Simula

9.3K 160 10
                                    

"ATASHKA, anak, makinig ka. 'Wag na 'wag mong pababayaan ang sarili mo," nanghihinang sabi ni Nana Esme. Magmula walong taong gulang ako'y siya na ang nag-alaga sa akin.

Hindi ko siya kaanu-ano, ngunit tinuring niya akong parang kadugo, parang totoong anak. Siya ang tumayong ama't ina ko sa loob ng sampung taon. Pinuspos niya ako ng pagmamahal tulad ng sa isang magulang sa kanyang anak.

Kaya naman ay sobrang nasasaktan akong makita siyang ganito, mahina at nakaratay na sa banig ng karamdaman. Anim na buwan na siyang hindi makatayo. Dala na siguro ng katandaan, nagkaroon na ng napakaraming sakit.

Noong nakaraang taon ay dinala siya sa pamagutang bayan ngunit sinabi ng doktor doon na kinakailangan siyang dalhin sa ospital sa kabisera upang matingnan nang maigi at magamot kung anuman ang kanyang sakit.

Ngunit laging humihindi si Nana, laging sinasabi na 'wag nang mag-abala pa dahil matanda naman na raw siya. Bakit hindi na lang daw hintayin ang kanyang huling araw?

Doo'y lagi akong napapaluha, lagi kong sinasabi na hindi niya dapat iniisip 'yun dahil kailangan pa naming magsamang matagal. Siya na lang ang pamilya ko kaya't hindi ko alam ang gagawin kung mawawala pa siya.

Subalit lagi niya ring pinapaalala sa akin na sadyang ganoon ang buhay, mabilis. Hindi permanente. Darating ang araw at siya'y lilisan at lilisan din. Kaya't lagi niyang sinasabi sa akin na bawal nang marupok ang aking loob. Dapat ay tatagan ko ito dahil darating ang panahon na ako na lang ang mag-isang haharap sa buhay.

At hindi ko alam, ngunit kanina pa bago sumikat ang araw, may kakaiba na akong pakiramdam na ngayon na ang araw na iyon. Idagdag pa na tila may iba sa tono ng pananalita ni Nana Esme. Tila himig kasi ito nang pamamaalam.

"At 'yung lagi kong pinapaalala sa'yo, tibayan mo ang loob mo," bilin niya pa. "Nararamdaman ko na, anak, malapit na akong magpahinga."

"Nana!" iyak ko. Hindi ko lang mapigilan. "'Wag mo pong sabihin 'yan. Ano ba! Napag-usapan na po natin ito, hindi ba? Magsasama pa po tayo nang matagal. Ibibili pa nga po kita ng bestida na nakita natin doon sa bayan. 'Wag ka pong mag-alala, sa Lunes ay makakapag-umpisa na akong magtrabaho doon sa resort. Ibibili rin kita ng masarap na pagkain."

Mahina siyang napatawa. "Wag kang mag-alala, sa pupuntahan ko'y paniguradong hindi lang isa ang magarang damit. Isa pa, naroon din ang pinakamasasarap na pagkain. Hindi ako magugutom, hija."

"Pero, Nana - "

Hinawakan ni Nana ang kamay ko, sanhi kaya natigilan ako. "Anak, nung dumating ka sa buhay ko ay siyang pinakamagandang regalo ng Diyos sa akin. Hindi ko man lubos maisip noon na sa edad ito'y makakatanggap ako ng isang napakagandang regalo. Ikaw ang anghel ng buhay ko, tandaan mo 'yan lagi."

Naluluha akong napatingin sa kanya. Alam ko ang ibig niyang sabihin. Si Nana Esme ay nakilala ko noong gabing naaksidente ang nanay at iniwan ako. Kararating namin noon dito sa bayan ng Del Cuervo. Ang alam ko'y natanggap si Nanay bilang katulong at maninilbihan. Ngunit ang sinasakyan naming dyip noon ay naaksidente. Lulan din ng dyip na iyon si Nana Esme at ang kanyang asawa na si Mang Dado.

Lima ang namatay sa aksidenteng kasama ang nanay ko at ang asawa ni Nana Esme, habang ang mga naiwang pasahero ay sugatang malubha. Katabi ng higaan ko noon sa ospital ang kay Nana Esme. At sa aming pagtangis ay nakita namin ang isa't isa. Tinanong niya ako, kung may kasama ako, saan ako galing. Sinabi ko na wala si Nanay. At doon niya ako niyakap nang mahigpit habang binubulong na siya rin ay nawalan ng asawa. Hindi ko namalayan kung gaano kami katagal magkayakap noon hanggang sa nakatulog na lang ako sa hapo. At ang huling alaala ko ay nang tawagin niya akong anak.

Magmula nga nang gabing iyon ay si Nana Esme na ang nag-alaga sa akin. Sa lugar na bago sa akin ay siya ang naging kanlungan ko. At ang nasabing kanlungan ay nagbabadya nang magpaalam anumang oras ngayon.

"Atashka, may nais rin akong ibigay sa'yo," sabi ni Nana. "Kunin mo 'yung itim kong bag." Binitiwan niya ang kamay ko't tinuro iyong bag sa tabi.

Tumayo naman ako para abutin iyon. Iaabot ko sana kay Nana nang makita siyang umiling. "Ikaw na ang magbukas," aniya.

Binuksan ko iyon saka muling tumingin sa kanya.

"Kunin mo 'yung puting sobre sa loob."

Kinuha ko iyon. Bukas na iyon sa gilid, tanda na nabasa na ang lamang liham na nasa loob.

Muli ko iyong inabot kay Nana ngunit gaya kanina ay umiling siya. "Para sayo 'yan," aniya.

Nagsalubong ang pareho kong kilay, nagtataka sa sinabi ni Nana. Pinilit niyang ngumiti pero mahahalata sa kanyang mukha ang pagsisisi. Para saan? Hindi ko alam. Ngunit iyon ang nais kong malaman.

"Patawad, anak," ani Nana Esme. Mas lalo lang akong naguluhan. Hindi ko talaga alam kung bakit niya yan nasasabi. "Patawad dahil naglihim ako sa'yo."

Lihim? Anong tinutukoy niya?

"'Yang sulat na yan ay galing sa Nanay mo, mukhang inihanda niya na at balak na ibigay sa'yo. Kailan? Hindi ko sigurado. Hindi ko alam pero ang alam ko lang ay dapat matagal mo nang nalaman ang tungkol dyan kung hindi lang ako naging makasarili."

Naluha na si Nana at balak ko sanang abutin ang mukha niya, punasan ang basa sa pisngi ngunit hindi ako makagalaw, inaabangan ang susunod niyang sasabihin.

"Alam mo naman, Atashka, kung gaano kita kamahal. Pero pakiramdam ko'y masyado kong inangkin ang pagiging ina ko sa'yo't pinagkait ko ang totoo. Sana ngayo'y nasa maayos ka, hindi ka siguro naghihirap. Natutupad mo siguro ang mga pangarap mo..."

Nagsalita na ako. "Nana, ano po bang tinutukoy mo? Patawad po pero wala po akong maintindihan."

Napunta ang tingin niya sa sulat na nasa kamay ko. "Nandyan, hija, ang lahat. Malalaman mo ang tungkol sa lahat kapag binasa mo 'yan. Pero, hija, isa lang ang ipangako mo sa akin? Intindihin mo ang Nana kung bakit niya nagawa iyon. 'Wag mo sana akong kamuhian."

Inabot ko na ang mukha niya, pinunasan ang luha doon saka makauling ulit na umiling. "Hindi po, Nana. Wala ka pong nagawa o maaring gawin para kamuhian kita. Hindi po kailanman mangyayari 'yun. At 'wag po kayong mag-alala, anuman ang laman ng sulat, wala pong magbabago sa pagmamahal ko sa inyo."

Nangiti na noon si Nana Esme at hinawakan nang mahigpit ang kamay ko. "Salamat, anak. Pero may isa pa pala akong hiling." Tumango ako't nagpatuloy si Nana. "Puntahan mo ang nakasulat dyan. Alam kong dyan mo matutupad ang mga pangarap mo. Maliit ang Del Cuervo para sa mga pangarap mo, Atashka. Umalis ka dito at hanapin iyon sa lugar na nandyan."

Hindi ako nakasagot kay Nana. Hindi ko alam kung kaya kong gawin iyon. Bumaba ang tingin ko sa sulat. Mas lalo tuloy tumaas ang kuryosidad ko sa kung anong laman noon.

At nang lumaon ko na lang nalaman na dahil sa sulat na iyon ay tuluyang mababago ang buhay ko.

Strange LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon