Chapter One Hundred and Sixty || Nathan

75 6 3
                                    

"Okay ka na?"

Dalawang magkasunod na katok sa pintuan ng break room ang narinig ko bago ang boses ni Joaquin sa labas. Nagpapalit kasi ako ng damit dahil tapos na ang shift namin dito sa cafe, at mas nauna siyang matapos sa banyo kaysa sa akin.

Palibhasa hinuhubad lang ni Joaquin 'yung long sleeve niya saka patong ng sweater.

"Sandali lang...!" sagot ko habang nagmamadaling sinusuksok ang marumi kong work uniform sa loob ng aking backpack.

"Ang bagal mo naman..."

Isang beses pa akong kinatok ni Joaquin kaya binitbit ko na kaagad ang aking bag kahit 'di pa ayos ang gamit ko sa loob. Muntikan ko pa ngang mahulog ang babasagin kong pabango habang ina-unlock ko ang pintuan para kay Joaquin.

Nginitian niya ako nang mabuksan ko na ito.

"Ganda ng porma mo ah."

Tumingin ako sa suot ko at sinubukang isipin kung ano ang tinutukoy ni Joaquin, pero wala namang bago sa suot ko. Lagi ko namang ginagamit 'tong t-shirt na suot ko, tapos nung weekend ko pa na-brush nang maayos 'yung sapatos ko...

Pero sabagay, may pupuntahan nga talaga ako mamaya kaya kumuha ako ng plantsadong pamalit para hindi ako magmukhang madungis.

"Thank you," sarkastiko kong sagot.

Sabay kaming naglakad ni Joaquin patungo sa harap ng cafe, kung saan nagmamatyag ng mga customer ang boss namin mula sa likod ng counter.

"Boss!" pagtawag ni Joaquin sa atensyon niya habang nakataas ang kamay sa ere. "Una na po kami."

"Ah sige sige," sagot ng aming boss. "Ingat kayo."

Tinanguan ko na lang siya bago ko sinundan si Joaquin sa labas. Hindi na siya nag-atubili pang sumakay sa kanyang motor para ialis ang pagkaka-park nito.

"Saan tayo?" tanong niya sa akin habang mina-maniobra ang kanyang motor na parang bike.

"A-Ah, ano..." Tinuturo ko kay Joaquin ang daan papasok ng Maginhawa, kahit pa hindi niya ako nakikita. "Kikitain ko si Jerome sa food court."

"Sige. Una na pala ako."

Tumango ako.

"Mmh."

Tumalikod na ako kay Joaquin at nagsimulang maglakad papunta sa food court, hanggang sa bigla kong marinig ang boses ni Joaquin bago pa ako makalagpas ng dalawang lote.

"Uy, Nathan joke lang!"

Lumingon kaagad ako pabalik sa kanya nang marinig ko siya.

"Huh...?!"

"Angkas na! Ihahatid na kita."

"Hindi, okay lang...!" pagpupumilit ko. "Lalakad na lang ako."

Nagpatuloy na ako sa paglalakad. Akala ko hahayaan na ako ni Joaquin na maglakad dahil hindi ko na ulit narinig ang boses niya, ngunit may narinig akong motor na papalapit mula sa aking likuran at unti-unting bumabagal.

Nagulat ako nang makita ko si Joaquin na nakaparada sa aking tabi.

"Tara na," seryoso niyang utos sa akin, malalim ang kanyang boses.

Inabot niya sa akin ang kanyang spare helmet na nakasabit sa manibela. Napahinga na lamang ako nang malalim bago ko ito kunin mula sa kanya, at kaagad ding ngumiti si Joaquin.

"Hiya ka pa eh..." biro niya habang tinutulungan niya akong isuot ang kanyang helmet. "Gusto mo rin namang magpahatid, ayaw mo lang sabihin."

Inirapan ko na lang siya.

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon