Ciro
Masyadong marami ang mga mortal na naririto. Ang hirap kumilos dahil baka mabuko kami at malaman nilang lahat na hindi kami tulad nila. Pero... hindi ko kayang makita ang iba na nawawalan na lang ng buhay sa t'wing inaatake sila ng mga kalaban. Wala silang kakayahan para pigilan ang mga nilalang na 'to.
"Ciro, anak. Huwag," sabi ni Ama sabay hawak sa braso ko na tila gusto niyang huwag muna akong kumilos. "Tumakbo na muna tayo, lumayo muna tayo dito. Masyado silang marami," mungkahi pa nito.
Pero bakit? Hahayaan na lang ba namin na ubusin nila ang lahi ng mga mortal? Hahayaan na lang ba namin na manaig ang mga kalaban? Hindi naman ata tama ang umatras na lang bigla sa ganitong laban.
"P-pero. Ama... kailangan nila nang tulong natin," saad ko. Gusto kong malaman kung hanggang saan na rin ang makakaya ko. Alam kong natalo ko si Ama noon na kahit nasa anyong lobo siya, kaya posibleng matalo ko ang mga nilalang na 'to.
Wala akong pakialam kung kalahi ko sila ngayon. Dahil ayokong madungisan ng masama ang buhay ko pati na rin ni Ina. Ipaglalaban ko kung ano ang nararapat, kaya kailangan ko 'tong gawin.
"Ciro! Bumalik ka! Ciro!!" narinig kong sigaw ni Ama habang ako'y papalayo patungo sa kinaroroonan ng mga kalaban. Nandito ako para protektahan ang mga mortal at ipaglaban ang pagkamatay ng Ina ko. Kaya oras na nila para magbayad.
Habang papalapit ako sa mga bampirang sarap na sarap sa kanilang ginagawang pagpatay sa mga mortal, napansin ko ang isang lalaki na bampira na tila sabik na sabik sa dugo ng babaeng mortal na nasa harap niya. Takot na takot ang babae habang tinatawan lang siya ng malademonyo ng bampirang 'yon.
Hindi na niya naramdaman ang paglapit ko sa kanya kaya halos hindi siya nakaporma agad. Sinakmal ko ang kanyang leeg at iniangat.
"Patawad kung ito na ang huling araw mo," saad ko at saka inipit ang kanyang leeg hanggang sa maputol ito at mahiwalay mula sa katawan.
"Aaaaaah!!!" sigaw ng babae na agad namang nagpainit ng ulo ko.
Pero may bigla akong naramdaman. Ganito pala kapag natatakot sa'yo ang isang tao.
"H-huwag kang lumapit! Mga halimay kayo!" takot na takot na sigaw ng babaeng nasa harap ko.
Bakit ganito ang nararamdaman ko? Parang wala akong nagawang tama. Parang ako pa ang naging masama. Iniligtas ko siya pero imbes na pasalamatan niya ako, pinagtatabuyan niya ako.
Napaatras ako at nakaramdam ng takot. Takot na baka ako'y hindi na tanggapin ng lahat. Takot na baka... masaktan lang ako lalo. Hindi lang sa pisikal kundi emosyonal. Bakit? Bakit kailangan mag-resulta ng ganito?
"Mama, ano po 'yung ginawa niya?" narinig kong sambit ng isang paslit na nakayakap sa kanyang ina.
Hindi ko alam kung ano ang nasa isip ng paslit na 'yon dahil siya'y wala pang masyadong naintindihan sa mga nangyayari. Pero iniisip ko na balang araw na maiintindihan na niya ang lahat, magiging katulad ba siya ng kanyang ina na tila takot na takot sa'kin kahit hindi niya alam kung ano ang tunay kong hangarin. Tss.
Ito na ba ang tinutukoy ni Ama? Na kahit na gumawa ka ng mabuti kung may kasamaan na nakita sa'yo, hindi ka matatanggap ng tao ng buong-buo at ang sakit pala talaga.
"Huwag mo siyang titignan, Anak. Tara na, umalis na tayo dito," sambit ng kanyang Ina at agad niyang hinila ang kanyang anak palayo.
Biglang may dumaloy na kuryente sa buong katawan ko at napako na lang ako sa kinatatayuan ko.
"Saan kayo pupunta? Hindi dapat kayo naririto mga mortal. Pero dahil nandito na kayo at kayo na mismo ang lumapit sa'min, ibibigay niyo ang gusto namin. Hahaha." narinig kong sambit ng isang bampira na bigla na lang sumulpot sa harap ng mag-ina.