Chapter 80
[Final Choice]Elmia's P.O.V
ISANG linggo na ang nakalipas simula noong madugong digmaan dito sa Valeria. At sa isang linggong dumaan ay napakarami na agad ang nagbago.
Agad naipakulong si Esmeralda dahil sa mga kasalanan niya. Isama pa ang sulat ni Lucia na para kay Cordelia na naging dagdag ebidensya pa sa mga kasalanan niya. Hindi siya sa Pissar naikulong kundi roon sa ilalim ng tore kung saan niya kinulong din noon si Aling Serenida tsaka ako. Matapos ang ilang araw niyang pagkakakulong doon ay tuluyan na rin siyang nawala sa sarili at nawalan ng bait.
Bumalik naman si Aling Serenida bilang punong hukom ng palasyo at napag alaman naming lahat na nagpanggap lang pala siyang nabaliw. Ginawa niya iyon para walang makahanap kay Reyna Liranea. Agad naman iyong naintindihan ngayon ng konseho at humingi sila ng tawad kay Reyna Liranea sa hindi nila paniniwala sa kaniya.
Bumalik na rin sa palasyo ang Reyna at muli silang nagkasama ni Haring Falcon. Ngunit kahapon ay inihayag ng Hari na bababa na siya sa kaniyang pwesto at sa susunod na linggo kokoronahan na si Rafael bilang susunod na Hari.
Si Prinsipe Eros naman ay maayos na talaga ang kalagayan niya. Noong isang araw lang din ay umupo na siya bilang bagong Hari ng Racon. Mas maganda at payapang bayan na Racon. Kahit na hindi niya sabihin ay alam kong nasaktan pa rin siya sa nangyari kay Zephir at kay Emir ganoon na din sa nangyari kay Esmeralda. Pero hindi tulad ng mga magulang niya ay mas pinili niyang mamuhay ng tahimik at pamunuan ng pantay ang kaniyang nasasakupan.
Si Cordelia naman ay pinatira na ni Reyna Liranea sa palasyo ngunit gusto niya pa ring magsilbi doon kaya binilang na siya sa isa sa mga kasamang tagapagsilbi ni Pinunong Miranda.
Nalaman ko rin kay Rafael no'n na si Kahel ang pumatay kay Emma. Napahagulhol ako sa kaniya noong nalaman ko dahil kahit nawala na si Kahel ay ang katotohanang nabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng kaibigan ko ay nakakaluwag sa damdamin.
"Mia, sa tingin mo kailan kaya tayo makakabalik sa mundo natin?" Tanong ni Agatha noong umagang nagpunta kami sa puntod ni Emma. Nakahawak siya sa braso ko habang naglalakad kami pauwi.
Hindi ako nakasagot. Nilibot ko ang mga mata ko sa mga nakahilerang puno sa gilid ng daan. Umihip ang malamig na hangin. Napatingin ako sa maaliwalas na kalangitan.
"Hindi ko din alam," saka ako bumuntonghininga. Pagkatapos rin kasi ng kaguluhan ay hindi ko pa naiuungkat kay Inay ang tungkol doon sa portal.
O... Baka ayaw ko lang munang pag usapan..
"Puntahan kaya natin si Reyna Liranea mamaya sa palasyo?" Tanong niya. Tiningnan ko siya. Halata kay Agatha na gustong gusto niya na talagang makauwi kaya ngumiti na ako sa kaniya.
"Sige, kakausapin natin siya mamaya."
Tumango siya at ngumiti rin. Pero naglaho ang ngiti ko ng maglakad na ulit kami. Hindi ko na alam. Nalilito ako. Tapos na ang lahat. Tapos na ang gulo, nandito na si inay, lahat ng mga katanungan namin pwede ng masagot, pwede na rin kaming umalis kung gugustuhin namin.
Pero bakit ganito ako?
"Hindi ko na kakayanin pang layuan mo 'ko. Tama na ang bangungot na iyon. Hindi ko na kakayanin, Mia." Halos hindi ko makalimutan ang mga sinambit ni Rafael noong gabing iyon.
Malaya na rin niya akong napupuntahan pero nitong mga nakaraang araw ay naging abala siya sa palasyo kaya palagi kaming magkasama ni Agatha, na lumipat na rin sa bahay nila Antonio. Nahihiya na rin kasi siyang makitira sa mga magulang ni Emma.
BINABASA MO ANG
When I Enter His World
FantasySi Elmia Marie Vasquez ay napagbintangan sa kasalanang hindi naman niya ginawa, dahil doon ay napalayas siya ng kanyang tiyahin. Nakitira siya sa isang may katandaang babae na kinakatakutan sa lugar nila. Ginawa niya ang lahat mapapayag lamang ito...