Pinadalhan ako ni Direk Riego ng tatlong movie passes para sa premiere night. Ang sabi niya kasi, tiyak na dudumugin ng tao ang mga sinehan sa mismong araw ng Pasko. Isa pa, bilang anak ni Julio Donovan, kailangan daw na isa ako sa mga pinaka-unang makapanood ng Burnt Bridges.Nagsorry na siya kaagad dahil hindi daw niya ako maaasikaso after ng movie at hindi niya ako maipapakilala sa mga tao dahil kailangan pa niyang bumalik agad sa SN para sa press conference. Sumang-ayon naman ako dahil hindi ko rin naman trip makipagplastikan sa mga tao sa showbiz; at kahit alam kong ako ang anak ng lumikha ng kwento ng movie na iyon, hindi ko maiwasang manliit sa napakalaking mundong hindi ko akalain ay kabibilangan ko, dahil kay Papa.
Kung sana ay narito lang si Sir Niccolo. Baka sakali, hindi ako mahirapang sumabay. Siya ang gagabay sa akin at hahawak sa mga kamay ko kapag natatakot ako at nagaalinlangan sa sarili ko.
Ininvite ko sila Vince at Cathy na manood kasama ko. Pumayag naman sila. Sa SM MOA Cinema ang premiere night. Grabe. Ang dami naming nakitang artista - mga artista na gumanap sa Burnt Bridges, maging yung ibang artista na kahit hindi naman part ng cast ay nanood din para sumuporta sa mga kaibigan nila. Yung isa ay nakatabi pa ni Vince sa upuan. Si Cathy naman ay hindi mapakali. Gustong gustong magpapicture sa mga gwapong artista. Ako, hindi ako makahinga. Sobra sobrang nakakaoverwhelm.
Mula umpisa ng pelikula hanggang dulo, iyak lang ako nang iyak. Maliban sa nakaka-antig nga ang kwento (na sinabayan pa ng magaling na acting ng mga artista, at paminsang pagpplay ng theme song sa background), si Papa ang bukod tanging naaalala ko sa buong panahon. Likha niya iyan. Siya ang nagbigay ng buhay sa lahat ng iyan. Hindi mageexist si Emilio at si Teresa, sila Gabriel, Lily, Matthew, Alexis, at Erika - at lahat ng mga characters na sa kanilang sariling paraan ay nagcontribute para maging ganito kaganda ang kwento - kung hindi sila minsang sumagi sa isip ni Papa, kung hindi niya sinimulang isulat ang mga pangalan nila sa kwento sa pinakaunang pagkakataon.
Nang matapos ang pelikula ay pasimple na kaming umexit sa kabilang pinto (kahit kung si Cathy sana ang tatanungin, gusto pa niyang magpapicture sa mga artista). Sinalubong ng media ang mga artista at staff at crew na lumabas sa main exit. Kabi-kabila ang mabilisang interview, ang kislap ng flash ng mga camera, mga komento at kung ano ano pa.
Papa, nakikita mo ba ito lahat?
"Maganda." sabi ni Cathy habang pinaiinitan ang kamay niya sa labas ng cup ng inorder niyang kape. Dumeretso kami sa isa sa mga restaurants sa labas - malapit sa seaside at doon namin naisipang tumambay muna 'pagkat ayaw pang umuwi ng dalawa. "Hindi ako makamove on. Parang gusto kong ulit-ulitin. Ay, uulitin ko talaga. Yayayain ko sila Daddy at Mommy. Sure ako, kahit si Carlo na hindi mahilig sa Tagalog movies, magugustuhan 'yun. Makakarelate siya eh."
"Yun nga eh." sabat ni Vince. "Papatok 'yan kasi yung kwento, makakarelate at makakarelate ka talaga. Hindi ko rin akalain na ganito kaganda ang nobela ni Tito Julio, P're. Una mong iisipin, love story eh. Pero hindi eh. Pamilya, kaibigan, sarili, pangarap, kabiguan... kung ano ano pa. Grabe, ang ganda talaga." Napailing siya. "Ano ba itong sinasabi ko? Sinasaniban na yata ako ni Tito Julio."
Natawa kami ni Cathy. "Ang lalim mo nga bigla, P're eh." sabi ko. "Maganda nga. Hindi ko akalaing magagawang magdirek ni Riego nang ganoon. Ang galing eh."
"Hindi, P're. Nasa artista rin 'yan. At saka sa kwento syempre. Yung mga linyahan, grabe. Tagos kung tagos. May isa ngang part do'n na di ko napigil ang luha ko."
"Buti nga ikaw, isa lang eh." sabi ni Cathy. "Dami kayang nakakaiyak. Alam mo yung tatawa ka na sana kasi ang funny ni Alexis, tapos bigla ka na namang maiiyak. Nakakahiya nga kasi tumutulo na pati sipon ko."
"Paano pa ako?" tanong ko. "Mula umpisa, hanggang matapos, iyak ako nang iyak." Pumikit ako. Paano, hindi ko na naman napigil ang luha ko. Naramdaman kong hinagod ni Vince ang likod ko.

BINABASA MO ANG
I Love You, Sir (Two Roads Part 5)
Novela JuvenilWhat happens when a young "straight" student suddenly falls in love... ...with his handsome and perfect teacher?