Sabi nila ang tanging bagay lang na hindi nagbabago sa mundo ay ang pagbabago.
At hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na sa loob ng ilang buwan ay ang dami nang pagbabago kong naranasan. Kung susumahin, parang sandaling panahon lang ang nakalipas buhat nang makatuntong ako dito sa Crescent Park. Ngunit sa lahat ng napagdaanan ko'y pakiramdam ko napakatagal ko nang nakatira dito.
Tiningnan ko ang sarili sa salamin at napangiti. Ganoon pa rin naman ang itsura ko, ngunit sa likod ng repleksyong nakikita ko ay marami nang nagbago.
May katok akong nadinig sa pinto ng kwarto kasunod ang marahan nung pagbukas. At nang lumingon ako sa gawi ng pinto ay nakasilip na si Axen.
"Are you good? Pinapatawag ka na ni Mommy. May mga dumating na 'atang mga bisita."
Agad akong ngumiti sa kanya. "Magsasapatos na lang ako tapos bababa na rin."
Tumango-tango siya bago nagsalita ulit. "Can I come in for a bit?"
"Oo naman," sagot ko sabay tango.
Pumasok na rin si Axen sa loob ng aking silid at saka naglakad papalapit sa pwesto ko. At nang tumigil siya ilang pulgada mula sa akin ay inalis niya ang isang kamay na nasa likod at doon ko pa lang napansin na may hawak siyang paperbag. Inabot niya iyon sa akin.
"Here's your birthday gift," saad niya. "Something you can use when you start your school next week. Happy birthday."
Bahagya akong napanganga. Ang totoo'y hindi ko inaasahan na mayroong matanggap mula sa mga Gallego ngayon—ang pamilya ko. Dahil magmula nang dumating ako rito'y hindi na tumigil ang mga natatanggap ko mula sa kanila. Lalo na kay Tita...Mommy Hannah na lagi akong pinagsa-shopping ng mga gamit.
Ang totoo'y nagplano rin sila ng enggrandeng selebrasyong ngayong kaarawan ko na agad ko namang tinutulan. Nag-request na lang ako na kung maaaari ay maliit na salu-salo lang. Kaming pamilya lang at 'yung mga naging kaibigan ko dito.
Na laking pasasalamat ko't pinagbigyan naman nila.
Walang nagawa'y tinanggap ko na rin ang regalo ni Axen. "Salamat dito. Mamaya ko na lang bubuksan."
Napangiti siya. "Sure. I'll let you do your thing now. Labas na ako."
Tumalikod na siya at bigla kong naalala nung isang gabing umuwi siya na medyo nakainom at pinuna kung paanong agad na nagbago na ang tawag ko sa mga magulang namin pero sa kanya'y tila medyo nag-aalangan pa ako. At kung paanong mas malapit pa ako sa magkakapatid na Koss gayong siya naman ang tunay na kapatid ko at kadugo.
Doon ako natauhan na kahit nagbibigay ako ng effort na makilala ang mga magulang ay parang nakaligtaan kong gawin ang pareho sa kapatid ko.
Inabot niya na ang seradura ng pinto at binuksan iyon kaya't bago pa siya makalabas ay agad ko nang hinanap ang tinig ko.
"Kuya Axen."
Natigilan siya at nang lumingon siyang muli sa akin ay bakas sa mukha niya ang pagkagulat. Napangiti naman ako. Ito kasi ang unang pagkakataon na tinawag ko siya ng ganoon.
Mas lumapad pa ang ngiti ko nang sabihin ko sa kanya. "Sa susunod na linggo, sabihin ko kay Mommy na sumama sa inyo ni Daddy sa fishing."
Gulat pa rin siyang nakatingin sa akin pero nakuha naman ng tumango. "Okay."
"Thank you ulit dito," sabi ko.
Doon na siya napangiti. "Thank you."
Ngumiti lang ako. Kahit hindi niya sabihin ay alam ko kung saan siya nagpapasalamat.
BINABASA MO ANG
Strange Love
RomanceCrescent Park Series #1 Wala na kay Atashka ang lahat. Ang tanging mayroon na lamang siya ay ang pangalan ng kanyang hindi nakilalang ama, si Lander Koss at ang kinaroroonan nito. Nang mapagdesisyunan niyang panahon na para kilalanin ito, hindi niya...