YLANA’S POV:
“Kuya, pwede po bang ikaw na muna bahala rito?” Tanong ko kay kuyang guard sabay lahad ng susi. Ngumiti naman ito at tumango kaya dumiretso na ako sa loob.
Pasado alas-diyes pa lang ng umaga ay bumiyahe na ako papunta sa bahay ni Mr. Chavez para balikan si Katherine. Wala pa rin siyang reply sa mga huli kong mensahe, kaya minabuti kong matulog na lang kagabi. Excited na akong magkwento sa kanya para sa papalapit na pasko. Ano kayang plano niya?
Sinalubong ako ni Lola Glenda galing kusina kaya binati ko siya. “May maitutulong ba ako sayo, nak?” Tanong nito nang mapagtantong abot tenga ang ngiti ko.
“Si Ma’am Katherine po, asan?”
“Ay, hindi mo ba kinatok sa kwarto niya?”
So naka-uwi na pala siya.
“Nandoon po ba siya sa taas?” Masayang tanong ko.
“Kung hindi pa sila nakaka-alis ni Trisha, edi baka nasa kwarto lang at natutulog.” Sagot niya habang hindi rin inaalis ang ngiti sa labi.
Agad naman akong nagtaka. “Po? May kasama po ba siya ngayon?” Kunot noo kong tanong kay Lola Glenda.
“Oo, si Trisha. Magkasabay silang dumating kagabi. Baka nga hanggang ngayon tulog pa ang dalawang yun sa kwarto. Nagulat pa nga ako eh!” Tumawa siya sabay tapik sa balikat ko. “Naka-uwi na pala siya galing ibang bansa?”
Aba’y malay ko po? Close ba kami?
“Yung Trisha po ba?” Familiar ang pangalan...
“Oo. Hindi mo pa ba siya nakikilala? Alam mo ba, mas lalo pa nga siyang gumanda pagbalik niya galing Amerika.”
Bakas sa mukha ni Lola Glenda ang tuwa habang ikinukuwento si Trisha—ang babaeng kasama raw ni Katherine kagabi.
“Mabait na bata 'yon si Trisha, nak. Kaya nga close sila ng boss mo, eh. Siya lang ata ang kayang sumaway kay Katherine.”
Napilitan na lamang akong ngumiti. “Talaga po?”
“Minsan kasi, may katigasan talaga ng ulo ni Katherine. Buti ngayon, titino na ’yan dahil nandito si Trisha.”
Gusto kong mainis kay Lola at sabihing wala akong interes sa babaeng ’yon. Pero sa paraan ng pagkukuwento niya, parang lalo akong naniniwala na sobrang lapit ni Trisha, hindi lang kay Kath, kundi pati na rin sa buong pamilya at mga kaibigan nila. Talagang mabango ang pangalan niya sa lahat.
Bakit ba ang daming epal na tao ngayon?
Kahapon lang, si Ashley. Tapos si Evangelo. Ngayon naman, itong si Trisha. What’s with these random people?
Hindi ko pa nga siya personal na nakikilala, nagseselos na agad ako tungkol sa kung anong lugar meron siya sa buhay ni Katherine. Paano na lang kaya ’pag nasaksihan ko pa mismo? Baka sumabog ako sa selos — nang wala sa oras.
Chill, Ylana. Platonic friendship lang ang meron sila. Pero ikaw? Girlfriend ka. Girlfriend ni Katherine!
Right. Bakit nga ba ako magseselos kung mas lamang naman ako sa karapatan?
“Ang mabuti pa, kumain ka muna at nagluto ako ng leche flan.” Ani Lola Glenda.
“Hayaan mo na muna sila sa taas, baka mahimbing pa ang tulog ng dalawang ’yon. Alam mo naman si Kathy, kung tao lang ang kama niya, iisipin ko talaga minsan, asawa na niya ’yon.” Biro pa niya na agad ko namang sinabayan.
“Sinabi mo pa, Lola! Kung hindi laging puyat ang babaeng ’yon, eh laging tulog,” sulsol ko pa.
Pero sa totoo lang, halos lamunin na ako ng selos sa mga narinig ko. Magkatabi pa talaga.
