Chapter 30
""YOU okay, Zivs? Namumutla ka," bati sa akin ni Kamila pagpasok ko pa lang sa classroom. Nginitian ko naman siya nang malung- kot bago ako umupo sa upuan ko. Masama ang pakiramdam ko pero kailangan kong pumasok dahil may exam nang araw na ito. Wala akong dapat na ma-miss.
Paggising ko pa lang ay masama na ang pakiramdam ko. Parang nahihilo na nasusuka ako pero baka epekto lang ito ng buong gabi kong pag-iyak. Umiiyak ako habang pinipilit kong review-hin ang cover ng exam, pero hindi ko alam kung may pumasok man lang ba sa utak ko dahil puro si Ricci lang naman ang naiisip ko.
Akala ko kasi, kahit one percent lang ay may chance na puntahan niya ako. Kahit one percent lang ay maalala niya na birthday ko, pero hindi pala. Dahil kahit mas mababa pa sa isang porsyento ay hindi ko siya naramdaman.
Hindi na nakapagtanong pa si Kamila sa akin dahil dumating na ang aming prof at mabilis na pinasa ang exam papers. Nag-review naman ako pero hindi ko alam kung makasasagot ako nang maayos dahil medyo masakit ang ulo ko. Pakiramdam ko ay nagka-morning sickness ako.
Puyat pa, Zivawn. Iyak pa para sa taong wala namang pakialam sa nararamdaman mo.
'Yong masakit na ulo ko kanina ay mas lalo pang sumakit nang makita ko ang cover ng exam, puro essay writing and media ethics. Kung hindi ba naman talaga minamalas na kung ano pa 'yong hindi ko na-review, eh, 'ayun pa talaga ang nakalagay rito. Nakakaiyak naman! Ang sakit na nga ng puso ko, dumudugo pa 'yong utak ko.
After ng exam ay niyaya kami ni Kamila na kumain sa mall pero tumanggi ako dahil gusto ko nang umuwi. Hindi talaga maganda ang pakiramdam ko.
Si Mary naman ay may pupuntahan pa raw. Wala akong masyadong balita about sa kanila ni Hunter. Ayoko naman magtanong since sobrang guilty pa rin ako dahil feeling ko ay may kasalanan ako sa mga nangyayari sa kanila.
Naglakad na ako papunta sa sakayan at damang-dama ko kung paano unti-unting nag-blur ang paningin ko at bago pa man ako nakahakbang ng isa pa ay nag-black out na ang buong paligid ko.
***
"MAGIGISING na rin siya maya-maya. It's just normal with her condition, sir."
Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko at bumungad sa akin ang isang babaeng naka-white coat at nasa harap niya si Juan na para bang masakit ang ulo dahil nakahawak ang kamay niya sa sentido niya.
"She'll be fine, sir. 'Wag kang mag-alala. Anyway, congrats again," nakangiting sabi ng doktor kay Juan bago ito umalis.
Inilibot ng mga mata ko ang buong paligid ko at na-realize ko na nasa ospital ako. Pero bakit? Paano ako napunta rito?
"Ano'ng nangyari?" tanong ko kay Juan. Agad namang napatingin si Juan sa gawi ko. Seryoso ang mukha niya na para bang may gusto siyang sabihin na hindi mailabas ng bibig niya.
"What?" kinakabahang tanong ko.
Wala akong maalala bukod sa nahihilo ako kanina at nag-black out ang buong paligid ko, pagkatapos ay heto ako at nagising na nasa ospital na 'ko.
Bakit ako nandito at bakit nandito si Juan?
"Alam niya na ba 'yong tungkol dito?" tanong niya kaya naman kumunot ang noo ko.
"Ang alin?" tanong ko. Hindi ko rin talaga alam kung ano ang sinasabi niya.
"F*ck it! Ang g*go niya talaga, eh! He shouldn't have done this," inis na sabi niya.
Nanginig ako nang ma-realize ko kung ano 'yong pinupunto niya. Nararamdaman ko naman pero hindi ko pinapansin. Pinipilit kong paniwalain ang sarili ko na wala lang at baka nasa isip ko lang pero mukhang mali ako.
BINABASA MO ANG
Shoot for the Moon [Completed]
Storie d'amore|Baller Series # 1| In this world full of people who keeps controlling his life. Ricci King Serrano, a famous basketball player met Zivawn Queen Cazimer who taught him that no one can control his heart.