-25-
"Ngayong araw na ito tayo susugod sa kampo ng mga Bampira. Kaya kayong mga pinuno ng bawat pangkat ay maghanda na, gumawa kayo ng maraming palaso na may apoy para sa mga hindi pa gaanong hasa sa pakikipaglaban, mag-ensayo na muna at pagalingin ang iba pang sugatan. Buo na ang loob ko na isuko ang susi na ito para sa kaligtasan ng aking anak na si Franco."
Nagkaroon na pagpulong ang iilang lahi ng mga lobo na pinamumuunan mismo ni Raul. Naroon lahat ang mga pinuno ng bawat pangkat ng kanilang lahi. Napagpasyahan nila na daanin na sa malaking pakikipaglaban ang lahat para magwakas na ang masamang binabalak ni Thana.
Ang lahat ng mga lobong hindi pa bihasa sa pakikipaglaban ay gumawa ng mga sandata tulad ng mga palaso na may apoy sa dulo. Apoy ang isa sa kahinaan ng mga bampira kaya naman ito ang gagamitin nila.
Ngunit hindi lahat ay sang-ayon sa digmaang nais ni Raul, may iilang lobo ang hindi na lamang nakiisa. Mas nais nila ang mapayapa, may nagnanais na kalimutan na lang ni Raul ang kanyang anak, may nagnanais na mawala na si Raul at siya o sila ang dapat na maupo sa trono.
"Hindi dapat tayo sumunod sa kanila, masyadong mapanganib!" sabi ng isang lobo.
Sa likod nang isang malaking puno naroon ang mga lobong nais labanan si Raul at ang iba pang pinuno.
"Pero kulang ang ating pwersa para labanan natin sila!" sabi ng isang lobo.
"Huwag kayong mag-alala, may alam akong paraan para mapabagsak natin yang si Raul. Hahaha." sagot ng isang lobo na tila may alas na hawak.
"Ano naman ang binabalak mo Primero?" tanong ng isang lobo.
"Maghintay lang kayo, may kakausapin lang ako tungkol dito at sigurado akong makakatulong siya sa atin." pagyayabang ni Primero, ang pinuno ng mga lobong bumaligtad kay Raul.
Samantala, habang abala ang lahat sa paggawa ng mga sandata. Muling pinulong ni Raul ang kanyang mga kapwa pinuno.
"Sigurado ka na ba dito Raul? alalahanin mo na hawak nila ang iyong anak." paniniguro ni Silvero.
"Maaaring magwakas dito ang lahat Raul, hindi tayo makakatakas sa malaking digmaan na ito." Pag-aalala ni Pinunong Alfonso.
"Kailangan na nating lumaban, hindi nila dapat marating ang mundo ng mga mortal, mas marami ang malalagay sa panganib. Tama, isusuko ko ang susi na ito, pero hindi ko hahayaan na mabuksan nila pintong lagusan." matapang na paliwanag ni Raul.
"Wala bang ibang paraan maliban sa digmaang ito?" tanong ni Rufino.
Napatingin si Raul kay Rufino. "Kung ayaw mong makiisa, mabuti pang ilayo mo na lamang ang pamilya mo dito Rufino."
"Hindi naman sa ganun, ang akin lamang eh, paano kung patay na ang anak mo? Ano pa ang pinaglalaban natin?" sagot naman ni Rufino.
"Huwag kang magsasalita ng ganyan, hindi nila iyon magagawa hanggat hindi nila nakukuha ang nais nila. Kung wala kang lakas para makipaglaban, lumayas ka dito at papalitan kita."
"Pasensya na, hindi ka na mabiro." napakamot na lang sa ulo si Rufino.
"Mamayang gabi tayo kikilos, pagbilog ng buwan ay tiyak na lamang tayo sa lakas. Kaya maghanda na muli tayo!" pagtatapos ni Raul.
______
"Lady Thana, may dalawang lobo ang nais na kumausap sa inyo."
Naliligo noon sa dugo si Thana sa kanyang bloodbath nang marinig niya ang balita ng kanyang tauhan.
"Anong ginagawa nila dito?" tanong ni Thana sa tagapag-balita na nasa labas at tila gustong sumilip.
"Ah eh, wala po silang binanggit, nais daw nilang makausap kayo na sarilinan." sagot ng tagapag-balita na aakma sanang buksan ang telang nakaharang para masilayan ang katawan ng kanyang pinuno. Ngunit nang matanggal niya ito. . .
