"TASH, ba-bye!" sigaw ni Ainie mula roon sa kabilang bahagi ng daan. Kasabay niya si Froilan at yung isa pa naming katrabaho.
Maglalakad pa sila papunta doon sa sakayan ng tricycle papunta doon sa terminal ng jeep.
Kumaway naman ako pabalik kasabay ng pag-ngiti. Narinig ko pang natawa si Ainie bago tuluyan na silang tumalikod sa akin. Ako naman ay nagsimula na ring maglakad papunta doon sa footbridge.
Buti na lang talaga ay malapit lang dito ang Crescent Park. Kaya lang lakarin. Hindi ko nga lang maalala kung ilang kanto ang layo mula dito pero didiretsuhin ko lang naman ang daan sa kabila.
Umakyat na ako ng tulay at napangiti na naman nang maalala ang mga naganap ngayong araw. Sobrang saya ko. Mayroon na akong trabaho. Ang bait ng Diyos sa akin. Siguro ay tinulungan din akong magdasal ni Nanay Olga at ni Nana Esme.
Bonus din na sobrang babait nung mga kasama ko sa trabaho. Maging si Ms. Shey at si Sir Axen.
Hindi ko alam pero mas lalo akong napangiti nang naglaro sa isipan ko 'yung eksena kanina. Kung paanong ito ang nagbigay nung palayaw ko. Tash.
Ang sarap sa pandinig. Hay. Sana lang ay magtuloy-tuloy na maging maayos ang buong araw na ito.
Medyo kinabahan ako, anong oras na kasi. Baka nag-aalala na sa akin si Manang Karing. Magpapaliwanag na lang ako. Siguro'y maiintindihan naman niya ako. Isa pa't una at huling beses na ganito ang uwi ko.
Sa Lunes ay siguradong maaga na akong makakauwi.
Hinakbang ko na ang iilang baitang nung tulay at nang makababa na ay nag-umpisa nang tahakin ang pabalik ng subdivision.
Kakaunti na lamang 'yung establisyamentong bukas. Kaya medyo may kabang sumibol sa dibdib ko nang makitang may madadaanan akong medyo madilim.
Huminga na lamang ako nang malalim. Wala kang dapat ikabahala, Atashka. Mayroong nagbabantay sayo.
Tumango-tango ako, pilit na pinapakalma ang sarili at nagpatuloy lang sa paglalakad.
Ilang sandali pa'y sa paglalakad ko'y mayroon akong sasakyan na tila sumusunod sa akin. Ang bagal kasi ng patakbo nito.
Muli na namang bumalot ang kaba sa dibdib ko. Lalo na noong tuluyang na iyong tumapat sa paglakad ko. Kakaripas na nga sana ako ng takbo ngunit nang mayroon akong narinig na pamilyar na boses ay natigilan ako.
Humarap ako sa aking gilid at nakita ang bukas na bintana. Mula doon ay nakita ko kung sino ang nagmamaneho. At kaya naman pala pamilyar ang boses ay talagang kilala ko kung sinong nagmamay-ari noon.
"Sir Axen," bati ko dito.
Medyo itinabi niya pa iyong sasakyan sa gilid ng daan bago inihinto saka nagtanong. "Bakit naglalakad ka lang? Saan ka ba umuuwi?"
"Sa may Crescent Park po."
Bahagyang tumaas iyong mga kilay niya. Alam kong nagulat siya sa sagot ko. Pero agad din namang nawala iyon saka kanyang sinabi, "Medyo malayo pa iyon. Tara na isasabay na kita."
Nanlaki naman ang mga mata ko, sabay ang sunod-sunod na pag-iling. "Naku, wag na po. Okay lang. Maganda rin naman pong maglakad. Exercise." Ngumiti pa ako pandagdag kumbinsi.
Doo'y napailing si Sir Axen, wala man lang pagbabago sa mukha nito. Ganoon ba ito kaseryoso?
"Okay yang sinasabi mo kung hindi pa dis-oras ng gabi," sagot nito. "Saka ilang kanto pa bago doon sa subdivision."
"Okay lang po—"
"Tash," putol ni Sir Axen sa akin at talaga namang natigilan ako. "I really insist. Isa pa, doon din ako umuuwi. I won't feel better if I'll leave you walking alone. Kapag hindi ka nagpakita sa Monday dahil kung anong nangyari sa'yo, kargo de konsensiya ko pa. So, please."
At ano pa nga bang magagawa ko? May makakahindi pa ba kapag nakiusap na sa'yo 'yung boss mo?
Binuksan ko na rin iyong pintuan sa harap at doon sumakay gaya ng ginawa ko kahapon doon sa sasakyan ni Braeden.
Sa pagkaalala sa lalaking iyon ay nabalutan ako ng kakaibang kaba na may halong takot. Naku, naku. May curfew nga pala kapag gabi dahil doon sa kababalaghang ginagawa niya.
Anong oras na ba? Naghanap ako ng oras doon sa sasakyan at doon nga sa may harapan ay nakita ko iyong umiilaw na numero. Mag-aalas onse pa lang. Ligtas pa ako. Wala pa si Braeden sa bahay.
"Saang street ka pala?"
Napatingin ako kay Sir Axen sa tanong niyang iyon pero ang mata niya'y nakapokus doon sa daan.
"Sa Highland po," sagot ko.
Nakita kong parang natigilan na naman siya pero wala namang sinabi pang iba. Hindi talaga siya palaimik. Kaya naman inalis ko na lang din ang tingin sa kanya at doon sa may gilid, sa bintana nagmasid.
Hindi nga nagtagal at narating na rin namin ang subdivision. Tuloy-tuloy lang sa pagmaneho si Sir Axen hanggang sa nakita kong malapit na iyong Highland street.
Doon na ako nagsalita. "Pwede na po ako doon sa kanto ng Highland."
Kaunti na lang naman ang lalakarin ko.
"Doon na kita ihahatid sa inyo, nandito na rin naman na tayo. Sabihin mo na lang kung saan liliko," sagot naman nito.
Hindi na lang ako nakipagtalo at sumunod sa gusto nito. "Sa kaliwa po liliko. Tapos doon sa no. 102. Panglima pong bahay sa kanan."
Sinunod iyon ni Sir Axen at saka itinigil na nito 'yung sasakyan.
Ito 'yung unang sumilip sa labas. "Sa mga Koss?"
Natigilan naman ako saka tumango dito. Paano nito nalaman? Pero naisip ko rin na posible namang malaman nito kung sino 'yung nakatira dito. Nasa iisang subdibisyon lang naman ang mga ito nakatira.
"Opo," sagot ko na. Saka agad na nilinaw. "Pansamantala dito po ako nakatira."
Inilipat ni Sir Axen ang tingin sa akin saka pinagmasdan ako. Matagal. At talagang nag-uumpisa na akong maasiwa. Bakit ganyan ito kung makatingin? Parang nais nitong basahin kung anuman ang nasa kaloob-looban ko.
Nagsalita na ako. "Ah, sige po, Sir Axen. Dito na po ako. Maraming salamat po sa paghatid. Saka po salamat talaga sa pagtanggap sa akin sa trabaho. Hindi po di bale, pagbubutihin ko po talaga at susuguraduhin ko pong hindi kayo magsisisi sa pagtanggap sa akin."
Tumango sa akin si Sir Axen at akala ko'y ganoon na lamang. Pero laking gulat ko nang bahagyang tumaas ang gilid ng labi nito, parang kagaya kanina, noong nagsilbi ako sa kanila nung mga kasama nito. Noong hindi ko pa alam na ito pala iyong may-ari ng H.A.M.
"Okay," sagot nito. "Let's see when you start on Monday."
Napangiti na rin ako, 'yung malapad. "Thank you po ulit. Sige po, mauna na ako."
"Bye, Tash," sagot nito at mas napangiti pa ako doon sa pangalan ko.
"Bye po."
Lumabas na ako ng sasakyan nito at dumiretso doon sa gate saka pinindot iyong doorbell. Nang wala pang sumagot ay lumingon ako kay Sir Axen, hindi pa kasi ito umaalis. Parang hinihintay pa akong makapasok.
Pero agad ding naglaho ang isiping iyon nang maya-maya'y buhayin na nitong muli iyong makina saka pinaandar na iyong kotse.
Sinusundan ko pa rin ng tingin ang sasakyan nito nang marinig ang pagbukas ng gate.
Luminga ako dito at handa nang batiin si Manang Karing at para makapagpaliwanag na rin nang biglang namanhid ang dila ko.
Hindi si Manang Karing ang nasa harapan ko ngayon kundi si Braeden at madilim ang tingin nito sa akin.
"Where the fvck have you been?"
BINABASA MO ANG
Strange Love
RomanceCrescent Park Series #1 Wala na kay Atashka ang lahat. Ang tanging mayroon na lamang siya ay ang pangalan ng kanyang hindi nakilalang ama, si Lander Koss at ang kinaroroonan nito. Nang mapagdesisyunan niyang panahon na para kilalanin ito, hindi niya...