tanong ko sa audience. "Again, that was Together, Forever by our very own band... the Maginhawa Mayhems. Kung na-enjoy niyo 'yung kanta, like niyo 'yung page namin sa FB and follow us on Twitter... So for our next song, magc-cover na lang siguro ako... here's Gitara by Parokya ni Edgar."

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon