CHAPTER 28

2.4K 277 72
                                    

"Tapatin mo nga ako, NatNat. Bakit ba napapansin ko na iba kang makitungo sa akin? Sabihin mo nga sa akin, sinisisi mo ba ako sa pagkamatay ng ama mo?"

Ilang araw na buhat nang mailibing si Papa at tama sila – yung mga nagsabi na hindi ko pa masyadong mararamdaman ang sakit habang nakaburol pa't marami pang dumadating na tao. Tama sila noong sinabi nilang bubuhos ang mga luha at magiging pinakamahirap kapag oras na ililibing na si Papa.

Halos mawala ako sa katinuan noon. Hindi ko alam kung ano pang gagawin ko dahil kahit anong iyak ang gawin ko, parang kulang pa rin para mailabas ko ang sakit na nararamdaman ko sa puso ko. Kulang ang sumigaw, ang magwala, para masatisfy ang katawan kong nanghihina dahil parang sinasaksak nang paulit ulit. Nang ilubog na sa hukay ang katawan ni Papa at narealize kong iyon na talaga ang pinakahuli, parang gusto ko na ring tumalon sa hukay at sumama sa kanya.

Paanong nangyari na ang taong ganoon kagwapo at kagaling, ang taong punong puno ng ideya at imahinasyon, ay ilulubog na lang sa hukay at tatabunan na lang ng lupa nang ganoon ganoon na lang?

Galit ako. Galit na galit ako. Hindi ko direktang itinutuon ang galit ko sa langit pero galit ako kahit sa Kanya. Hindi Siya dapat basta basta nangunguha ng mga bagay na hindi naman dapat mawala. Bakit ang unfair? Bakit ang daya ng langit? Bakit kailangang kunin ang kakaunting liwanag na mayroon ako para lang madagdagan ang bituin sa langit at magbigay liwanag sa mundong wala namang karapatang makatanggap ng liwanag na iyon?

Nakaupo si Mama sa papag na higaan ko habang ako naman ay nasa harap ng computer. Pagkauwing pagkauwi pa lang namin galing sa libing, inatupag ko na ang pag-set up ng computer ni Papa. Tinulungan ako ni Vince at bumili pa siya ng ilang parts para mas magamit ko iyon nang maayos.

Mula nang mailibing si Papa, wala na akong inatupag kundi ang basahin ang mga nobela niya. Marami na pala siyang nagawa. At kung dati ay binabasa ko ang mga gawa niya dahil wala akong choice at ayaw ko lang siyang malungkot, ngayon, binabasa ko ang bawat detalye, minsan inuulit ulit ko pa. Gusto kong maintindihan kung bakit ibinuhos doon ni Papa ang buong buhay niya. At bawat isang nobelang natatapos ko, mas lalo kong nakikilala ang Papa ko. Mas lalo kong nalalaman kung gaano siya kagaling at kung gaano kalaki ang nawawala sa mga taong hindi nakaka-alam ng talento niya.

Mas lalo kong narealize na ang mga nobela ni Papa ay siya, at siya ang mga nobela niya.

Isa isa kong isinave sa flash drive na kinuha ko kay Vince ang mga akda ni Papa. Para sigurado, nagback-up din ako sa Google Drive ng soft copies.

"Ano, NatNat, tama ba ako?"

Umiling ako kasabay ng pagtulo ng tahimik na luha. Hindi ako lumilingon sa kanya at nakatuon lang ang tingin ko sa 'THE END' sa dulo ng nobelang 'Burnt Bridges' na katatapos ko lang basahin. "Hindi kita sinisisi, Ma. Pare-pareho tayong may kasalanan sa pagkawala ni Papa."

"Tama ka. Lahat tayo. Maging siya. Ang totoo, siya ang nagdala sa sarili niya para mamatay nang maaga."

Sa pagkakataong iyon ay lumingon na ako kay Mama. "Pero Ma, kung hindi mo kami iniwan, baka buhay pa siya hanggang ngayon. Mahal ka ni Papa. Sinabi niya sa akin. Nalungkot siya nang sobra nang iwan mo siya."

Tumulo ang luha ni Mama. Sa totoo lang, hanga ako sa kanya dahil parang mas marami pa yata akong ibinuhos na luha kaysa sa kanya. Hindi ko alam kung nagpapanggap lang ba siyang matatag para sa akin at sa mga kapatid ko o sadyang matigas na siya dahil pinatigas na ng hirap na naranasan niya sa piling ni Papa. Hindi ko alam kung paano niya nagagawa iyon.

"Eh di lumabas rin ang totoo. Sinisisi mo nga ako NatNat."

"Suporta lang ang hinihingi ni Papa, Ma. Yung maniwala man lang ba tayo na kaya niya. Na may kahihinatnan din ang lahat ng ginawa niya."

I Love You, Sir (Two Roads Part 5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon