Chapter 73
[Decision]Elmia's P.O.V
NAPAHAWAK ako sa dibdib ko dahil sa kirot na nararamdaman ko doon. Hirap din akong lumunok. Pinahid ko na ang luhang tumulo saka tumikhim. Mas binilisan ko na lang ang lakad paalis sa bulwagan ng hindi na lumilingon doon sa harap.
Ayoko na ring mag isip ng kung ano ano dahil pakiramdam ko pagod na ang utak ko. Ang mahalaga lang sa akin ngayon wala na sa kapahamakan ang buhay ni Rafael.
Dumiretso na lang ulit ako sa mga silid na lilinisan ko at mabilis lang na tinapos iyon. Pagkalabas ko sa isang silid ay puro ang kasal nila Akira at Rafael ang naririnig kong pinag uusapan nila. Sigurado rin akong na-ianunsyo na ito sa labas ng palasyo.
Dumiretso na ako sa kusina para makakain dahil kumakalam na rin ang sikmura ko. Kinakausap ako minsan ni ate Kara at kinakamusta sa tuwing pumupunta ako doon. Sa ilang buwan kong tinagal dito ay napalapit na rin siya sa akin. Noong malaman niya ang nangyari kay Emma at Agatha noong nakaraan ay halos minu-minuto niya na akong tinatanong kung maayos lang ba ako ngayon o kung anong kailangan ko sa tuwing nagpupunta ako rito sa kusina.
Hindi ko alam na may tao pa pala dito sa palasyo ang magkakaroon ng pake sa akin isama pa si Pinunong Miranda.
"Salamat, ate Kara," Sabi ko ng inabot niya sa akin ang isang tray na may laman na mga mangkok ng ulam na may sabaw at kanin. Nginitian niya ako.
"Magsabi ka lang kung may kailangan ka pa, Mia."
Ngumiti ako at tumango rin bago siya bumalik sa kaniyang gawain.
Umupo ako sa isang mahabang mesa katabi si Pilar na kasalukuyang kumakain na din. Nilingon niya ako ng umupo ako sa tabi niya.
"May sakit ka ba, Mia? Ba't parang ang putla mo?" Ngumunguyang wika niya.
Saglit ko siyang nilingon. "Pagod lang siguro 'to,"
"Nakakapagod talaga lalo na kapag sa mga silid ka nakatalaga. Mas mabuting mangawit nalang akong nakatayo doon sa bulwagan. Kesa maglinis ng sandamakmak na silid dito sa kastilyo."
Tumango nalang ako dahil pati yata ang pakikipag usap ay nauubos na ang enerhiya ko.
"Siguro rin nasanay ka na palaging kasama mo ang mga Prinsipe dahil diba dati ka nilang personal na tagapagsilbi."
Nahinto ko ang kamay kong akmang susubo na sana. Bahagya ko siyang nilingon. Sinubo ko na ang kanin.
"Ano bang pakiramdam na palagi silang kasama? Ako nga tagalinis lang ng silid ni Prinsipe Rafael pero ni hindi man lang niya ako tinitingnan o utusan man lang. Bago nga ang nangyari sa kaniya ay minsa'y hindi ko pa siya naabutan sa kaniyang silid kapag maglilinis ako. Ganoon ba talaga ang Prinsipe noong naglilinis ka doon?"
Tumango nalang ulit ako kahit dinagsa na naman ang utak ko ng mga alaala namin ni Rafael sa kaniyang silid. Pilit kong tinatanggal iyon sa utak ko at pinagpatuloy lang ang pagkain.
"Ay, ganoon?" Dismayado niyang sabi. "Inggit na inggit pa naman ako sa'yo no'n kasi araw araw kang nasa silid ni Prinsipe Rafael. Pero siguro naman kahit minsan kinakausap ka niya dahil personal na tagapagsilbi ka niya dati, diba?"
Napatitig nalang ako sa pagkain at nawalan na yata ng gana.
"Minsan, kapag uutusan lang niya 'ko." Pagsisinungaling ko.
"Teka, eh, bakit ka nga pala niya tinanggal sa pagiging personal na tagapagsilbi niya? May ginawa ka bang kasalanan? May sinuway ka sa mga utos niya?"
Hindi ako nakasagot. Napahigpit ang hawak ko sa kutsara ng maalala ang hiniling ko kay Rafael.
BINABASA MO ANG
When I Enter His World
FantasíaSi Elmia Marie Vasquez ay napagbintangan sa kasalanang hindi naman niya ginawa, dahil doon ay napalayas siya ng kanyang tiyahin. Nakitira siya sa isang may katandaang babae na kinakatakutan sa lugar nila. Ginawa niya ang lahat mapapayag lamang ito...