"Alam mo, eto na ata ang pinakamagandang ideya na narinig ko mula sa'yo."
Parang wala na kami sa loob pa ng UP campus dahil sa sobrang tahimik at dilim ng paligid sa pinuntahan naming isawan. Alam ko namang ilang beses na 'tong nadadaanan ng jeep na sinasakyan ko pauwi galing sa Area 2, pero ngayon ko lang naranasan kung gaano kapayapa dito sa lugar na ito tuwing gabi.
Sa pagkakakwento ni Anita sa akin dati ay nasa pinakadulo na raw kami ng UP... mukhang tama nga siya dahil wala na akong nakikitang mga college building dito. Parang may nakita pa nga akong karatula sa daan kanina na nagsasabing may village na raw sa lugar na ito.
At dahil nga wala na kami sa gitna ng campus, sobrang layo na rin namin sa Sunken Garden kaya hindi na naririnig ang masiglang concert mula dito. Wala kang ibang maririnig kundi tunog ng nalulutong karne sa ihawan at ang kwentuhan ng mga taong kasama naming kumakain.
Halos sabay lang kaming nakarating dito ni Anita, at sinundan na rin kami nila Tristan at Ton bago pa kami makapag-order ng pagkain. Hindi raw makakapunta si Tobias ngayon dahil kailangan niyang mag-aral para sa quiz niya kinabukasan, at mas lalong walang panahon si Irene ngayon dahil sa training niya sa cafe nila Nathan.
Kanina, tatlong paper plate pa na punung-puno ng isaw ang nakalapag sa lamesa namin, pero ngayon halos lilima na lang na barbeque stick ang may nakatusok pang karne. Kakabalik lang rin ni Tristan sa lamesa namin dahil gusto pa nila ni Anita na mag-order ng fishball at kikiam para sa aming apat.
"Bigla ko nga lang 'to naisip kanina habang kumakain 'yung tropa ko ng bananacue eh," paliwanag ni Tristan nang ilapag niya ang paper plate na ginawang mangkok sa harapan namin. "Palibhasa kasi lagi mong binabanggit sa'kin na masarap isaw dito, kaya ayan. Sulitin na natin panahon habang nasa Sunken lahat ng tao ngayon."
"May pwesto ba 'tong Mang Larry's sa UP Fair?" Kumuha si Ton ng fishball.
"Parang wala akong nakita kagabi," sagot ni Anita. "O baka hindi ko lang nakita nung naglibot tayo."
"Paniguradong pipilahan rin 'yun sa Sunken kung sakaling meron."
"As in sikat ba talaga 'tong ihawan sa buong UP?" tanong ni Tristan kay nila Ton. "Kahit dati naririnig ko na rin 'yang Mang Larry's sa mga tropa ko eh."
"Oo pre, as in hindi ka kaagad makakakain dito sa normal na araw dahil sa dami ng tao," kwento ni Ton. "Kailangan agahan niyo pa pagpunta dito."
Natahimik kaming lahat nang may dumating na isang grupo ng mga customer. Pinag-uusapan nila ang pagkakonti ng tao ngayon sa Mang Larry's, at kung gaano sila kasaya dahil naisipan nilang pumunta dito ngayon sa kasagsagan ng UP Fair. Lumingon naman ako kay Tristan at pati rin siya ay napapangiti rin dahil proud na proud siya sa naisip niya.
"Tuwa ka naman sa sarili mo," pang-aasar ni Anita kay Tristan bago siya uminom ng samalamig.
"Siyempre, minsan lang ako maging matalino eh," sagot ni Tristan bago sila magtawanan ni Anita.
Sunod-sunod na pala pagkain ko ng inihaw na pagkain; baka sumakit na ang tiyan ko sa dami na ng nakain kong isaw-manok. At mukhang kailangan ko nang kumain ng gulay dahil panay na lang karne ang kinakain ko. Teka... nagamit na ata ni Tita sa ginisang gulay niya kagabi 'yung repolyo na binili ko nung isang araw.
Ano nang gagamitin ko bukas?
"Napa-reserve niyo na ba 'yung rehearsal space natin para sa Linggo?" tanong ni Ton sa kanila.
"Para saan?" tanong ni Tristan pabalik sa kanya. "May balak ba kayong mag-practice sa Sunday?"
"Magre-record na nga tayo ng cover, 'di ba?" paalala ni Anita kay Tristan. "Ikaw pa nga 'tong nag-suggest na mag-cover tayo ng Sa'yo eh."
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomanceSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...