Ang lagi kong sinasabi sa sarili, "Crush crush lang dapat para kilig kilig lang" pero bakit ako ngayon, umiiyak sa nanay ko?
"Para niya kasi akong kinakahiya, Ma! Galit na galit siya dahil gusto ko siya..." At patuloy akong umiyak sa balikat ni Mama habang siya nama'y hinahagod lamang ang aking ulo.
Hindi ko talaga inasahan na ganito ang magiging reaksyon ni Lomi sa pag-amin ko. Kilala ko si Lomi na mabait dahil iyon ang totoo. Mapang-asar lang siya pero never kong inasahan na makakapagsalita siya nang ganoong mga masasakit na salita sa isang tao.
Worse, sa akin pa.
Noong iniwan ako ni Lomi mag-isa sa parking lot na umiiyak, nilapitan pa ako ng guard para kumustahin ako dahil halos ilang minuto rin akong nasa gitna ng parking lot. Wala akong ibang magagawa kun'di ang gawin ang gusto niya.
Pinanood ko nang dalawang beses ang movie. Hindi na ako magtataka kung bukas ng umaga, pagkagising ko ay namamaga ang mga mata ko. Iyong movie kasi, romance na tragic pala. Hindi ko alam! Nung una kong panood, gulat at iyak ang nangyari sa akin. Pero nung pangalawa na, umiiyak na lang ako kasi alam ko na ang mangyayari at mas kakaiba ang dating sa akin ng emotions ng mga gumanap na bida sa pelikula.
Ramdam na ramdam ko pa nga ang mga tingin sa akin ng mga nakapila sa bilihan ng ticket noong lumabas ako ng sinehan. Para bang awang-awa sila o 'di kaya'y kinakabahan para sa papanoorin.
Narinig ko pa nga ang malakas na sabi ng isa na para bang kinakabahan siya sa papanoorin.
"Masyado yatang masakit 'yung movie, Hon. Itutuloy pa ba natin? Grabe iyong maga ng mata ni ate oh..."
Hindi nila alam na umiiyak na akong pumasok sa sinehan.
"Baka naman gusto lang ni Lomi na magkaibigan kayo..." Pang-aalo ni Mama na lalo kong ikinaiyak.
"E, Ma! Gusto ko si Lomi alam mo 'yun! Crush ko siya una palang..."
Natawa si Mama at inilayo ako sa kaniya. Nakahawak siya sa bawat balikat ko habang ako'y nagpupunas ng mga luha. "Iyakin ka talaga! Kawawa naman ang anak ko..." Pang-aasar pa niya na ikinanguso ko.
Bumukas ang pinto sa sala at sabay pa kaming napatingin doon. Niluwa noon si Papa na gulat sa nadatnan.
"Anong nangyari? Bakit ka umiiyak, 'Nak?" Alala agad nitong sugod sa akin.
Si mama naman ay minwestrahan lang siya habang nakangiti. "Nareject ng crush niya"
Napakurap-kurap si Papa at tumagilid ang ulo. "Itong magandang anak ko? Tinanggihan? Aba! Sinong tukmol iyon, ha!" Si Papa na ikinatawa ni Mama at hinampas siya.
"Si Lomi, Lucio." Si Mama na para bang alam na ni Papa ang laman sa kaniyang sinabi.
Mabagal na napatango-tango si Papa na para bang naiintindihan na niya. Lumapit sa akin si Papa at inayos ang aking buhok.
"Akala ko ba hanggang crush-crush lang, 'Nak? Kilig-kilig lang dapat, 'di ba? Bawal umiiyak!" Ani Papa at determinado pang tumatango-tango.
Napatingin ako kay Papa at sa hugis ng kaniyang ngiti, nakikita ko ang sarili. Ngumuso ako at suminghot. "Kasi naman, ang sakit mangreject ni Lomi! Wala man lang pagdadahan-dahan..."
"Parte 'yan ng kabataan mo, 'Nak. Parte ng buhay na maranasan mo ang matanggihan sa pag-ibig" ani Papa na akala mo'y isang pilosopo at nagngisihan sila ni Mama.
"Mama mo nga, ilang beses akong ni-reject noon! Pero tignan mo ngayon, sa akin pa rin ang bagsak" pakikipagharutan ni Papa kay Mama at sila ngayon ang masaya.
Bumusangot lamang ako. Ang sakit kaya mareject! Lalo na sa taong hindi mo inaasahang gagawin sa'yo iyon...
Nahihiya akong pumasok kinabukasan nang ganito ang itsura. Masyado maga ang mga mata ko! Para akong pinugpog ng mga bubuyog. Mukha akong tanga!
BINABASA MO ANG
Tilted Rays of Sunshine (AS#6) [completed]
RomanceDecember 27, 2021 - March 11, 2024 Can Leticia Cake Miravalles finally embrace the heat of the sun? Maingay, makulit, at malikot. Leticia grew in loving family. She's bubbly and joyful-bagay na gusto sa kaniya ng mga tao. She can befriend anyone a...