Chapter 67
[Alahas at Patalim]Elmia's P.O.V
NGAYON ay tila nagkaroon ako ng lakas para titigan siya pabalik. Ang nakakalokong ngisi sa kaniyang labi ay mas nakakapag-pairita sa akin.
Kung tungkol nga ito kay Rafael, sigurado akong kumpirmado na niya na may relasyon kami. Kung paano niya nalaman ay isa sa hula ko ay ang pagsumbong ni Crisella sa kung anong narinig niya noon na pag uusap kina Agatha at Emma.
Hindi muna ako nagsalita at hinintay ang idudugtong niya. Mukhang napansin niya ang ekspresyon ng mukha ko.
"Oo, alam ko na." Wika niya saka siya ngumiti. Tumayo ang balahibo ko doon.
"Hindi ko alam kung bakit tinatago mo sa akin? E, hindi naman kita sasabihang makipaghiwalay ka kay Rafael." Tumawa na naman siya. "Ang totoo'y natutuwa pa nga ako."
Napakuyom ang mga kamao ko sa ilalim. Alam kong may dahilan siya at hindi iyon mabuti panigurado.
Maya maya ay yumuko siya at nagseryoso.
"Sa parating na kaarawan ni Rafael, kailangan ko lang naman ng maliit na tulong mo, Elmia. Iyon ay kung makikisama ka.." saka niya ako tiningnan sa mga mata.
Kung alam na niya pala ang relasyon namin, wala nang point para itago ko pa. Tumayo na ako.
"Kung may binabalak na naman po kayo kay Rafael, pasensya na po pero hindi niyo ako magagamit. Aalis na po ako, Mahal na Reyna." Mabilis akong yumuko at tumalikod na pero natigil ang paghakbang ko sa sinabi niya.
"Kahit kapalit pa nito ang buhay mo?" Mahihimigan doon ang galit.
Muli ko siyang hinarap. "Opo," saka ako muling yumuko at tuluyan nang lumabas sa silid na iyon.
Pagkalabas ko ay agad akong napasandal sa isang pader. Mariin akong napapikit at parang doon na lumabas ang panghihina at panginginig ng mga tuhod ko. Napahawak ako sa dibdib dahil sa lakas ng pintig ng puso ko.
Doon ulit pumasok sa utak ko ang mga sinasabi niya kanina at ang mga sinabi ko.
Oo, handa akong mamatay, huwag lang niya akong gamitin kay Rafael.
Napalunok ako at nilingon ang silid na pinaggalingan ko. Paniguradong nagalit ko siya at tiyak na may mga plano siya sa akin. Dapat hindi na rin ako magulat kung may mga mangyari na naman at sangkot ako doon. Maghahanda na ba talaga ako sa kamatayan ko?
Pagkatapos no'n ay bumalik na ako sa mga kasama ko. Tinanong nila kung bakit ang tagal ko at sinabi ko nalang na may pinadagdag pa na utos si Pinunong Miranda.
Nang matapos kaming maglinis noong araw na iyon ay napasulyap ako kay Crisella sa kaniyang kama na nakikipagtawanan sa kaniyang mga kaibigan.
Kung siya nga ang nagsabi kay Reyna Esmeralda patungkol sa narinig niyang relasyon namin ni Rafael ay hindi malayong isa siya sa mga alipores ng Reyna.
"Goodnight, Mia." Bulong sa akin ni Agatha saka na siya pumunta sa kama niya. Nilingon ko siya at nakitang nilalagay na niya ang kaniyang kumot.
Muli kong binalingan sina Crisella at nakitang nakatingin na ito sa akin. Tinaasan ko siya ng kilay, inarapan naman niya ako.
Baka mamaya utusan pa siya ng Reyna na patayin ako habang natutulog.
Nung una ay hindi talaga ako natulog pero hindi ko na napigilan ang pagbagsak ng mga talukap ng mga mata ko at nahulog na sa pagtulog.
Kinabukasan ay nagising pa naman ako at buhay pa. Mabilis kong nilingon si Agatha na naghihikab pa habang nakaupo sa kama at kinukusot ang mga mata. Tumingin naman ako kay Crisella na bumangon na din.
BINABASA MO ANG
When I Enter His World
FantasySi Elmia Marie Vasquez ay napagbintangan sa kasalanang hindi naman niya ginawa, dahil doon ay napalayas siya ng kanyang tiyahin. Nakitira siya sa isang may katandaang babae na kinakatakutan sa lugar nila. Ginawa niya ang lahat mapapayag lamang ito...