Chapter 04

66.1K 1.8K 92
                                    

Chapter 04

"WHAT do you think of this place, Queen?" tanong niya nang maramdaman niyang nakalapit na ako sa kanya.

Sumandal din ako sa pader na sinasandalan niya at inilibot ang mga mata ko sa buong basketball court. Malaki ang lugar na ito. Kapansin-pansin ang pader na puro vandal ng motivational quotes galing sa mga sikat na basketball players. Ang mga kupas na linya sa sahig at ang sira-sirang net ng ring, malalalaman mo na mahabang panahon nang napabayaan ang court.

May mga batang naglalaro dito kapag umaga pero nakikita ko na pinagtitiyagaan lang nila ang sirang net ng ring. Gusto ko sanang mag-donate sa ikaaayos ng court na ito, ngunit ayaw ng homeowners ng subdivision na galawin ang court na ito dahil na rin sa iginagalang nila ang hiling ng namapayapang may-ari nito—na ang apo lang nito ang may karapatang gumalaw sa court. But it has been ten years at mukhang hindi naman na ito naaalala ng apo ng may-ari nito. Nakapanghihinayang talaga.

"Itong lugar na 'to, parang safe haven ko. Dito ako laging nagpupunta kapag nalulungkot ako. Bukod kasi sa tahimik at walang tao na pumupunta kapag ganitong oras ay gustong-gusto ko rin iyong ambiance dito," sabi ko kay Ricci at huminga nang maluwag. Kapag nalulungkot ako, nagbabasa lang ako ng motivational quotes na nasa pader at parang magic na nali-lift up na ang mood ko.

Tumingin ako kay Ricci at seryoso lang ang mukha niya habang pinagmamasdan ang sahig na kupas na ang pintura ng mga linya. Siguro iniisip niya kung sino nga ba ang magtitiyagang maglaro rito lalo na kung may bago at mas maganda nang court na malapit lang dito.

"Alam mo, kung puwede ko lang talagang kausapin 'yong apo ng may-ari nito, gagawin ko, eh. Ipare-realize ko sa kanya kung gaano kaganda ang lugar na 'to," dagdag ko.

Napatingin naman siya sa akin at kapansin-pansin ang malungkot niyang pagngiti.

May problema ba 'to? Kita sa mga mata niya ang kalungkutan.

"Do you think it is really worth it?" seryosong tanong niya.

"Ano ka ba, oo naman, ano! Sobrang worth it ng lugar na 'to, saka sure ako na nalulungkot na ang lolo niya ngayon habang tinitingnan ang lugar na 'to. Iniisip siguro niya kung bakit hindi na ito binalikan ng apo niya," sagot ko kay Ricci. Ako nga na tumatambay lang ay nalulungkot dahil sa sitwasyon ng court, si Lolo pa kaya na siyang naglaan ng oras at pera para sa lugar na 'to.

Hindi sumagot si Ricci sa mga sinabi ko at tumingin lang muli sa kabuoan ng court.

Maya-maya pa ay nagulat kaming dalawa nang may unti-unting pumatak na tubig mula sa itaas.
Umuulan.

Inilagay ko ang kamay ko sa itaas ng ulo ko at para akong nagpa- panic kung saan kami sisilong. Halos mapatalon ako nang biglang hubarin ni Ricci ang sombrero niya at ilagay iyon sa ulo ko. Parang nag-slow motion ang buong paligid namin. Bumilis na naman ang tibok ng puso ko.

"Let's go!" sabi niya.

Inilagay niya ang mga kamay niya sa taas ng ulo ko at tumakbo kami hanggang sa sasakyan niya.

Pinapasok niya ako sa passenger seat sa harap bago siya pumasok sa driver's seat. Basang-basa siya ng ulan at halos malaglag ang panga ko nang bigla niyang hubarin ang polo na suot niya.

Napatingin ako mula sa mga mata, ilong, panga niya, sa leeg, sa dibdib, sa biceps niya at sa, OMG! Dati tinitingnan ko lang 'to sa picture pero sa pagkakataong ito, live and alive ang nakikita mismo ng dalawang mga mata ko.

"Stop drooling."

Agad akong napahawak sa bibig ko nang sabihin niya iyon.

Naglaway ba talaga ako? Sh*t. Nakahihiya pero hindi naman basa ang gilid ng labi ko, ha?

Mahina siyang tumawa habang isinusuot ang bagong shirt na kinuha niya mula sa likuran ng kanyang kotse.
"I'll drive you to your apartment. You should take a bath. I don't want you to get sick." At tulad nga ng sinabi niya, inihatid niya ako sa apartment ko.

Lalabas na sana ako sa kotse nang bigla niyang hawakan ang braso ko. Sa ikailang ulit na pagkakataon ay bumilis na naman ang tibok ng puso ko at naramdaman ko ang pag-init ng mukha ko.

"Can I get your number?" tanong niya. Inilahad niya ang cell phone niya sa harap ko kaya nanlaki ang mga mata kong tiningnan siya.

Seryoso ba siya?

Agad siyang bumitiw sa kamay ko at nakagat ang ibabang labi niya na tila ba nahihiya sa ginawa niya. Bakit pati iyong simpleng galaw niya ay ang sexy pa rin sa paningin ko? Kailangan ko na yatang hugasan ng holy water ang utak ko sa sobrang dumi ng mga iniisip ko.

"I mean, I need to contact you just in case you got sick, because I feel responsible whenever that happens," paliwanag niya.

Dali-dali ko namang kinuha ang cell phone niya bago pa magbago ang isip niya saka tinype ang number ko. Agad niya ring tinawagan iyon para ma-save ko rin ang number niya. Kung hindi niya kasi ako ite-text ay ako na lang ang magme-message sa kanya. Sayang ang opportunity.

Parang dati lang ay todo tweet pa ako sa kanya ng, 'Ricci, please notice me,' with crying emoticon pa pero never niya naman akong napansin dahil sobrang dami ng followers niya sa Twitter. 'Tapos ito ako sa pagkakataong ito, kinukuha niya na lang ang number ko.

Mukhang hindi na naman tuloy ako makatutulog nang maayos nito mamaya.

Lalabas na sana akong muli ng sasakyan pero may naalala ako kaya humarap akong muli sa kanya.

"Uh, ano, itatanong ko lang kung kailangan ko bang magkasakit para puwede kitang i-message?" tanong ko sa kanya. Kasi kung iyon ang requirement para maka-text ko siya ay balak ko sanang maglagay ng bawang sa kili-kili ko para uminit ang buong katawan ko.

Natawa na naman siya sa sinabi ko. "No. I don't want you to be sick but I will still message you anyway," aniya.

Mabilis naman akong lumabas ng sasakyan niya at dumeretso sa pintuan ng apartment ko. Mabuti na lang din at tumila na ang ulan.

Nakita ko kung paano bumukas ang engine ng kotse niya pero bago umandar iyon ay nag-vibrate bigla ang cell phone ko.

'Please take care of my favorite cap. That's my thank you gift for making me realize something,' sabi roon sa text kaya mabilis akong napahawak sa ulo ko. Hindi ko pala naibalik sa kanya ang sombrero niya.

Sa akin na 'to? Seryoso ba siya? At tsaka ano kaya iyong sinasabi niyang na-realize niya?

Agad nga akong naligo pagpasok ng apartment. Matapos magpatuyo ng buhok ay humiga na rin ako para makapagpahinga. Papikit na sana ako nang may bigla akong naalala. Ang gulo ni Ricci pero sh*t, dati ang hiling ko lang ay kahit mapunasan ko lang ang pawis niya, 'tapos ngayon may souvenir pa ako mula sa kanya. Para tuloy akong t*nga dahil yakap-yakap ko ang sombrero niya bago ako matulog.

"God, you're so good to me. Salamat po sa mga blessings," malakas na sabi ko bago ako pumikit na may ngiti sa mga labi.

Shoot for the Moon [Completed]  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon