"HIJA, itext mo na lang ko kung palabas ka na at puntahan kita sa entrance," bilin ni Mang Dennis.
Ngumiti ako sa kanya at tumango. "Sige po," sagot ko at bumaba na rin ng sasakyan at tinahak ang entrada ng malaking supermarket.
May kailangan akong bilhin. Ang totoo'y si Manang Karing dapat ang pupunta ngunit naumpisahan na niya ang pagluluto kaya't ako na lang ang nagprisinta.
Saktong naghahanap talaga ako ng magagawa dahil Linggo ngayon at walang pasok sa trabaho. Mas gusto kong mayroong gawin sa halip na magkulong sa loob ng kwarto at mag-isip ng kung anu-ano. Nakakapagod.
Nang makapasok sa loob ng supermarket ay hinanap ko agad ang shelf ng mga condiments. Ngunit sa daan papunta doon ay hindi inaasahang sa unahan ko'y matumba iyong isang display na lagayan ng mga naka-sachet na kape. Nabangga nung isang matandang babaeng mamimili.
Agad akong lumapit doon at tumulong sa pagpulot ng mga nahulog.
Sa nag-aalala pa ring mukha ay nabaling sa akin ang tingin ng matandang babae, marahil ay nagulat sa biglaan kong pagsulpot.
Ngumiti naman ako sa kanya't mahinang sinabi, "Tulungan ko na po kayo."
Napalitan ng ginhawa ang ekspresyon sa mukha niya't nagpatuloy na kami sa ginagawa. At hindi nagtagal nang makita kong may isa pang lalaki ang tumulong sa amin. Nakatalikod na ito mula sa akin ngayon ngunit nang nakagilid ito kanina'y medyo nagisnan ko ang mukha at parang nasa kwarenta anyos na ang edad o mahigit pa doon.
Nagpatuloy na ako sa ginagawa at hindi naglaon ay mayroon na ring dumating na staffs ng supermarket at nagsabing sila na nga lang ang magtutuloy noon. Panay naman ang hingi ng tawad nung matandang babae ngunit laging sinasagot nung staff na babae na hindi naman sinasadya ng nauna.
At sang-ayon ako roon. Aksidente lang naman ang nangyari. At nang mahimas-masan na ang matandang babae ay humarap na siya sa gawi ko.
"Salamat, hija, sa pagtulong," aniya.
"Wala po iyon," nakangiti kong sagot.
Doon bumaling ang kausap sa kabilang banda kung nasaan iyong lalaking tumulong rin. Doon ko lang ito natingnan nang mabuti at napakunot ako ng noo nang makita ang mukha nito. Mukha itong pamilyar. Kung paano ito ngumiti ngayon sa matanda, parang nakita ko na iyon.
Naroon pa rin ang tingin ko nang biglang gumawi ang mata nito sa akin. Bahagya akong natigilan saka napansin na dalawa na lang pala kaming narito. Wala na 'yung matanda kanina maging yung mga empleyado. Ngumiti 'yung lalaki saka naglakad papalapit sa pwesto ko.
"Ang bait mo, hija," puri nito nang tumigil ilang hakbang mula sa kinatatayuan ko. "May puso ka para tumulong. Sana lahat ng kabataan gaya mo."
Nahiya ako sa pagpuri nito. Nadama ko pa ang pag-init ng pisngi hanggang sa likod ng tenga. Nahihiya akong napailing. "Naku, hindi po. Kahit sino naman po siguro gagawin 'yung ginawa ko."
Mahinang natawa 'yung ginoo. "You're the only young one who helped. And the first one to do so," pagpapaalala niya sa akin. "And you're humble too. Your parents must be proud."
Ngumiti lang ako kahit pa ang maalalang wala na ako ng mga tinutukoy nito ay hindi maiwasang magdala ng lungkot sa puso ko.
Meron ka pa namang ama, bulong ng isang bahagi ng isipan ko.
Oo nga subalit wala pa ring kasiguraduhan kung ang taong hinihintay kong makilala ang siyang hinahanap kong talaga.
Biglang sumingit sa isipan ko ang pakay ko rito. At doon ay nag-abiso na ako sa ginoo. "Paumanhin na po pero may kailangan pa po kasi akong bilhin."
BINABASA MO ANG
Strange Love
RomanceCrescent Park Series #1 Wala na kay Atashka ang lahat. Ang tanging mayroon na lamang siya ay ang pangalan ng kanyang hindi nakilalang ama, si Lander Koss at ang kinaroroonan nito. Nang mapagdesisyunan niyang panahon na para kilalanin ito, hindi niya...