11 YEARS PRIOR

1.7K 122 36
                                    

Nathaniel Hark C. Donovan, 4 years old, Daycare student

"Ba-bye!"

"Tomorrow ulit."

"Mommy!"

"Ayun ang Papa ko."

"Dito na po kami, Ma'am."

"Ba-bye, teacher."

Naaalala ko pa ang scenario. Sari-saring ingay. Sari-saring boses. Kung pakikinggan ko silang lahat, matatakot ako at malilito. Mararamdaman ko na ang laki laki ng mundo at ako, ang liit liit ko.

Tapos na ang maikli naming klase para sa araw na iyon kaya nagdadatingan na isa isa ang mga magulang para sunduin ang mga anak nila, ang mga kaklase ko sa daycare. Kabi-kabila ang tawanan. Kabi-kabila ang kwentuhan. May mga naghahabulan. May mga naglalaro.

Pero may mga umiiyak din. Mga nagpapabebe kasi may gustong ipabili sa magulang. May mga batang babae pa nga na tumitili, hindi ko mawari kung ano ang kailangang tilian. O baka feeling kasi nila, nakakatuwa sila kapag nagiinarte sila nang ganoon. Kung sabagay, kung titignan mo ang reaction ng mga matatanda sa paligid nila, tuwang tuwa pa. Proud na proud na gumagawa ng eksena ang kanilang mga 'munting prinsesa'.

Ang papangit naman ng mga hitsura.

Napalingon ako sa isa kong kaklaseng lalaki. Tahimik lang siya. Kung sabagay, lagi naman talaga siyang tahimik. Hindi siya malikot. Hindi siya nag-iingay. Hindi siya pumupunta kung saan-saan, hindi kagaya ko na hindi mapirmi sa upuan.

Pinagmasdan ko siya habang nililigpit ang Crayola at mga coloring books niya. Siya lang ang naiiba ang coloring book sa aming lahat - halatang hindi sa palengke nabili dahil makapal. Tapos, matigas at madulas ang karton na pabalat. Maganda rin ang mga drawing sa loob - gaganahan ka talagang magkulay.

Sumisinghot singhot siya dahil katatapos lang niyang umiyak. Dahil doon, napatingin ako sa taong dahilan kung bakit siya umiyak. Yung taong 'Teacher' ang tawag naming lahat. Nakaupo siya sa harap ng maliit na mesa sa gitna ng maliit naming room. Hindi siya tumitingin sa mga magulang na dumadating. Inaangat lang niya ang mukha niya at tipid na ngumingiti kapag may kumakausap sa kanya, o di kaya'y nagpapaalam nang uuwi.

Bata pa lang ako noon, pero alam ko nang may mali sa ginawa niya. Oo, aaminin ko, isa ako sa tumawa dahil sa sinabi niya sa kaklase ko. Initial reaction iyon eh. Lalo na't halos lahat naman ay nagtawanan. Pero nang lumipas na ang tawanan, at nagsimula nang umiyak ang kaklase ko, doon ko naisip na may mali.

Na kung sa akin mangyayari iyon, baka kinagat ko na siya, o tinapakan ang paa, o baka mas malala pa.

Maya-maya ay napatingin siya sa akin.

"O, Nataniel. Bakit?" tanong niya. Ganoon niya binigkas ang pangalan ko. Walang 'h'.

Umiling ako at dinampot ko na ang bag kong luma (sira ang zipper at mapuputol na ang isang strap) at tumayo na ako.

"Bakit di ka pa umuuwi?" tanong ni Teacher. "May hinihintay ka ba? Lagi namang walang sumusundo sa'yo, di ba?"

Sa isa pang pagkakataon, umiling ako. Walang imik na naglakad ako palabas ng room.

"Jerson." sabi ng medyo matanda nang babaeng nakasalubong ko sa may pintuan. "Halika na."

Lumingon ako at nakita kong tumayo na rin si Jerson mula sa upuan niya.

***

Paglabas ko, hindi pa ako agad naglakad pauwi. Pinanood ko muna ang kanya-kanyang mga palabas ng mga kaklase ko kasama ang mga magulang nila.

Sa akin, walang sumusundo. Umuuwi lang ako laging mag-isa. May trabaho kasi si Mama. Ang Papa ko naman ay busy sa bahay. Lagi siyang may sinusulat (wala pang computer sa bahay noon) at parang sobrang seryoso siya sa ginagawa.

I Love You, Sir (Two Roads Part 5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon