Poem 7: Unang Pagkakataon

456 6 3
                                    


Unang Pagkakataon
By: DarkChocoLove

Sabi nila ang mabisang gamot sa sakit ay ang pag-inom ng tabletas.

Kung hindi umobra, magtungo sa hospital at sa doktor ay magpakunsolta

May iba naman na mas gusto na sa albularyo nalang upang mas makatipid ng pera,

Ngunit para sa akin, wala sa tatlo ang gamot  sa sakit na aking dala-dala.

Matagal nang panahon ang lumipas ngunit parang kahapon lamang ang nagdaan.

Hanggang ngayon, sariwa pa sa aking balintataw ang mga alaala na aking pinakaiingatan.

Ang alaala ng unang araw na tayo'y nagkakilala;

Ang unang beses na nginitian mo ako kasabay ng palitan natin ng "Hi" at "Hello"

At ang pag-abot mo sa akin ng aking mga libro na iyong pinulot sa sahig nang tayo ay nagkabangga.

Sa unang pagkakataon, ako ay nagkaroon ng kaibigan sa iyong katauhan,

At sa paglipas ng mahabang panahon na ating pagsasama,

Ako ay nahulog sa iyo na para bang isang bagay na hinila ng gravity mula langit pababa sa lupa.

Alam kong masyado mabilis ang mga pangyayari, ngunit sa aking pananaw,

Wala namang pinipiling panahon ang pag-ibig kung kailan siya darating...

Hindi ito katulad ng tao na kakatok sa iyong pinto at magpapaalam kung maaari bang pumasok datapwat, kusa itong papasok sa pinto ng iyong puso, magkakalat ng sari-saring emosyon- saya, lungkot, pagkaselos o ano pa man na palatandaan na ikaw ay umiibig...

At isang araw, magugulat ka nalang na nabubuhay ka hindi dahil sa hangin na iyong hinihinga kundi dahil sa pagmamahal at saya na dulot nito.

Naaalala ko pa, Linggo ng hapon  noon nang unang beses mo akong yayain na magsimba

At pagkatapos ng misa, tayo ay namasyal sa plaza; ang lugar na madalas tagpuan ng magsingirog.

At sa unang pagkakataon, doon, naglapat ang ating mga palad na siyang naghatid ng bolta-boltaheng emosyon sa aking balat na noon ko lang rin unang beses na naramdaman.

Pakiramdam na nagpalabo ng aking paningin sa mahabang panahon, ngunit sa lahat ng bagay, tanging ang iyong imahe lamang ang naging malinaw.

Pakiramdam na siyang pumuno sa puwang na matagal ng nasa aking dibdib at nagdulot sa akin ng ligaya na walang kasidlan.

Ang natatanging pakiramdam na siyang nagpabilis sa pagtibok ng aking puso na animo'y nakikipagkarerahan sa derby ng mga kabayo.

Sa bawat araw na lumilipas;
Sa bawat minutong pumapatak,

Wala akong natatanging hiling kung hindi ang makasama ka; ang masilayan ang iyong mukha.

Ang madama ang init na sa akin ay iyong ipinapadama kapag ako ay iyong kinukulong sa iyong mga bisig na aking naging kanlungan at sandalan sa mga panahon na masasabi kong wala na akong kakampi.

Napaka perpekto ng lahat;
May roong ikaw at ako.
Mayroong tayo ngunit bakit ganoon?

Kung gaano ka bagal ang pag-inog ng mundo, ganoon naman kabilis ang iyong pagbabago?

Ang dati ay mapagaroga mong mga kamay ay naging marahas,

Ang pag-ibig na dati ay nagbigay sa akin ng kalayaan upang liparin ang kalangitan ay siyang nagpiit sa akin at nagsadlak sa pagdurusa na sa akin ay paulit-ulit na nagpapaluha.

Ang mga yakap mo na dati ay naging pananggalang laban sa mga sakit  ngayon ay dahan-dahan ng nalulusaw na animo'y yelong naaarawan.

At ang pag-ibig mo na dati ay kay tamis ngayon ay naging mapakla at ang mukha mong dati ay nasisilayan ng ngiti ngayon ay hindi na maipinta.

At doon, sa isang sulok, natagpuan ko ang aking sarili na hinahabol ka.

Kahit na puno ng pasa at sugat, pinilit kong habulin ka.

Kahit ako ay hinihingal na, hinabol kita.

Kahit ako'y nahihirapan na, pinilit ko ang aking sariling habulin ka habang tangay-tangay ang puso ko na unti-unti nang nababasag, dahil sa sobrang higpit ng iyong pagkakahawak.

Pinilit kitang habulin.

Pinilit kong bawiin sa iyo ang aking puso na dati ay ipinangako mong  iingatan ngunit ngayon ay nagdurugo.

Pinilit ko itong abutin at ilayo sa iyo ngunit hindi ko nagawa,

Ako ay itinulak mo palayo sabay sabing-

"Hindi pa ako tapos..."
"Hindi pa ako tapos maglaro..."
"Hindi pa tayo tapos maglaro..."

At sa sinabi mo, ako ay napaisip... sa kung ano ang iyong nais na ipahiwatig.

Laro? Ibig mo bang sabihin, laro lamang ang lahat?

Ang paglakad natin sa ilalim ng ulan habang magkahawak kamay, laro lang ba iyon?

Ang pagpapatahan at pagyakap mo sa akin sa tuwing ako ay nasasaktan, laro lang ba iyon?

Ang pagtawag mo sa akin ng MAHAL, BABE, BOO, HONEY at ang pag-uusap natin mula gabi hanggang umaga;

Ang pagkatok mo sa aking pinto sabay abot ng tsukolate, mga rosas at teddy bear;

Ang mga halik mo sa aking noo at pisngi na may kalakip pang yakap sa tuwing sasapit ang ating monthsary at anniversary,  laro lamang ba ang lahat ng iyon?

Ang mga pangako mong IKAW LAMANG at HINDI KITA IIWAN.

Ang pagsabi mo ng MISS NA KITA sa kabilang linya ng telepono;

Ang bawat HINDI KITA SASAKTAN at HINDI KITA KALILIMUTAN DAHIL MAHAL KITA... MAHAL NA MAHAL KITA.

Ang lahat ng iyon ba ay biro lamang?

Sa unang pagkakataon, naramdaman ko kung paano ang masawi para sa

Pag-ibig na kahit ilang beses akong sumugal ay hindi kita maiuuwi.

At aking natamasa kung paano mapagod sa  larong iyong nakasanayan,

Na kahit na ako ay lumaban, kailan man ay hinding-hindi ako mananalo 

Sabi nila, ang mabisang gamot sa sakit ay ang pag-inom ng tabletas.

Kung hindi umobra, magtungo sa hospital at sa doktor ay magpakunsolta.

May iba naman na mas gusto na sa albularyo nalang para makatipid ng pera.

Ngunit sa tingin ko, ang pagluha ang mas mabisang gamot sa sakit na aking dala-dala.

DCL's Poem CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon