CHAPTER 36 (1/2)

2.1K 263 29
                                    


Ilang araw na lang, December na. Kung iisipin, parang ang bilis lang lumipas ng mga araw. Pero ang totoo, parang habangbuhay ang binibilang ko.

Nilalagyan ko ng marka ang bawat araw sa malaking kalendaryo ng company nila Tito Mike na ibinigay sa akin ni Vince. Nakasabit iyon sa likod ng pinto. Ilang araw na nga ba? Gaano na nga ba katagal si Sir Niccolo sa Singapore?

Walang araw na hindi ko siya kinausap sa Messenger. Minsan, nagvivideo call pa ako (pag marami akong load). Lagi namang nagrereply si Sir sa akin. Hindi niya kahit kailan ipinaramdam sa akin na wala siyang panahon, kahit pa alam kong busy siya at marami siyang kailangang asikasuhin.

Nabanggit niya isang beses na parang teacher din ang trabaho niya doon kasi siya ang nagtretrain sa mga baguhang empleyado (na hindi marunong magsalita ng English). Medyo mahirap daw. Pero dahil si Sir Niccolo siya, alam ko na kayang kaya niya. Kahit pagod siya at nahihirapan, lagi pa rin siyang may nakahandang ngiti sa akin. Willing pa rin siyang makinig sa kung anong ikwekwento ko na nangyari sa araw ko. Kahit paano, nakakatulong mabawasan ang lungkot.

Kaunti na lang, sabi niya. Kaunti na lang at matatapos rin ang contract niya at makakabalik na rin siya sa Pilipinas. Makakabalik na siya sa tabi ko. Hindi na ako makapaghintay.

May mga pagkakataon na kapag nagvivideo call kami, bigla na lang akong maiiyak. Iba rin kasi kapag naririnig ko ang boses niya at nakikita ko ang gwapo niyang mukha, kaysa kung magkachat lang kami. Mas lalong nakakamiss. Mas lalong parang gusto kong hilahin na lang siya mula sa screen ng cellphone ko at yakapin siya nang pagkahigpit at halikan nang paulit ulit.

Miss na miss ko na siya. Miss na miss ko na talaga si Sir Niccolo ko.

Siya nga pala, hindi ko sinunod ang advice niya na umuwi sa Bicol. Ayoko talaga. Oo, malungkot ang matulog nang mag-isa pero may something sa akin na nagsasabi na huwag akong umalis, huwag kong iwan ang bahay namin. Hindi ko sinasabi kay Mama pero ilang beses nang may nagpunta doon para tanungin ako kung 'for sale' raw ba ang bahay. Sinasabi kong hindi. Hindi binebenta. Ayoko. Ayokong mawala sa akin ang bahay na puno ng alaala - hindi lang ni Papa, kundi ng maikling panahon na nakasama ko dito si Sir.

Doon pa rin ako nag-enrol sa dati naming school, kasama si Vince, bagamat tutol si Tito Mike (gusto sana niyang pag-aralin si Vince sa La Salle o sa ibang kilalang mga school para daw in preparation for college at siya nga naman ang magiging successor ng company). Tulad ni Kuya Leo, parang wala naman sa plano ni Vince na maging CEO o kung ano mang mataas na posisyon na gusto ng Daddy niya para sa kanya.

Nang malaman ni Sir Niccolo ang tungkol doon, pinagsabihan niya kaming dalawa ni Vince. Pareho raw kaming hindi marunong makinig at sumunod sa magulang.

TVL (Technical-Vocational-Livelihood) ang pinili kong track at nakigaya naman sa akin si Vince na muli ay sinubukang kontrahin ni Tito Mike pero wala rin siyang nagawa (ABM daw sana para related sa career path na gusto niya para sa bunso niya). ICT naman ang pinili naming strand. Ang totoo, wala akong idea sa kung ano ang gusto kong maging balang araw. Ni hindi ko nga alam kung makakapagcollege pa ako. Hindi ko sure kung itutuloy pa rin ng sponsor ko na suportahan ako.

Kung ICT, at least magkakaroon ako ng alam sa mga computer at kung ano pang may kinalaman doon. After ng Senior High, pwede akong mag-apply sa mga computer shop.

At dahil ICT ang strand namin, naging teacher namin si Sir Noel De Tomas na ngayon ay asawa na ng dati naming adviser na si Ma'am Venice. Ikinasal sila noong September (dahil buntis na si Ma'am).

Tuwing nakikita ko ang kalbong ulo ni Sir Noel, naaalala ko ang moment na iyon - na nakita namin siya ni Vince na papunta sa SHS building at sumalisi ako para magnakaw ng keyboard sa computer lab. Napapailing na lang ako kapag naiisip ko. Naging inside joke na lang namin ni Vince iyon. Minsan nga, bigla ko na lang sasabihan ng 'Sorry po' si Sir Noel at takang taka naman siya kung bakit.

I Love You, Sir (Two Roads Part 5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon