Chapter 01
"IT'S just a bad day, not a bad life."
Napaupo ako sa sahig ng isang lumang basketball court malapit sa apartment na inuupahan ko. Alas-siyete na ng gabi at kauuwi ko lang galing sa meet-and-greet ng super crush kong basketball player na ginanap sa isang mall.
Malapit ako sa pader na maraming vandal. Medyo madilim dahil walang ilaw sa mismong court bukod sa mga lamppost sa labas nito.
Huminga ako nang malalim.
Ang tagal kong hinintay ang araw na 'to, pero ang malas. Nasa harapan niya na ako kanina at turn ko na sana para magpa-picture sa kanya pero biglang nag-cut off ang manager niya dahil may iba pa raw siyang pupuntahan.
Parang nag-slow motion ang paligid ko habang sinasabi ng manager niya ang mga salitang, "Okay, the meet-and-greet is over! May iba pang schedule si Ricci. We will post updates on our page para sa mga magiging next event niya."
Tila may nababasag na salamin sa harap ko no'n habang tinitingnan ko si Ricci na naglalakad na palabas ng venue. Hinaharangan pa siya ng mga security guards para makalabas siya nang maayos dahil may ilang fans pa na humahabol sa kanya, pero ako ay naiwan mag-isa at tulala, nanghihinayang sa pagkakataon na malapitan siya.
Pinaghandaan ko pa man din ang araw na ito. Bumili ako ng bagong damit at nagsuot ng sandals na may takong dahil alam kong matangkad siya sa personal, pero sobrang malas ko yata dahil kahit sa games bago ang meet-and-greet ay hindi ko rin siya naka-partner.
Para akong pinagsakluban ng langit at lupa. "Ang malas mo talaga, Zivawn. Nandoon na, eh. Nasa harap mo na, eh," naiiyak kong sabi sa sarili ko.
Halos limang taon ko na siyang crush. Limang taon na akong parang t*nga na nag-i-imagine ng mga bagay na kasama siya. Alam ko naman na imposibleng maging akin siya. Gusto ko lang naman makapagpa-picture sa kanya pero napakahirap.
"Ricci Serrano, kailan ba ako magkaka-chance na makatabi ka? Makapagpa-picture sa 'yo? Makausap ka? Mayakap ka? Maka-date ka? Ah! Ricci, nababaliw na yata ako!" malakas na sabi ko at ipinadyak pa ang mga paa ko.
Walang ibang tao at wala na rin akong pakialam kung marumihan ang damit ko. Mabuti na lang talaga at walang masyadong dumaraan dito ng ganitong oras dahil sigurado ako na iisipin nila na nababaliw na ako dahil sa ginagawa ko.
"You okay, miss?"
Nanlaki ang mata ko nang biglang may nagsalita sa tabi ko.
Tiningnan ko siya pero hindi ko makita nang malinaw ang mukha niya dahil walang ilaw rito sa court at sa lampposts lang sa labas nagmumula ang liwanag. Walang naglakas ng loob para ipaayos ito.
Simula raw kasi nang mamatay ang may-ari nito ten years ago ay napabayaan na ito at hindi na binalikan ng apo ng may-ari na pumunta na ng America.
Maganda sana itong court kung hindi lang naabandona.
"Kanina ka pa ba riyan?" tanong ko, pero hindi pa rin ako tumayo sa pagkakahiga sa sahig ng court.
Hindi ko siya kilala kahit 'lagi naman akong nandito. No'n lang din ako nakakita ng ibang tambay rito dahil may bago nang basketball court sa hindi kalayuan. Halos lahat ng gustong mag-basketball ay roon na mas pinipiling maglaro.
Nagkibit-balikat siya at umiwas ng tingin sa akin.
"Narinig mo ba iyong pag-rant ko about sa crush ko?" tanong kong muli sa kanya.
Nakahihiya at baka isipin niya na napaka-feelingera ko, na pangarap kong maka-date ang isang sikat na basketball player.
"About who? About Ricci Serrano?" tanong niya rin.
Pilit kong inaninag ang mukha niya, pero matangos na ilong lang ang napansin ko. Umiwas kasi siya sa akin ng tingin. Parang ang guwapo ng isang 'to, pero wala nang mas guguwapo pa kay Ricci Serrano sa paningin ko.
"You really do like that guy? I heard he's bano," sabi niya.
Sobrang conyo ng pananalita niya. Para din siyang paos na tila galing din sa pag-iyak.
"Ano'ng sabi mo?" medyo inis na tanong ko sa kanya. Parang nagpanting ang mga tainga ko nang marinig kong sinabi niyang bano si Ricci.
How dare he say that in front of me? Hindi siya bano! Magaling kaya siya maglaro. He is known for his famous Euro step! Mga insecure na lalaki lang ang nagsasabi na bano siya!
"I said I heard he's bano and also arrogant, you really do like that dude?" sagot niya naman at talagang dinagdagan niya pa ng arrogant ang linya niya. Napabangon na tuloy ako mula sa aking pagkakahiga.
"At sino ka naman para sabihin 'yan? Kilala mo ba siya sa personal, ha? Wala kang alam sa kanya, 'no! Hindi siya gano'n! Kung mayabang man siyang tingnan kapag naglalaro ay dahil iyon sa may ipagyayabang naman talaga siya, pero mabait siya," depensa ko kay Ricci.
Mabait naman talaga si Ricci dahil nakita ko kanina kung paano niya pinipilit na pakisamahan ang lahat sa meet-and-greet niya at kung paano siya ngumiti kahit halatang pagod na siya.
"How about you? Do you even know him personally para masabi mo na mabait siya?" sabi na naman ng lalaki.
Mukhang malaki ang problema ng isang 'to sa mahal ko, ha? Pero oo nga, medyo natahimik ako sa sinabi niya. Hindi ko naman kasi talaga kilala si Ricci sa personal, kasi sino ba ako? Isa lang naman akong fan na hindi niya man lang alam na nag-e-exist.
"Basta, 'wag ka nang magsasabi ng masama about sa kanya. Ayokong may naririnig na masama about sa kanya," sabi ko na lang sa lalaki.
Gano'n ko siya kagusto. Nasasaktan ako kapag may naririnig o nababasa ako na masama tungkol sa kanya kahit hindi naman niya ako kilala nang personal. Sabi tuloy ng mga best friend ko na sina Mary at Kamila ay hindi na ako magkaka-boyfriend dahil patay na patay ako kay Ricci.
"Sorry," biglang sabi ng lalaki sa gitna ng pananahimik ko.
"Hindi, okay lang. By the way, I'm Zivawn—Zivawn Queen Cazimer. Ikaw?" sabi ko na lang at inilahad ko ang kamay ko sa harap niya.
Hindi naman siguro masamang makipagkilala at saka mukha naman siyang matino. Kung may gawin man siyang masama sa akin ay mayroon din akong pepper spray sa bag.
"It's for me to know and for you to find out. See you, Queen. I'd love it if you wear yellow dress again," saad niya at may inilagay siyang maliit na papel sa kamay kong nakalahad sa kanya. Nagawa niya pang ikuyom ang palad ko bago siya tumayo.
Napanganga ako sa sobrang tangkad niya at sa sinabi niya. See me? Saan naman?
Dahan-dahan kong tiningnan ang maliit na papel na inilagay niya sa kamay ko. Kinuha ko ang cell phone ko at in-open ang flashlight para makita ko kung ano iyon, at halos malaglag ang panga ko nang malaman ko na game pass iyon para sa laro nina Ricci bukas sa arena.
Unti-unting nanlaki ang mga mata ko at naramdaman ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko nang ma-realize ko kung sino ba ang lalaking kausap ko kanina.
Mabilis akong tumayo at tumakbo palabas ng basketball court pero nakaalis na ang kotse niya.
Is this even real? Nananaginip ba ako o si Ricci Serrano talaga 'yong nakausap ko?
BINABASA MO ANG
Shoot for the Moon [Completed]
Romance|Baller Series # 1| In this world full of people who keeps controlling his life. Ricci King Serrano, a famous basketball player met Zivawn Queen Cazimer who taught him that no one can control his heart.