Chapter Seventy-Five || Jerome

129 11 2
                                    

"Tuyo, tinapa...! Tinapa, tuyo...!"

Nagising ako sa sigaw ng naglalako ng tuyo at tinapa sa labas ng bahay namin. Masakit sa mata ang liwanag ng sinag ng araw na sumisilip sa bintana ko kahit pa makapal ang kurtina na ginagamit ko sa kwarto. Mukhang tanghali na pero malakas pa rin ang ihip ng aircon sa taas ng kama ko.

Anong oras na ba...?

Halos mapatayo ako sa gulat nang mapansin kong suot-suot ko pa rin ang pinang-debut ko kagabi. Wala na sa paa ko ang aking mga sapatos pero suot ko pa rin ang long sleeves at slacks ko. Ba't ako natulog kagabi nang ganito ang itsura ko?

Teka, ano bang nangyari kagabi? Halos wala na akong naalala pagkatapos nung debut ni Angel bukod sa nag-inuman kami nila Patrick. Hanggang dun lang talaga 'yung natatandaan ko. Wala akong kaide-ideya kung paano ako nakauwi sa bahay — mukhang sinundo na lang ako ni Papa kagabi nung wala pa ako sa bahay ng hatinggabi.

Tsk... lagot na naman ako sa kanya neto mamaya.

Tatayo na sana ako pero naramdaman kong masakit ng ulo ko at parang umiikot ang buong paligid sa bawat kilos na gawin ko. Pinikit ko na lang muna ang mga mata ko at hinintay na huminto ang pagkahilo ko bago ako tuluyang tumayo. Parang paulit-ulit na minamartilyo ang noo ko sa sobrang lala ng sakit ng ulo ko.

Ang lala ng hangover ko.

Bakit parang uhaw na uhaw ako ngayon? Mukhang kailangan ko ring uminom ng gamot — sana lang meron pang paracetamol na naitabi si Mama sa medicine cabinet... kaso parang naubos na ni Papa 'yung gamot namin sa sobrang dalas niyang magkaroon ng migraine sa trabaho eh.

Sana pala hindi na lang ako uminom kagabi kung alam ko lang na magiging ganito ang lagay ko kinabukasan.

Bumaba ako sa kusina at nadatnan ko ang kapatid kong si Julianne na nagpiprito ng itlog sa kawali. Hindi kaagad niya ako napansin nang nakababa na ako sa hagdanan at nagpatuloy lang siya sa pagluluto habang may pinapanood siya sa kanyang cellphone na nakapatong sa gilid ng kalan.

Nabahala naman ako sa katahimikan ng bahay namin kaya dali-dali akong pumunta sa sala para silipin ang garahe namin. Wala na ang kotse ni Papa.

"Umalis sila?" tanong ko kay Julianne habang naglalakad pabalik sa kusina namin.

"May pinuntahan silang conference sa Pasay," sagot niya. Pinatay na niya ang kalan at kumuha ng pinggan mula sa aparador namin. "Buti gising ka na ngayon... buong tanghali ka na kayang tulog."

"Alam mo ba kung anong oras ako umuwi kagabi?" tanong ko kay Julianne habang hinahanap ko ang medicine cabinet ni Mama na tinatago niya sa gilid ng aparador. "Gising ka pa naman siguro nun, 'di ba?"

"Oo naman. Asa kalagitnaan nga ako ng laro ko nung dumating ka kaninang madaling araw eh..." Binuksan ni Julianne ang rice cooker para maglagay ng kanin sa kanyang pinggan. "Nasermonan pa nga ako ni Mama dahil nakauwi ka na raw pero hindi pa rin ako tulog."

"Sinong naghatid sa akin pauwi? Sinundo ba ako ni Papa sa venue nung debut?"

"Malay ko ah..." sagot ni Julianne nang itaas niya sa upuan ang kanyang kanang paa. "Hindi ko naman narinig na umalis 'yung kotse ni Papa kagabi kaya imposibleng sinundo ka niya."

"Pero anong oras nga ako nakauwi kagabi?"

"Aba, malay ko sa'yo... Kaya ko lang naman nalaman na nakauwi ka na dahil naririnig ko 'yung mga tahol ni Ariston kahit naka-headphones ako."

Tsk... mukhang sermon na naman ang aabutin ko kay nila Mama pagbalik nila dito mamaya sa bahay. Lumagpas na nga ako sa curfew nilang hatinggabi, tapos umuwi pa akong lasing. Magugulat na lang ako kung papayagan pa rin nila akong pumunta ng debut sa susunod.

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon