Kabanata 23

3.2K 91 9
                                    

NASA bitbit na paperbag ni Manang Karing ang mata ko habang nakasunod sa kanya, dala-dala iyong mga lulutuin. Doon kami sa likuran ng bahay dumaan dahil doon ang papuntang dagat.

Ngunit nang marinig ko na ang hampas ng alon sa dalampasigan ay agad akong nag-angat ng tingin.

Kumislap ang mga mata ko nang makita ang malawak na karagatan. Saka mas dinama ko ang samyo ng hangin.

Hindi man katulad ng Del Cuervo na puti ang buhangin, pino pa rin ang buhangin dito sa may dalampasigan. Nagpatuloy kami sa paglalakad nina Manang Karing at mula sa hindi kalayuan ay natanaw ko ang isang bangkang nakatigil. Ilang hakbang mula doon ay mayroong tatlong kalalakihang nakatayo.

Mula dito sa kinaroroonan ay madali lang mapagtanto kung sinu-sino ang mga iyon. Ilang sandali pa at nakalapit na rin kami doon.

Agad na napunta ang tingin ko kay Braeden na ngayon ay nakasuot na ng maong na pantalon at simpleng puting t-shirt. At sa medyo basa nitong buhok ay halatang nakaligo na rin.

Ang malaya kong kamay ay napahawak sa laylayan ng pang-itaas ko. Nakapangtulog pa pala ako—guhitang pajama at asul na t-shirt. Wala pa nga akong ligo.

"Hijo, ito na 'yung agahan," abot ni manang sa bitbit kay Braeden. "Dinamihan ko na pala 'yan para sa inyong dalawa ni Atashka."

Natigilan si Braeden, bahagyang nagsalubong ang dalawang kilay saka nagtanong, "Anong ibig niyo pong sabihn na dalawa kami?"

Napakagat naman ako ng labi. Iyong tono kasi niya, tila hindi siya sang-ayon sa ideyang sasama ako. O maaari ring nabasa ko iyon ng mali.

"Eh kasi magluluto pa mamaya ng tanghalian diba?" sagot ni manang. "Ipapauna ko na sana kay Atashka yung ibang dadalhin, para maihanda niya na rin. Nagsabi rin naman kasi siyang tutulungan daw akong magluto."

Gusto kong mapailing sa sinagot ni Manang Karing. Hindi kasi nito sinabi ang talagang pakay nito kaya't pinasama ako—iyon ay para may kasama si Braeden. Pero, inisip ko na lang na may dahilan si manang at pumirmi na lang sa pwesto, hindi pa rin nakikialam sa pag-uusap nila.

Samantala, matagal na hindi sumagot si Braeden. Basta lang nakatingin kay manang na tila nasa isang malalim na pag-iisip. At iisipin ko na talagang tama ang nauna kong hinala, na ayaw nitong sumama ako.

Maya-maya pa'y nagsalita na rin si Braeden. "Sige po," sagot niya kay manang at sa unang pagkakataon ay bumaling na sa akin, isang beses na tumango. "Tara."

Hindi pa ako nakakasagot nang tumalikod na ito at may sinabi doon sa isang lalaki na hindi ko kilala. At sunod nga'y lumapit ang lalaking iyon sa akin.

"Ako na po dyan," sabi nito't ang tinutukoy ay ang bitbit ko.

Tatanggi sana ako nang marinig ko ang boses ni Mang Pablo. "Ibigay mo na kay Miguel, hija. Sanay yang magbuhat wag kang mag-alala."

Tipid akong ngumiti kay Mang Pablo at binigay na rin yung dala doon sa lalaki. Ito pala yung tinutukoy ni Mang Pablo kagabi. At sa dami nilang pagkakahawig na dalawa ay hindi malayong mag-ama sila.

Nagpaalam na kami kay Manang Karing at sumakay na rin doon sa bangka. Nauna si Braeden saka ako sumunod sa tulong ni Miguel. Huli si Miguel na sumampa bago pinaandar ang motor noon at kami'y umalis na.

Nasa tapat ko lang nakaupo si Braeden ngunit sa tubig ko binaling ang atensyon. Nakakapanibago na ang tahimik niya ngayon. Tapos naalala ko pa yung inasta niya kanina. Napasimangot ako.

Bakit parang ang labo niya? Kagabi lang ay ayos kaming dalawa, nag-usap pa kaming hindi maiilang sa isa't isa dahil doon sa naging laro.

Tapos ngayon? Mahina akong napapalatak. Labo. Daig niya pa nga 'ata yung babae kapag may buwanang dalaw.

Strange LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon