Chapter One Hundred and Fifty-Six || Nathan

71 9 1
                                    

"Hindi ka pa ba uuwi?"

Alas otso na ng gabi at tapos na dapat ang shift namin ni Joaquin dito sa cafe kaya niya ako tinanong nito, dahil patuloy pa rin ako sa paghuhugas ng mga pinggan sa kusina. Uwing-uwi na talaga si Joaquin — pagkakita pa lang niya sa wall clock na alas-otos na'y tinanggal na kaagad niya ang suot niyang apron at long sleeve.

Samantalang ako kailangan ko pang mag-overtime.

"Oo eh..." Napabuntong-hininga na lang ako nang patayin ko ang gripo. "Birthday na kasi ni Bea sa susunod na linggo eh wala pa akong pambili ng ireregalo sa kanya."

"Pero ilang beses ka nang nag-cover ng ibang shift ah."

"Napapasobra rin kasi minsan 'yung paggamit ko ng aircon sa condo." Ngumiti ako. "Kaya ayun, hindi ko natantsa bill ng kuryente ko. Nawalan tuloy ako ng ipon."

Napangiti rin si Joaquin.

"Sige, una na pala ako." Ginamit niya ang kanyang long sleeves para punasan ang pawisan niyang mukha. "May kailangan pa akong isulat na essay na due sa Sabado."

"Sige..."

Sinundan ko ng tingin si Joaquin habang naglalakad siya papalabas sa kusina at papunta sa break room para kunin ang kanyang mga gamit.

Hindi pa rin bumabalik sa normal ang lahat para sa aming dalawa ni Joaquin. Wala na 'yung mga biro't pang-aasar niya sa akin, panay mga ngiti at malumanay na pagtawa ang naiwan. Kung makikipag-usap man kami sa isa't-isa, laging siya ang nagsisimula, at kalimitan nagiging tahimik na ulit kami pagkatapos kong magsalita.

Wala man gaanong customer sa cafe noong mga nakaraang araw at ilang beses ko mang mahuli ang sarili ko na wala nang ginagawa kundi maghintay sa likod ng counter ay hindi pa rin ako nakakahanap ng magandang panahon para kausapin si Joaquin nang masinsinan.

Nakokonsensya na ako dahil hindi ko lang pinaghihintay si Jerome nang matagal, ngunit pinapatagal ko rin ang pagkakaroon ni Joaquin ng peace of mind. Kahit na sinabi ni Jerome sa akin na huwag kong madaliin ang sarili ko, nasasaktan pa rin ako kapag naiisip kong matiyaga rin niya akong hinihintay. At kahit na parang hindi ko na naman kailangan pang bigyan si Joaquin ng closure, hindi pa rin kakayanin ng loob ko kung wala akong sasabihin sa kanya.

Bakit kasi hirap na hirap ako?

Itinigil ko muna ang ginagawa kong pagpupunas sa paligid ng lababo at tumingala nang marinig kong nagsara ang pintuan ng break room. Ilang saglit pa ay nakita ko na ulit si Joaquin, bitbit na ang kanyang bag.

"A-Alis na ako..." sabi niya sa akin na nakababa ang ulo.

Tumango ako.

"Ingat ka," sabi ko sa kanya.

Ngumiti si Joaquin.

"Ingat ka rin mamaya," sagot niya habang kinukuskos ang kanyang ulo na para bang nahihiya.

"Wag ka nang magpagabi."

"Mmh."

Nginitian ulit ako ni Joaquin sa huling pagkakataon bago siya naglakad palabas ng cafe nang nakatungo at nakababa ang kilay. Nakakapanghina na makita siya sa ganung kondisyon. Para talagang nawala na ang Joaquin na nakilala ko dati.

Hindi ko alam kung paano ko nakakayanan na walang anumang sinasabi sa kanya.

***

"Overtime ka na naman, Nathan?"

Sa kakamukmok ko ay hindi ko na napansin si Irene na huminto sa doorway ng kusina nang makita niya ako. At tulad niya ay nagulat rin ako nang makita siya. Isang beses ko pa lang kasing narinig na bumukas ang pintuan sa harap — mukhang nakasalubong niya sa kanyang pagpasok sa cafe si Joaquin na pauwi na.

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon