Kabanata 2

5K 128 34
                                    

BRAEDEN. Hindi ko alam kung ilang beses inulit sa isipan ang pangalan ng lalaki. Sa wakas ay may pangalan na ito. At nalaman ko na rin kung anong relasyon nito kay Ginoong Koss. Panganay na anak.

Ibig sabihin, mayroon pang ibang anak ang ginoo. Iniisip ko naman kung tulad ba ni Braeden ay ganoon din ang mga pag-uugali ng mga ito. Kapag nagkataon, parang ang hirap naman 'ata. Tila impyerno ang kahaharapin ko sa bahay na ito.

Sa isiping mayroon akong mga kapatid ay talagang bago sa akin. Nasanay kasi akong laging mag-isa, mula kay Nanay Olga hanggang kay Nana Esme. At iniisip ko rin kung kumusta ba iyong tinutukoy na ina ni Braeden. Ang asawa ni Ginoong Koss. Natatakot ako na baka dito nagmana si Braeden. 'Wag naman sana.

Tinigilan ko na ang pag-iisip saka dumiretso sa malaking aparador. Binuksan ko iyon. Walang laman ang loob.

Kinuha ko na bag saka isa-isang inalis ang mga damit. Iilang piraso lang naman iyon. Mabibilang lang kasi ang damit ko. Limang pantaas, mayroong kamiseta at bestida. Tatlong pang-ibaba, dalawang saya at isang shorts. Tatlong paris ng underwear. Iyon na.

Matapos maayos ang damit ay inilagay ko naman sa bandang ibaba iyong bag at sinara ko na ang aparador. Iginala ko na naman ang mata sa paligid. Sa dulong bahagi ng kabilang pader ay napansin kong mayroong pintuan. Ano naman kaya iyon?

Lumapit ako doon at pinihit ang seradura saka tinulak pabukas ang pinto.

Wow, mangha kong bulalas sa isipan.

Mayroong sariling banyo ang silid na ito. At ang laki. Mayroong harang na salamin ang naghihiwalay sa inidoro at sa alam kong paliguan. Batid kong mayroong shower doon, baka nga pati bathhub.

Napakagara talaga ng buong silid. Ang totoo, nitong buong lugar. Napatingin ako sa salamin sa itaas ng lababo at nakita ko ang sarili. Ang aking itsura, ang aking ayos. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit ganoon na lamang ang reaskyon ni Braeden kanina, siguradong iniisip niyang ako'y isang mapagsamantala. Na baka ginagamit ko ang Ginoong Koss dahil alam ko kung gaano karangya ang huli.

Pero hindi pera ang pinunta ko dito. Sanay ako sa hirap. Bata pa ako, kahit papaano'y mayroong natapos, pupwede akong magtrabaho.

Nandito ako para kilalanin ang aking ama, ang tanging pamilya na sa akin ay natitira. At kahit pa hindi ako kilalanin nito, tatanggapin ko. Gusto ko lang talaga itong makita, siguro'y personal na ibalik ang pagmamay-ari nito na nasa akin. Ang kwintas.

Pero habang hindi pa nakakaharap ang ama at hindi ito mismo ang nagpapaalis sa akin sa lugar na ito, mananatili ako dito. Kahit pa ibig sabihin noon ay kailangan kong pakisamahan si Braeden at ang mga kapatid niya.

Hindi nagtagal nang muli akong balikan ni Manang Karing sa kwarto at sabihing oras na ng tanghalian. Sumama akong bumaba sa kanya at sinundan siya doon sa hapag kainan kung saan ngayon ay nakahanda na ang siguro'y tatlong putahe ng ulam, mayroon na ring panghimagas, at isang malaking plato ng hiniwang iba't ibang prutas.

Subalit wala si Braeden. Hindi ba siya kakain?

Nagtanong ako kay Manang. "Si Braeden po?"

"Naku, kanina pa umalis," sagot ni Manang. "Baka mamayang gabi pa iyon uuwi. Sige na hija, maupo ka na't kumain. Doon lang ako sa may kusina."

Tiningnan ko ang lahat ng pagkain na nasa hapag. Ibig bang sabihin ako lang ang kakain nito?

"Manang Karing," tawag ko kay manang na ngayon ay nakatalikod na. Lumingon naman siya. "Parang ang dami po 'ata kung mag-isa lang akong kakain. Hindi po ba kayo sasabay sa akin?"

Napataas ang kilay niya pagkuwa'y mahinang natawa.

"Naku, hija, hindi kailanman ako kumain sa hapag kasama ang mga Koss," sagot niya. "Sa kusina, doon ako kumakain. 'Wag kang mag-alala kung mayroong matira, hayaan mo lang dyan. Ako na lang ang magliligpit mamaya. Kainin mo lang ang gusto mo."

Strange LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon