Poem 101: Time Machine

219 1 0
                                    

Wala ka namang kasalanan sa akin ngunit ikaw ay aking sinisigawan
Sa tuwing ako ay tinatawag kapag ikaw ay may kailangan,
Minsan naman ako ay nagbibingi-bingihan
Kapag ang ipapagawa mo ay hindi naaayon sa aking kagustohan.

Gayon pa man ako ay iyong minahal ng buo,
At ang sarili mo'y sininubsob sa pagtatrabaho
Hindi alintana ang pagod sa pagkayod buong maghapon,
Ang mahalaga lamang sa iyo ay maipasok ako sa kolehiyo.

Pagmamahal mo sa akin ay walang katulad-
Pagmamahal na kahit anong bagay ay walang makakapantay,
Ngunit ang kabutihan mo'y hindi binigyang pansin,
Ang katulad mo ay hindi ko binigyang halaga.

Isang gabi, habang ako ay pauwi mula sa gimik,
Mula sa kabilang dako, akin kang natanaw,
Patawid ka pasan-pasan ang labahin pauwi
Nang ang paparating na SUV ay hindi mo nakita.

Doon, nakita ko ang aking sariling
Nakaluhod sa daan habang yakap-yakap ka;
Niyuyugyog ang katawan mong binahiran ng pulang likido,
Saliri mong dugo, ngayon ay dumanak na.

Hindi ko alam kung sino ba ang dapat sisihin
Sa trahedya na dumapo sa atin-
Ang tsuper ba na sa iyo ay naka-bangga
O ako bang anak mo na naging pabaya?

Naging pabaya sa Inang may edad na,
Ako na mas nakababata 'diba't dapat ay inaalalayan ka
Sa pagtataguyod sa pamilyang tayo na lamang ang natira?
Ngunit ako'y naging iresponsable, ika'y iniwang mag-isa.

Heto nga't ang aking sarili ay sinisisi
Sa pagbibigay sa iyo ng mabigat na pasanin;
Kung sana hindi ka ipinagpalit sa aking tropa,
Edi sana tayong dalawa pa rin ay magkasama.

Ngunit nangyari na ang lahat!
Sa akin, binawi ka na ng Maykapal...
Marahil ay nakita Niyang ako'y hindi karapat-dapat
Sa katulad mo na may pusong dalisay at tapat.

Habang mag-isa, ang nakaraan ay nagbabalik
Ang mga alaala natin, sa isip ko ay paulit-ulit
Na nagaganap lalo na ang iyong mabubuting gawa,
Sa hindi ano, ang mga luha ko'y tuloyan nang pumatak...

Mula sa aking mga matang hilam ng luha,
Luhang bunga ng iyong biglaang  pagkawala,
Kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan
Ay ang pag-agos ng pighati na aking dala-dala.

Pighati at pangungulila sa Inang mapagmahal,
Natatangi na kahit anong bagay ay walang makakapantay;
Ang nag-iisang nilalang na nagmahal sa akin ng lubos
Ngayong ako ay nagkaisip at maging noong pa ako ay musmos.

Ngayon nga ako ay lubos na nagdadalamhati
Dahil mula ngayon, ang 'yong ngiti ay 'di ko na masisilayan,
Ang yakap mo ay hindi ko na mararamdaman
At kalinga mo, hindi ko na masusumpungan.

Alam kong ang pagluha ko ay hindi mo na makikita,
Ang aking pagtangis, kailan man ay 'di mo na maririnig,
Ngunit sana kahit sa kabilang buhay, mahal na Ina
Ang paghingi ko ng kapatawaran ay iyong tanggapin.

Ang mundong ito ay hindi panghabang buhay na tirahan,
Ang oras na binigay sa atin ay limitado lamang kaya
Kung may pagkukulang ka sa pamilya mo, ngayon pa lang punan mo na
Bago pa sabihin ng Nakakataas na 'ang oras mo ay tapos na'.

DCL's Note:

Hello, supposedly hanggang 100 lang talaga ito but then, I have new year's goal for this book, kaya I'll keep on updating this poem compilation hanggang sa maabot ko ang itinakda kong goal.  So yeah, this piece was written last Match 10, 2017 para sa  Eviction Round ng MakataPH (Group po ito sa FB kung saan tinutulongan ng mga Admins ang members/ aspiring writers na mas mapaghusay pa ang galing nila sa pagsusulat.) Suki potalaga ako ng eviction round, so there you have it, Time Machine, I hope na enjoy ninyo ang pagbabasa sa librong ito, hanggang dito muna tayo, see you sa next page.

Love Lots,

DCL

DCL's Poem CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon