3

137 4 0
                                        

Gusto ko mang maglaho sa kahihiyan, hindi ko magagawa dahil alam kong imposible! Pero kaya naman kaya akong itago sa baha ng ulan?

Ewan ko ba at hinimatay ako kanina! Umuulan pa at mukha akong itik na nabasa. Hindi naman sana ako napagod sa pagtitinda namin ni Mama kagabi sa plaza lalo na't wala pa namang okasyon.

Naramdaman ko ang bahagyang pagkirot ng puson ko. Inilandas ko ang kamay roon at marahang hinilot; nakatagilid pa ring nakahiga sa sofa ni Maria Ayessa.

Huli kong naalala bago akong himatayin sa harap ni Maria Ayessa ay sumakit ang puson ko. Hindi rin naman sana ako gutom pero baka magkakaroon ako. Regular pa naman ako at nagkaroon pa lang ako last week.

Pumikit ako at nagpanggap na tulog muli nang maaninag si Ayessa na pababa ng hagdan at mukhang nagbihis na. Pinakiramdaman ko ang galaw niya. Nasa harap ko na siya at muntik pa akong mapaigtad nang hawakan niya ang leeg ko.

"Hay nako," Rinig kong irita niyang sabi bago ko marinig ang pagbukas niya ng pinto at lumabas.

Masama ang pakiramdam ko. Siguro'y dahil sa lagnat ko ngayon at pagkahimatay kanina.

Kagabi, noong naghahanda kami ng ititinda ni Mama ay madalas ang pag-ubo niya. Sinabing dahil lang sa pabago-bagong panahon pero hindi ako kumbinsido.

Mas nag-aalala ako sa kalagayan ni Mama. Si Papa kasi, malakas-lakas pa at wala namang bisyo iyon. Si Mama kasi, masyadong pinapagod ang sarili kahit hindi naman kami ganoon talagang naghihirap.

"Ay tigilan mo ako, Ciacia! Hindi kita isasama ngayon at wala kang makikitang pogi!" Pagbabanta ni Mama nang binanggit ko sa kaniya na ipacheck-up ko siya gamit ang ipon kong pera.

Wala sa sarili akong napangiti sa gitna ng sakit ng katawan. Mahal na mahal ko si Mama at hindi ko alam kung anong gagawin kapag wala siya.

Ipinahinga ko naman ang sarili ko. Pumasok si Ayessa at mukhang may kasamang matandang babae dahil na rin sa rinig kong pag-uusap nila. Hindi ko gaanong napagtuunan ng pansin ang kanilang pinag-uusapan dahil unti-unti akong hinatak ng antok.

Nagising ako at halos ibaon ko ang sarili sa sofa dahil sa tingin na iginagawad sa akin ni Maria Ayessa. Para niya kasi akong hinuhusgahan dahil sa nangyari sa akin. Nagpasalamat na lang din ako sa kaniyang hinandang lunas sa aking lagnat. Mabait naman pala siya kahit maldita. Siguro'y siya rin ang huling nakakita sa akin bago himatayin?

Ninanamnam ko pa ang sarap ng soup na kinain kanina nang matigil ako sa paglilibot ng mata sa apartment ni Ayessa nang mahagip ko ang isang lalaki. 

Busy siya sa pakikipaglaro sa isang aso. Hindi ko kilala kaya naman tinanong ko kay Ayessa kung sino at sinabing tumulong ito sa akin para madala dito sa kaniyang apartment.

Dapat na ba akong kabahan dahil hindi ko naman kilala itong mga kasama ko?

Hindi ko kilala ang mga kasama ko! At anong oras na ba?! Mabilis kong hinanap ang orasan sa pader at halos lumuwa ang aking mga mata nang makitang mag-a-alas otso na! 

Dali-dali naman akong nagpahatid na lang sa kanilang dalawa. Hindi ako mapakali sa loob ng sasakyan dahil iniisip ko sila Mama. Baka ipabarangay na ako ng mga iyon! Hindi ko na lang din pinansin ang halos magpatayan ng tingin na si Ayessa at Randell.

At tama nga ako dahil pagkababa na pagkababa ko ng sasakyan ay sinalubong ako ni Mama na nasa bakuran din namin. 

"Sorry, Ma, at nag-alala ka. May bagong kaibigan lang..." napapikit ako sa kasinungaling sinabi. 

Patuloy ang paghaplos ni Mama sa aking ulo at paulit-ulit na tanong din kung may masakit ba sa akin. Humiwalay ako kay Mama at binalingan ang mga taong naghatid sa akin. Ngunit nanatali ang aking mga mata kay Maria Ayessa na nakatitig sa akin at sa aking ina.

Tilted Rays of Sunshine (AS#6) [completed]Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon