GLIMPSES OF THE PAST 9

138 10 0
                                    

GLIMPSES OF THE PAST 9
Chiteki's Betrayal

"REON," tawag ni Chiteki sa kanyang nobyo habang nasa hapag sila at naghahapunan. "Mahal mo ba talaga ako?" tanong nito.

Agad na nilingon ito ni Reon bago maliit na nginitian. "Syempre naman, Love. Ano ba 'yang mga naiisip mo?" sambit nito bago inabot ang kamay ng nobya niya at saka bahagyang pinisil.

Nangilid ang luha ng dalaga bago matiim na tinitigan ang kaharap. "Kapag ba sinabi ko sayong sumama ka sa akin at mamuhay tayo ng malayo rito ay sasama ka sa akin?" tanong nito at pinisil rin ang kamay ng kanyang nobyo.

Wala sa sariling napabitaw si Reon sa kamay ng nobya dahil sa gulat. Bumigat ang pakiramdam ni Chiteki ngunit tinakpan niya ito ng ngiti.

"Joke lang!" sambit nito sabay tawa.

Matagal pang tumitig si Reon sa dalaga ngunit nag-iwas na ito ng tingin at saka nagpatuloy sa pagkain.

"Alam mong sasama ako sa 'yo, Chiteki. Hindi mo na kailangang magtanong pa basta isama mo lang ako sa lahat ng mga plano mo at hindi kita iiwan," seryosong sambit ni Reon.

Saglit na natigilan si Chiteki bago tumawa, "Joke nga lang! Nagbibiro lang ako, Love. Masyado ka namang seryoso," sambit nito bago bahagya pang hinampas ang braso ng kanyang nobyo.

Natapos ang pagkain nila nang wala nang nagsalita pa. 'Bakit ba ayaw mong humingi ng tulong sa akin, Chiteki? Bakit ang dami mong tinatago?' sa isip isip ni Reon habang inaayos ang pinagkainan nila dahil nagmamadaling umalis si Chiteki pagkatapos na pagkatapos nilang kumain kanina.

"ANONG sadya niyo rito?" tanong ni Gunshi kay Kabe at Tsuyoi na biglang pumasok sa kanyang opisina.

Dumaretso ang dalawa paupo sa harapan ng table ni Gunshi bago seryosong tumitig dito.

"Alam mo ba ang nangyayari?" seryosong tanong ni Tsuyoi rito.

Hindi sumagot ni Gunshi ngunit nag iwas ito ng tingin at saka inabot ang baso niya ng kape na nasa gilid. Uminom ito ng kaonti bago inilapag din ang baso at saka siya umayos ng upo.

Natawa ng bahagya si Tsuyoi, "Oo nga naman, bakit ba tinanong ko pa, e, panigurado namang alam mo," sarkastikong sambit nito.

"Ano ano pang kalokohan ang ginagawa ni Chiteki, Gunshi?" walang kasing talim na tanong ni Kabe.

Doon na nagkaroon ng tensyon sa loob ng opisina ni Gunshi. Tinitigan ng huli ang kaharap, binabasa ang nasa isip nito ngunit hindi na siya nagpatuloy pa dahil nababakas naman na kung ano ang iniisip at nararamdam nito.

"Nagtatraydor ang pinsan mo, Kabe," walang emosyong sambit ni Gunshi bago ito lumingon sa pintuan ng kanyang opisina.

"Bakit?" nanatili ang mga mata ni Kabe kay Gunshi. "Bakit niya gagawin 'yon?" dagdag na tanong nito, hindi matanggap ang narinig.

"Sa totoo lang ay hindi ko alam ang mga binabalak at iniisip ni Chiteki," sambit ni Gunshi habang nanatili pa ring nakatingin sa pintuan.

Nagtaka na si Tsuyoi kaya naman pinatalas nito ang pakiramdam niya at hindi nga siya nagkamali. May taong nakikinig sa kanila ngayon bagama't sobrang hina ng presensya nito.

"Reon?" sambit ni Tsuyoi.

Doon na biglang lumitaw si Reon at saka naglakad papalapit sa direksyon ng mga kaibigan niya. Naagaw nito ang atensyon ni Kabe na ngayo'y nasa kanya na ang matatalim na titig.

Agad na nakatayo si Kabe at saka nito nilapitan si Reon ngunit bago pa man niya ito mahawakan ay pumagitna na si Tsuyoi.

Tinitigan ng masama ni Kabe ang kanyang matalik na kaibigan dahil sa pagharang nito. "Tumabi ka, Tsuyoi," nagbabantang anito.

Tokushu Nōryoku Academy: School of Special AbilitiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon