Poem 69: Ang Pagbangon

123 0 0
                                    


Ikaw ay naigapos sa alaala ng nakalipas;
Ang iyong mga mata ay piniringan ng kanyang pagbabalat kayo;
Ang iyong mga taynga'y nabingi sa mga pangakong nagpakilala sa iyo kay Pagpapakatanga...
Mga pangakong isinadlak ka sa kalungkutan.

Iyo siyang pinagkatiwalaan;
Buong puso, siya ay iyong pinagsilbihan.
Tinanggap mo ang kanyang pagkakamali ng walang pagaalinlangan;
Iyo siyang inalagaan nang hindi naghahangad ng ano mang sukli, Ngunit ang hindi ko maintindihan kung bakit sa kabila ng kabutihang iyong ipinakita...
Sakit at paghihirap ang iyong napala.

Mahabang panahon kang naging alipin sa sarili mong tahanan;
Ang malawak mong mundo ay unti-unting sumikip nang siya ay iyong pinapasok.
Ang kalayaan mo na maging masaya ay kanyang ipinagkait;
Ang liwanag ng langit at mga bituin na nagsisilbing gabay mo ay kanyang ikinubli...
Kanyang ipinagdamot ang magagandang bagay dahil hangad niya na ikaw ay magdusa,
Sapagkat ang iyong pagdurusa ay kanyang kaligayahan.

Nagdaan ang mga araw
At ang salopan ay napuno...
Isip at katawan mo'y pagod na sa kanyang pangmamata't paninirang tao.
Galit at pagkainis ay kanyang ipinunla sa iyong puso,
Galit at paghihinagpis, mga tinig na bumubulong na "ika'y mahiganti";
Galit at pagkainis, ang siyang huhumiyaw ng paghihiganti,
Ngunit sa kabila ng malalalim na sugat sa iyong puso,
Sa kabila ng pagbitiw niya ng mga salitang dumurog sa iyong pagkatao, Ang katiting na liwanag sa iyong puso ang siyang nanaig.

Sa bawat hagupit niya, kapalit ay iyong pagpapatawad.
Pagpapatawad, ang tanging ganti mo sa lahat ng kanyang ginawa...
Ang bumunot ng tinik na ilang dekada nang sa kaibutoran mo'y nakabaon;
Pagpapatawad, ang naging sandigan mo upang ipakita ang kanyang pagkukulang at pagkakamali;
Pagpapatawad, ang nagkalas sa iyo mula sa gapos ng sakit at nagpahilom sa sugatan mong puso.

DCL's Poem CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon