"Hindi talaga ako makapaniwala, Argos. Nasaan ang katawan ng nakalabang na bampira ni Bryl?" Takang-taka pa rin si Rodolfo sa nangyari. Pilit pa rin niyang iniisip kong saan nga ba ito napunta o sino ang nagkuha nito.
Papalapit na sila sa tirahan ni Bryl ng biglang dumating ang kambal na sina Sato at Atos.
"Nasaan si Bryl?" tanong ni Sato.
"Ano'ng nangyari sa kanya?" si Atos naman ang nagtanong.
Mabilis na tinungo ng kambal ang tirahan ni Bryl at nanlaki na lang ang kanilang mga mata nang makapasok sila loob.
"Oh, bakit kayo napahinto?" pagtataka ni Argos nang mapansin niyang hindi na gumalaw ang kambal.
"Ano bang problema..." si Rodolfo na bigla na lang sinenyasan ng kambal na huwag na munang mag-ingay.
Dahan-dahan silang umatras palabas at saka na lang nalaman nina Argos at Rodolfo ang tunay nangyayari sa loob. Napangiti na lang ang mga ito.
"Mukhang nagkakaunawaan na sila. Mabuti ba 'to, Rodolfo?" tanong ni Argos.
Napaisip si Rodolfo sa tanong ni Argos. Tama nga kaya ang nangyayaring pagkaka-unawaan ng dalawa nilang kasama? o makakasama lang ito sa kanila?
"Hayaan na lang muna natin sila. Ang mahalaga, walang masaktan sa'tin at sama-sama pa rin tayo," sumagot pa rin si Rodolfo kahit hindi niya alam kung tama nga ba ito o mali.
"Ang importante pala ngayon, ay ang malaman natin kung sino ang kumuha sa bangakay ng nakalaban ni Bryl o kung saan nga ba ito nagpunta," saad ni Argos.
"Ha? Nawawala ang bangkay? Pero paano nangyari 'yon?" gulat na tanong ng kambal.
Nagkibit-balikat na lamang si Rodolfo at tinalikuran sila. Tila may hinala siya, pero kailangan niya munang makasiguro nang hindi sila manganib.
"Kakausapin ko ang matandang mortal, may kailangan akong malaman. Sige na mga kasama, malapit nang sumikat ang araw. Magkita na lamang tayo mamayang gabi o kaya 'pag kayo'y tinawag ko," agad na umalis si Rodolfo nang nakapag-paalam na siya sa kanyang mga kasama.
"Nasaan nga pala ang batang laging akay mo, Argos?" pagtataka ni Sato.
"Bakit mo tinatanong?" agad na pinanlisikan ng mata ni Argos si Sato.
"Sandali lang... Wa...wala naman akong ibig...sabihin na..." pautal-utal na saad ni Sato.
"Loko ka kasi e, ang tanga ng tanong mo! Tara na, umuwi na tayo!" sermon ni Atos sa kanyang kakambal. "Sige Argos, mauna na kami. Pagpasensyahan mo na lang ito."
Nagtatalo pa ang kambal habang palayo na sila kay Argos na nanatili pa ring nakatayo at napangiti ng maliit dahil sa ikinilos ng kambal. Marahil ay tuwang-tuwa siya sa dalawa.
---
"Si Vincent ang pinaghihinalaan mo na kumuha ng bangkay ng isang bampira. Rodolfo?" tanong ni tandang mortal.
"Oo. Hindi ba, sinabi niyo na mahilig siyang mag-saliksik ng mga kahit anong bagay na kakaiba? Marahil, naroon siya nang mangyari ang labanan nina Bryl at ng bampira," saad ni Rodolfo. Gusto n'yang maniguro at upang malaman din ito ni Tanda.
Napailing na lang ang matandang mortal. Hindi niya matanggap ang haka-haka ni Rodolfo. Dahil ito'y isang babala na para sa kanila at ito'y mapanganib para kay Vincent.
Paano na lamang kung malamang ng mga bampira na isang mortal ang kumuha ng bangkay ng kanilang lahi? Siguradong magagalit ang mga ito at patuloy na maghahasik sa buong mundo ng mga mortal. At kapag nangyari 'yon nang hindi pa sila handa, siguradong wala silang laban at mauubos ang kanilang lahi.
