CHAPTER 23

2.6K 287 108
                                    


Suot ko ang relong iniregalo sa akin ni Cathy. Pinindot ko sa gilid kaya umilaw. Tinignan ko ang oras. 11:59:46.

14 seconds na lang.

Nakatambay ako sa labas ng bahay, gaya ng nakasanayan. Pero iba ang gabing ito. Hindi dapat ganito. Basta hindi dapat. Ewan ko kung dahil sa malamig na simoy ng hangin kaya ako giniginaw o dahil sa kalungkutan na nararamdaman ko sa puso ko.

11:59:59.

Tumunog ang mahinang alarm. Alas dose na. Merry Christmas, at happy birthday sa akin.

Nakikita ko mula sa pwesto ko kung paano magcelebrate ang mga kapitbahay namin. Yung iba, malakas pa ang tugtugan. Masayang masaya sila. Nasa dining area naman ang mga tao sa bahay sa tapat namin. Kitang kita ko dahil nakabukas ang bintana nila, na hindi naman nila usual na ginagawa. Siguro, para sadyang makita namin at pasimpleng ipagyabang na marami silang handa.

Lahat ng bahay sa paligid, maliwanag. May mga Christmas lights na tumutunog at nagpapalit-palit ang kulay ng ilaw. Bukod tanging kami lang ang wala. Madilim sa bahay namin. Dahil bukod sa wala kaming Christmas decors na tulad ng sa iba, patay pa ang ilaw namin. Para daw makatipid sa kuryente at matutulog naman na raw, sabi ni Mama.

Tulog ang mga tao sa bahay. Hindi na nagabala pang salubungin ang alas dose dahil wala naman kaming handa. Walang Noche Buena na pagsasalu-saluhan.

OK lang sana. Willing naman akong bumili ng kahit lechon manok lang mula sa pera na nakuha ko noong nanalo ako na Face of the Night sa year-end party namin. Basta may mapagsalu-saluhan lang. Kaya lang, maaga pa lang, habang busy ang mga kapitbahay sa pagluluto at pagpreprepare, sila Papa at Mama, nagpakabusy rin sa munti nilang eksena. Nag-away na naman sila. Dinaig pa nga nila ang lakas ng tugtugan sa katabi naming bahay. Wala na talaga silang pinipiling panahon. Paskong Pasko, at ilang oras na lang birthday ko na – hindi pa nila ibinalato sa akin.

Ang pinagsimulan nila – nang may nangaroling na mga bata sa amin at nang sinabihan ni Harry ng 'tawad', nagsisigaw ang mga bata ng 'barat' at kung ano ano pang mga salita. Hinabol naman sila ni Cielo kaya nagsitakbuhan palayo. Pero wala na, triggered na naman si Mama. Kung dangan daw kasi. Kung siya daw ba ay may pera, hindi para sabihan ng 'tawad' ang mga nangangaroling. Minsan lang naman daw ang Pasko. Wala lang siyang choice dahil hapunan nga lang namin, inutang pa sa tindahan. Hanggang sa nauwi na sa mga sumbat niya kay Papa at iyon na nga.

Isinandal ko ang ulo ko sa kahoy na haligi at pumikit ako. Bakit ba ganito kalungkot ang buhay? Bakit hindi kami tulad ng ibang pamilya? Bakit parang ang damot damot naman yata sa amin ng kapalaran? Bakit lahat na lang ng kailangan namin, parang napakahirap makuha? Bakit parang ang hirap hirap makahanap ng dahilan para maging masaya?

Nakarinig ako ng tunog ng motor kasunod ng mahinang busina kung kaya napadilat ako. Hindi ko agad nakilala kung sino ang dumating at nagulat ako nang tanggalin niya ang helmet niya.

Si Vince.

May kung ano siyang inihagis sa akin habang papalapit siya at sinalo ko naman iyon. Beer. San Mig Light na nakalata at ang lamig lamig pa. Umupo si Vince sa tabi ko.

"Happy birthday, P're." Nakatingin siya sa akin at malungkot ang boses niya. "Saka Merry Christmas na rin."

"Th-thank you... P're." Medyo atubili pa akong sabihin yung 'P're'. Naiilang ako. Ang tagal din buhat ng huli naming usap ni Vince.

Tumawa siya. Binuksan niya ang sariling beer at uminom sandali doon. Ganoon din ang ginawa ko.

"Hindi mo siguro inaasahan, no?"

Umiling ako. "Never mo naman 'to ginawa, kahit dati."

"Kaya nga eh." sabi naman niya. "Kaya ginawa ko na. Kasi alam ko, na kung hindi ko gagawin ngayon, hindi na ako magkakaroon ng pagkakataon kahit kailan."

I Love You, Sir (Two Roads Part 5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon