TW: verbal abuse and bullying
"Ang ganda ng araw ngayon..."
Nakatitig lang ang batang si France sa langit at pinapanood ang pagsikat ng araw. Naka-sando at short siya nang lumabas ng bahay para makita ito.
First day niya ngayon bilang Grade 2 kaya excited siyang pumasok. Sa wakas, makakalabas na siya ng bahay nila. Buong bakasyon, wala siyang ginawa kung hindi ang manood ng TV, laruin ang mga stuff toy niya, at magbasa. Nakakasawa din.
"France, ubusin mo muna ang pagkain mo!" sigaw ng nanay niya mula sa hapag-kainan.
Parang walang narinig si France at patuloy lang ito sa pagtitig sa langit. Manghang-mangha siya sa paunti-unting pagliwanag ng kalangitan. Ang kanina'y madilim na langit ay unti-unting nahahaluan ng matingkad na kulay dilaw mula sa sinag ng araw.
Pakiramdam niya, lumiwanag din ang buhay niya.
Sa wakas, tapos na ang madilim n'yang bakasyon. Papasok na ulit siya!
"Francesca Eleanor De Jesus! Ilang tawag pa ba?!" iritang sabi ng nanay niya nang sinundan siya sa labas.
Lumingon ito at ngumiti. Labas ang mga sira nito sa ngipin. "Sorry po, 'nay! Ang ganda po kasi talaga ng langit ngayon!"
Tumingala ang nanay niya. "Maganda nga..." Binaling nito ang tingin sa anak niyang naka-bukas pa ang bibig habang pinapanood ang langit. "Pero mas maganda kung kikilos ka na dahil mala-late ka na!"
Kahit konti ay hindi nasindak si France. "Saglit lang po, 'nay! Hintayin lang po natin na lumiwanag talaga!"
"Hay nako!" Hinawakan niya ang pala-pulsuhan ni France at dinala ito pabalik sa hapag kainan.
"Nay! Saglit lang po!"
Pinaupo ni Teresa ang anak niya. "Ubusin mo na 'yan at aayusan na kita. Hindi naman mawawala ang araw, anak. Sisikat at sisikat ulit 'yan."
Sumimangot si France bago ipinagpatuloy ang pagkain niya. Sinimulan namang suklayin ni Teresa ang mahabang buhok ni France.
"Anong gusto mong kulay ngayon?" tanong ni Teresa.
"Yellow po, Nay!" masayang sabi ni France.
Tumawa ang nanay niya. "Paborito mo talaga ang yellow, ano?"
"Opo! Para po kasi siyang araw!"
Paborito ni France ang kulay dilaw, kaya halos lahat ng gamit niya ay ganoon ang kulay. Hinati ni Teresa ang buhok ni France sa dalawa bago ito tinirintas at pinuyod ang dulo. Nag-clip din ito ng dalawang ribbon na kulay dilaw para takpan ang laste na pinangtali niya sa buhok ni France.
Pagkatapos kumain ni France, nagtoothbrush na ito at bumalik na sa salas para suotin ang uniform niya. Simpleng white blouse at navy blue skirt lang ang uniform niya. Nanonood siya ng balita habang dinadamitan siya ni Teresa.
"May bagong pangalan akong nakita sa listahan ng mga nakapasa sa Star Section. Simeon Nathaniel Gale Natividad ang pangalan. Kilala mo ba 'yon, anak?" tanong sa kanya ng nanay niya habang inaayos nito ang palda niya.
Kinibit ni France ang balikat niya. Ang mga mata niya'y nakatingin pa din sa TV. "Hindi po."
Bukod sa mga kaklase niya, wala na siyang ibang kilala sa school. Malaki ang Ezperanza Central School at alam niyang marami ang estudyante rito, pero hindi naman siya nakakapaglibot. Madalas ay nasa classroom lang siya buong araw at nakikipaglaro sa mga kaklase niya.
"Maging mabait ka sa mga kaklase mo, ha? Huwag kang masungit. Masama 'yon." pagpapa-alala ni Teresa habang sinusuot niya ang yellow na bimpo sa likod ni France.

BINABASA MO ANG
Glimpse of Sunrise
RomanceSunrise means new beginnings for Francesca Eleanor De Jesus and Simeon Nathaniel Gale Natividad who grew up watching the sunrise together. Both of them believed that as long as the sun rises, there's nothing they couldn't overcome.