Chapter 66
[Regalo]Elmia's P.O.V
ISANG linggo na ang lumipas simula ng mawala si Emma. Isang linggo na rin simula ng maging tahimik na si Agatha. Ramdam na ramdam ang pagbabago sa amin. Hindi na rin maingay si Agatha tulad ng dati at lumipat na rin siya ng kama. Ang higaan na ni Emma ang ginamit niya. Pero tumatabi ako sa kaniya kapag napapansin kong umiiyak siya habang natutulog sa gabi.
Ang hirap. Ang hirap umusad ng wala ang isang taong nakasanayan mo na sa tabi mo.
Hindi na rin kami masyadong nagkakasama ni Rafael. Mas naging abala siya dahil hanggang ngayon ay wala pa si Leon. Maraming naguguluhan kung bakit siya lumisan ng ganito katagal. Nasa ibang bayan daw siya pero pakiramdam ko may ibang nangyari sa kaniya.
Hindi na rin ako pumupunta sa gabi kay Rafael dahil kailangan ko nang mas bigyan ng oras na masamahan si Agatha. Natatakot ako.
Natatakot na akong may mangyari ulit. Natatakot akong may mawala ulit sa akin.
Wala nang ibang magtutulungan kundi kaming dalawa nalang, at ayoko naman siyang iwanan na mag isa, mag isa at malungkot pa rin. Minsan ay saglit nalang din ako sa paglilinis sa silid ni Rafael dahil kailangan ko agad samahan si Agatha.
Gusto kong maging matapang kahit para sa kaniya nalang.
"May sakit ngayon si Olga, sinong papalit sa kaniya sa paglilinis ng silid ng Mahal na Reyna?" Tanong ng isang kasama namin. Umiling agad ako. Kailangan kong iwasan ang Reyna lalo na ngayon.
Umiling din ang ilang mga kasama ko.
"Agatha?" Tanong ng isang kasama namin kay Agatha na nakatulala sa gilid ko. Tiningnan ko siya.
"Agatha," napalingon na siya sa amin ng muli siyang tawagin.
"Huh? Ano? Bakit?" Naguguluhan niyang tanong. Napabuntong hininga nalang ako.
"Pwede bang ikaw na lang ang maglinis ng silid ng Reyna?"
Napatingin ako sa nagtanong.
"Sige..." Wala sa sariling sambit ni Agatha.
Saka kami nagkanya kanya na sa paglilinis nung hapon na iyon.
Kinagabihan naman ay hindi ko inaasahan ang tinanong niya.
"Mia, pumunta kaya tayo sa Eisera?.. bumalik na tayo doon sa portal."
Natigilan ako. Tinitigan ko siya. "Agatha, sinubukan ko na 'yan, noon. Pero wala na talaga yung portal doon sa puno."
Bumagsak ang balikat niya na tila nawalan na talaga ng pag asa. Tumango siya at humiga na.
Sa sumunod na araw ay ganun pa din.
"Aalis ka na agad?" Nilingon ko si Rafael ng sabihin niya iyon. Papunta na sana ako sa pintuan.
Nilibot ko ang paningin sa silid niya. "Wala namang masyadong kalat dito tsaka kailangan ko pang puntahan agad si Agatha," lumapit ako sa kaniya at mabilis siyang hinalikan sa labi bago lumabas doon.
Pagkatapos ay hinanap ko kung saan nakatalaga si Agatha at tinulungan na siya doon. Ang totoo naman talaga, hindi naman ako naglilinis sa silid ni Rafael, una dahil palagi naman itong malinis at isa pa, gusto ko lang siya makita, kahit saglit lang.
"Oh? Bakit nandito ka na? Doon ka na sa ibang silid para madali na tayong matapos sa palapag na ito," aniya nang lingunin ako.
Ngumiti ako. "Samahan muna kita dito, para madali kang matapos,"
"Mia, hindi mo na kailangang--"
"Shh, gusto kitang samahan dito." Sabi ko nalang para matahimik siya. At hindi na nga siya sumagot pa.
BINABASA MO ANG
When I Enter His World
ФэнтезиSi Elmia Marie Vasquez ay napagbintangan sa kasalanang hindi naman niya ginawa, dahil doon ay napalayas siya ng kanyang tiyahin. Nakitira siya sa isang may katandaang babae na kinakatakutan sa lugar nila. Ginawa niya ang lahat mapapayag lamang ito...