Chapter Forty-Nine || Jerome

162 9 2
                                    

"Ang tagal naman ng inorder mo, Nathan... Sana pala nag-takeout na lang tayo kanina sa highway."

Pagkatapos magpakita ni Papa sa school ay bumiyahe kaagad kami pa-Dasmarinas para pumunta sa bahay nila Patrick. Halatang-halata ang pinagkaiba ng village nila sa amin. Mukha kasing private subdivision 'tong lugar nila Patrick dahil may sarili silang hardinero na nagdidilig ng mga halaman at puno sa gilid ng mga kalye. Magkakalayo rin ang mga bahay sa isa't-isa kaya may sense of privacy lahat ng mga nakatira dito sa mga naglalakihan at naggagandahan nilang mga mansyon.

Sinimulan na rin naman namin ang pagsusulat ng mga research paper namin hanggang umabot sa puntong tinamad na rin kaming magpatuloy at may kanya-kanya na kaming ginagawa: nanonood si Bea ng K-drama sa kanyang laptop habang nakahiga sa sofa; pinaplantsa ni Patrick ang mga uniform nilang tatlo para hindi halata na pangalawang beses na nila itong gagamitin; naglalaro si Nathan sa kanyang cellphone habang nakaupo sa tabi ni Bea sa sala; nakikinig naman ako ng kanta sa cellphone ko habang pinagpapatuloy ang nasimulang parte ni Nathan sa research paper namin sa PC nila Patrick.

"Thirty minutes raw eh," sagot ni Nathan. "Bakit anong oras na ba?"

"Mags-six thirty na," sagot ko.

"Mga alas-sais lang rin kasi ako nag-order. Baka naman paparating na—"

Tumunog ang doorbell ng bahay nila Patrick para ipaalam na may tao sa labas ng gate. Tumayo kaagad ako para silipin kung nasa labas na ang taga-deliver ng in-order naming pagkain.

"Nandiyan na nga," sabi ko sa kanilang tatlo bago pumunta sa labas.

Binuksan ko ang main gate ng bahay nila Patrick at nakita kong may naghihintay na lalaking delivery personnel sa gilid ng daan. Lumapit kaagad siya sa akin bitbit ang ilang box ng pizza pagkarinig niya na bumukas ang gate.

"Ser, good afternoon ho! Delivery po para kay Sir San Jose?"

"Oo, ako nga ho 'yun. Magkano po ba 'yung bill?"

"Teka lang ho..." Tiningnan pa nung staff ang nakadikit na resibo sa taas ng pizza box. "Bale one seven eight five po lahat sir, kasama na po delivery charge."

Nilabas ko mula sa aking wallet ang dalawang libo na binigay ni Papa sa akin at saka ibinigay ito sa driver.

"Sa inyo na po 'yung sukli," banggit ko sa driver bago niya iabot sa akin ang order naming pizza. Natuwa naman siya dahil nadagdagan na ang perang makukuha niya sa pagdedeliver.

"Salamat po, ser!" sigaw niya bago siya ulit sumakay sa kanyang motor at mag-drive palayo. Sinara ko naman kaagad ang gate nila Patrick at bumalik sa loob para ibigay sa kanilang tatlo ang hapunan namin.

Tumayo kaagad si Bea sa hinihigaan niyang couch nang maamoy niya ang dala-dala kong pizza.

"Oy, kayong dalawa... kain na," utos niya kay nila Nathan at Patrick. "Bahala kayo, uubusin ko kaagad 'to."

"Sunod ako!" sigaw ni Nathan. "Tapusin ko lang 'tong round na 'to— Punyeta naman tumingin kasi kayo sa mapa!"

"Hoy, ang ingay mo! Baka magsumbong 'yung mga kapitbahay namin kay Mama kapag narinig ka nilang sumisigaw," saway ni Patrick. "Panay matatanda pa naman 'yung nasa kanto namin."

Sinamahan na ako ni Bea sa dining area at isa-isa niyang binuksan ang mga box ng pizza para tingnan kung anong inorder ni Nathan para sa amin.

"Oy, Nathan! Bakit wala kang inorder na Hawaiian?" reklamo ni Bea. "Sabi ko 'yun ang i-order mo para sa akin eh."

"Huh? May inorder nga akong Hawaiian," depensa ni Nathan. "Tingnan mo 'yung resibo... baka mali 'yung order na nabigay sa atin nung driver."

Binasa ni Bea ang naka-tape na resibo para i-check kung tama 'yung dineliver na pizza sa amin. Apat na box naman 'yung binigay sa akin nung driver kanina kaya mukhang ito na 'yung order namin... baka hindi lang halata na Hawaiian 'yung flavor ng isa sa kanila.

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon