"P're." Naramdaman ko ang mahigpit na hawak sa balikat ko. Lumingon ako at nakita ko si Vince. Kasama niya sila Kuya Leo at mga magulang nila na papasok pa lang sa pinto. "Good evening po, Sir."Tinanguan naman siya ni Sir Niccolo na nakaupo sa tapat ko at nakatingin nang tahimik sa akin. Umupo sa tabi ko si Vince at patuloy na hinagod ang balikat ko.
Maliwang na maliwanag sa bahay. Ang daming tao. Ang layo sa hitsura kaninang umuwi ako at dinatnan ko sa sahig si Papa. Ngayon, nakaburol na siya, tahimik na nakahimlay sa loob ng puting kabaong at waring natutulog lang (sabi nila), gwapong gwapo at batang bata. Hindi ko pa nakikita si Papa dahil hindi ko pa siya sinisilip. Pakiramdam ko, kung gagawin ko iyon, mamamatay rin ako.
Salamat kay Sir Niccolo. Dumating siya kaagad pagkatapos ko siyang tawagan bagamat pakiramdam ko ang bawat sandali ay humatak ng habangbuhay. Kinumpirma ni Sir na wala na nga si Papa pero tumawag pa rin siya ng ambulansya para madala si Papa sa ospital at malaman kung anong ikinamatay. Hindi pa rin namin alam hanggang sa ngayon dahil sa isang araw pa namin makukuha ang death certificate pero kung si Sir daw ang tatanungin, inatake si Papa sa puso.
Si Sir Niccolo na rin ang tumawag kay Mama at tinawagan naman ni Mama ang lahat ng mga kamag-anak namin sa parehong side kung kaya nailabas si Papa mula sa morgue at nadala sa punerarya.
Ganoon kabilis. Yung taong kanina lang ay nagkakape at nakikipagkwentuhan sa akin sa lamesa, yung kanina'y naglalambing na umuwi ako nang maaga para makasama niya, ayun at nakahimlay na at wala nang buhay. Ganoon ganoon lang.
At tulad ng iniisip ko, sinabi ni Sir, tingin niya ay maliwanag pa nang mangyari iyon, kaya hindi na nagawang buksan ni Papa ang ilaw. Namatay siya at inabutan ng dilim na walang nakakaalam.
Hindi ko mapigilang sisihin ang sarili ko.
"Sinabihan niya akong umuwi nang maaga." Walang luhang lumalabas sa mga mata ko pero pakiramdam ko'y pinupunit ang puso ko sa maliliit na piraso. "Sinabihan niya ako, P're. Hindi ako nakinig."
Tinuloy ni Vince ang paghimas sa balikat ko. "P're. Hindi mo naman alam. Wag mong sisihin ang sarili mo, P're."
"Hindi." sabi ko. "Kung umuwi ako nang maaga, P're, baka natulungan ko siya. Sana, buhay pa siya ngayon."
Dahil sa huli kong sinabi, tumulo na ang luha ko. Yumakap sa akin si Vince. Naglabas naman ng panyo si Sir Niccolo at iniabot sa akin.
Lumingon sa paligid si Vince at ganoon din ang ginawa ko. Nakita kong kausap nila Tito Mike at Tita Donna si Mama at nakita kong nag-abot ng sobreng brown si Tito Mike. Malungkot si Mama pero hindi ko pa siya nakitang umiyak simula kanina. Siguro, pinipigil rin niya. Marami kasing bisita. Ngayon nga lang nagkaroon ng ganito karaming tao sa maliit naming bahay.
"Sino sila, P're?" tanong ni Vince habang pinagmamasdan ang mga taong paroo't parito. Yung iba ay busy sa pagseserve ng lugaw at sopas sa mga bisita. May ilan naman na tahimik na naguusap nang grupo grupo. "Mga kamag-anak ni Tito Julio?"
Umiling ako. "Sa side ni Mama sila. Yung iba, mga kapitbahay. Yung mga kamag-anak ni Papa, nagpadala muna ng pera kay Mama para may magastos para sa burol, pero baka bukas pa sila. Malayo eh. Bicol pa."
Tumango-tango si Vince. "Wala bang nabanggit si Tito Julio? Hindi nagpakita ng signs?"
Umiling ako. Hindi ko alam kung signs na maituturing yung kakaibang kilos niya kaninang umaga. Kung sabagay, first time ko siyang nakitang naglambing nang ganoon.
Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Noong birthday ko, nagwish ako at sinabi sa akin ni Sir Niccolo na kung sino man ang pagsasabihan ko ng mga panalangin ko, mahal ako at tiyak na pakikinggan. Nagwish ako na sana, maging maayos na ang pamilya ko at sana mahalin ako ni Sir Niccolo. Mukhang nagkatotoo yung isa, bagamat hindi pa rin mapanghahawakan nang matibay dahil hindi pa nga pwede sa ngayon.
BINABASA MO ANG
I Love You, Sir (Two Roads Part 5)
Ficção AdolescenteWhat happens when a young "straight" student suddenly falls in love... ...with his handsome and perfect teacher?