Ilang sandali ko rin inisip kung ano ang ibig sabihin nun, kung ako ba ang kinakausap ni Sir Niccolo, at kung ako man, bakit niya ako tinawag na 'my Christmas angel'?Pero wala namang ibang tao doon na kailangan niyang icongratulate maliban sa akin, at ibinulong niya iyon sa paraan na ako lang ang makakarinig. Ibig sabihin, para sa akin yun.
Bigla kong naalala yung unang araw na nagkakilala kami ni Sir. Kung paano niya nahulaan na Pasko ang birthday ko dahil sa pangalan kong 'Hark' at kung paano niya sinabi na ang pangalan ko namang 'Nathaniel' ay galing sa pangalan ng isang anghel.
So ako nga yun. Ako nga ang 'Christmas angel' na tinutukoy niya.
Hawak ng isang kamay ang lahat ng awards – certificate, plaque, at yung sobre na may lamang cash prize, ang isang kamay naman niya'y nakaakbay pa rin sa akin. Naramdaman kong humigpit ang hawak niya sa braso ko habang panay ang kuha ng litrato sa amin ng mga tao.
"I almost didn't recognize you. You're gorgeous. I mean, more gorgeous than ever."
Hindi ko alam ang sasabihin ko. Parang sasabog ang puso ko sa hindi maipaliwanag na damdamin.
"Nathaniel, smile." sabi ni Ma'am Venice sa gilid ng stage. Pinilit kong ngumiti.
"Sali po kayo." sabi ng photographer kay Ma'am Venice. Lalo tuloy sumiksik sa akin si Sir Niccolo nang sumali na sa photo op sila Ma'am Venice at Mr. Matias, gayun din ang emcee na si DJ Neil. Mas lalo kong naramdaman ang tension. Mas lalo kong naamoy ang mabangong katawan ni Sir Niccolo. Parang first time.
Nakakamiss nang sobra sobra.
"There you go. Once again, let's give it to our Faces of the Night, Nathaniel Hark Donovan and Mr. Niccolo Raphael Mar. Thank you, and congratulations to our winners. Enjoy the rest of the night."
Bumitaw si Sir sa pagkakaakbay sa akin. Nilingon ko siya at hindi na siya nakatingin sa akin. Bumaba siya sa kabilang side ng stage, kasabay si DJ Neil. Naguusap sila. Magkakilala ba sila?
Wala akong nagawa kundi bumaba sa isa pang side ng stage kung saan ay nagaabang ang mga kaklase ko para magpapicture, at nakisali pa si Ma'am Venice. Tuwang tuwa sila dahil syempre, 10-Diamond sila, hindi dahil proud sila sa akin.
Napatingin ako sa table nila Vince. Naroon siya at nakatingin sa akin, pero hindi siya nakisali sa mga nagpapapicture. Kasama niya sila Jordan at Samuel na panay naman ang lamon. Nakipagtitigan lang din ako kay Vince. Maya maya pa ay siya ang unang bumawi ng tingin.
Kinuha ng mga kaklase ko ang korona at ang sash at isinuot iyon habang panay pa rin ang papicture. Iniwan ko na sila at bumalik sa pwesto ko kanina. Tinignan ko ang laman ng sobre. 2K. Di na masama. Akalain mong magkakapera pa pala ako. Maagang pamasko at pabirthday sa akin.
Lumalalim na ang gabi at medyo nagiging mabagal na ang tugtugan. May mga estudyante nang nagkanya kanya ng partner at nagsasayaw na sa gitna. Tumingin ako sa table nila Sir Niccolo. Naguusap pa rin sila ni DJ Neil at parang interesadong interesado sila sa topic nilang dalawa. Hindi ko mapigilang makaramdam ng inggit. Sana ako na lang si DJ Neil. Sana naroon ako sa table ni Sir Niccolo at naguusap kaming dalawa. Nagagawa ko naman iyon noon eh. Bakit hindi ko gawin ngayon?
Isinuot ko ang maskara ko. Baka sakali, mabawasan ang nararamdaman kong pagkailang kapag may takip ang mukha ko. Lumapit ako sa kinaroroonan nilang dalawa. Napansin ko na papalapit pa lang ako, nakatingin na sa akin si Sir Niccolo.
"Nathan." sabi ni Sir kaya pati si DJ Neil ay napatingin sa akin. Inayos pa ni Sir ang upuan sa tabi niya na parang sinasabing umupo ako doon – sa gitna nilang dalawa.
BINABASA MO ANG
I Love You, Sir (Two Roads Part 5)
Teen FictionWhat happens when a young "straight" student suddenly falls in love... ...with his handsome and perfect teacher?