"Huh? Open-mic night na naman?"
Nakatayo kami ngayon ni Joaquin sa isang sulok ng break room ng cafe habang pinapanood ang boss namin na maghalungkat ng mga papeles sa lamesa. Nagkalat ang iba't ibang shade ng brown envelope sa paligid habang iniisa-isa ng boss namin ang mga laman ng bawat envelope at folder.
May nag-aabang na supplier ng ingredients sa harap ng counter, matiyagang naghihintay na mahanap ng boss namin ang hinihingi niyang papeles. May naka-park na delivery truck sa labas ng cafe. Mukhang mapipilitan na naman kaming magbuhat ni Joaquin ng sandamakmak na gamit kapag natagpuan na ng boss namin ang kung ano man ang hinahanap niya.
"Hindi niyo ba alam kung gaano kalaki ang itinaas ng bill natin sa kuryente dahil sa nakaraang open-mic night?" tanong ng boss namin.
"Pero boss, nung open-mic night rin 'yung pinakamataas na benta natin sa isang araw," depensa ni Joaquin. "Siguro naman kaya nang bayaran ng nakuha nating pera nung open mic night 'yung bill natin sa kuryente."
"Ilang item rin po 'yung na-sold out nung gabing 'yun," dagdag ko. "Naka-isandaang order na raw po kayo ni Joaquin sa sobrang dami ng taong bumisita."
"Ang problema kasi natin, baka wala nang pumunta kung magkakaroon nga tayo ng open mic night." Binuksan ng boss namin ang pinakailalim ng file cabinet sa tabi ng kanyang lamesa para kumuha ng isa pang makapal na envelope na punung-puno rin ng mga papel. "Kung ngayon pa nga lang eh wala na tayo masyadong customer, anong kasiguraduhan na may pupunta pa sa open mic night?"
"Yung banda po na binanggit ko sa inyo dati," sagot ko nang nakatungo ang aking ulo. "Wala raw po silang makuha na gig ngayon kaya malaki ang tsansa na pupunta sila sa open mic night."
"Tsaka boss, marami-rami na rin naman ang mga nag-like sa FB page ng cafe natin. Siguro naman may mga nag-like dahil sa huli nating open mic night."
Napahinto ang boss namin sa pagbabasa ng mga papel para harapin si Joaquin. Mukhang nakuha na niya ang interes ng boss namin dahil umikot pa siya sa kanyang upuan para lang mapakinggan nang mabuti ang sasabihin niya.
May page pala 'yung cafe namin sa FB?
"Binanggit ba natin 'yung FB page ng cafe natin nung huling open-mic night?" tanong niya sa aming dalawa.
Tumingin ako kay Joaquin dahil umuwi ako sa Cavite nung gabing 'yun at siya lang ang kasama ng boss namin na nag-asikaso sa mga order ng mga customer.
"May nakalagay pong link sa bawat tabletop sign na nakapatong sa mga lamesa," sagot ni Joaquin bago niya abutin ang sobrang tabletop sign mula sa wall shelf na katabi ko para iabot ito sa boss namin. "Yan po siguro yung dahilan kung bakit maraming nang nag-like sa page natin pagkatapos nung open mic night."
"Mga nag-aabang po siguro ng susunod na event," dagdag ko.
"Pwede naman po kaming gumawa ng poster na ilalagay sa page para malaman nila na magkaka-open mic night tayo dito sa cafe."
Pansamantalang nanahimik ang boss namin nang magpatuloy siya sa paghahalungkat ng mga papeles ng cafe sa kanyang lamesa. Nakatayo lang kaming dalawa ni Joaquin sa kanyang gilid habang pinapanood namin siyang magbuklat ng mga envelope at maglabas ng mga papel.
"Ilang likes na ba 'yung page natin sa FB?" bulong ko kay Joaquin habang abala ang boss namin sa pagbabasa ng nakalagay sa tabletop na binigay ni Joaquin sa kanya.
"Halos magt-three hundred na nung huli kong tingin," sagot niya. "Dati mga wala pang isandaan 'yung likes natin bago yung open mic night."
"Sige, papayag ako na magkaroon ulit tayo ng open mic night kung makakahanap kayo ng siguradong makakapunta," pagsuko ng boss namin bago siya bumuntong-hininga. "Ngayon pa lang gumawa na kayo ng ipopost sa page natin kung dadami ang customer natin dahil doon."
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomanceSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...