"GOOD morning!"
Napahawak ako sa dibdib sa gulat sabay tingin kay Braeden na naroon nakasandal sa sasakyan niyang nakaparada sa tapat ng gate. Nakagayak na siya suot ang maong na pants at puting t-shirt.
Naalala ko iyong nakitang oras sa nakasabit na wall clock sa may sala bago ako lumabas, pasado alas kwatro pa lang ng umaga. Gising na siya?
Na hindi pa dapat. Kaya nga ako maagang nagising para maagang makapasok. Ni hindi na nga ako dumaan ng kusina para sa pabaon ni Manang Karing, dahil hindi pa rin bumabangon ang huli. Ang balak ko na lang sana ay doon bumili sa pinagbibilhan ni kuyang guard.
Na hindi na nga mangyayari dahil narito na si Braeden. Bakit ang aga niya ba nagising?
"Magandang umaga," alangan kong bati sa kanya sabay iwas ng tingin. "Sige. Pasok na ako."
Ngunit hindi man lang ako nakaabot ng dalawang hakbang nang pigilan ako ng boses niya. "Atashka." Saglit akong napapikit. Mukhang alam ko na ang susunod doon. "Ihatid na kita."
Inihanda ko na sa isipan ang pagtangging gagawin. Ngunit tila malabo ko nang maisakatuparan dahil sa sunod niyang sinabi. "Please?"
Natigilan ako doon. Napakadalang lang ang pagkakataon na narinig kong nagsabi ng ganoon si Braeden. Idagdag pa ang tono ng boses niya nang sabihin iyon. Kaya't wala na lang akong nagawa kundi ang harapin siya kapagkuwan ay tumango.
At pansin ko kung paano umaliwalas ang kanyang mukha nang magpaskil siya ng malapad na ngiti.
"Let's go," aya niya saka umikot doon sa kabilang banda at pinagbuksan ako ng pinto. Sumunod na ako roon at pumasok sa loob.
"You're really avoiding me," ani Braeden nang makasakay na rin siya. Tinapunan pa ako ng tingin saka bahagyang ngumiti bago ibinalik ang tingin sa daan.
Hindi naman ako nakasagot. Kung kahapon ay may nairason pa ako, ngayon ay wala na akong maidahilan. Isa pa, huli ako sa akto. Sinong umaalis ng bahay para sa alas sais niyang pasok nang ganito kaaga? Mabuti sana kung sobrang layo ng pinapasukan ko o di kaya'y nagkakaroon ng traffic dito sa subdivision.
Kaya oo na, tama na siya. Umiiwas nga ako. Pero siya rin naman ang may kasalanan nito. Pagkatapos niya akong kausapin doon sa supplies room, talagang tinotoo niya ang sinabi at sinimulan ngang gawin nang sabay kaming umuwi kahapon.
Kung anu-ano na naman ang pinagbibili niya. Parang nakadaan kami sa ilang tindahan ng pagkain bago nakauwi sa bahay nila. At syempre hindi rin mawawala iyong mga mensahe niya bago ako matulog.
Kaya't kagabi'y nagpasya na akong gumawa ng paraan kung paanong maiiwasang magtagpo ang landas naming dalawa sa tuwing wala kami sa auto shop.
At nakakaloka na yung tanging naisip kong paraan ay pumalya pa.
Bakit nga ba kasi napakaaga niyang nagising? Alam niya bang maaga rin akong aalis?
"I have no idea, actually," nadinig kong sabi ni Braeden. "May dinaanan lang ako kaya maaga akong nagising."
Nanlaki ang mga mata kong napatingin sa kanya. Nasabi ko ba 'yun nang malakas?
Nang ibalik niya sa akin ang tingin saka mahinang napahalakhak ay alam kong oo ang sagot sa tanong na iyon. Napatampal ako sa aking labi. Napapadalas na 'to ah.
"Hey, don't beat yourself up," suway sa akin ni Braeden, ngayon ay sumeryoso na ang mukha nang tingnan akong muli. Saka bumaba ang tingin niya sa mukha ko, kung saan nakatakip pa rin ang aking kamay. Napahigit ako ng hininga. Bakit doon siya nakatingin? "Kawawa yang lips mo."
Tumagal pa ng ilang segundo ang tingin niya doon bago niya iniwas ang mga mata at doon na ako kumuha ng pagkakataon para ibuga ang hiningang kanina pa pinipigil.

BINABASA MO ANG
Strange Love
RomanceCrescent Park Series #1 Wala na kay Atashka ang lahat. Ang tanging mayroon na lamang siya ay ang pangalan ng kanyang hindi nakilalang ama, si Lander Koss at ang kinaroroonan nito. Nang mapagdesisyunan niyang panahon na para kilalanin ito, hindi niya...