Kabanata 42

2.1K 70 8
                                    

unedited. excuse any errors. thank you. (:

*

TAHIMIK ako habang nakaupo sa sofa. Sa harap ko ay naroon nakaupo si Ginoong Lander habang binabasa nito ang iniwang sulat ni Nanay Olga.

Matapos ang ginawa kong pang-iistorbo sa kanila sa agahan ay agad na inaya ako ng ginoo dito sa loob ng study upang masinsinang makapag-usap.

Ngunit bago umalis ay nakita ko pa kung paano nito inalo ang nagulat na ginang. Agad ding lumapit ang magkapatid sa ina nila. At inisip ko nang mga oras na iyon kung dapat ba ay naghintay muna, hinintay na masolo ang ginoo bago sinabi ang pakay ko dito.

Ngunit nangyari na ang mga bagay-bagay. Hindi ko na maaaring ibalik pa.

Napabuntong-hininga si Ginoong Lander bago ibinaba ang hawak na papel. Tapos na itong magbasa. Tumikhim ito bago tumingin sa akin.

"Si Olga," panimula nito at pansin ko ang paglambot ng boses nito sa pangalan ng nanay. "Ang sabi mo'y wala na siya?"

Tumango ako. "Opo. Namatay po siya sa aksidente nung walong taong gulang ako."

Napahugot na naman ito ng hininga. "Sinong nag-alaga sayo? Sinong kasama mong lumaki?"

"Natagpuan po ako ni Nana Esme sa ospital, biktima din sa aksidente yung asawa niya. Siya po yung kumupkop sa akin hanggang sa lumaki ako. Pero nawala na rin po siya nito lang Marso dahil sa sakit," kwento ko. "At bago po siya pumanaw, ipinagtapat niya sa akin ang tungkol dyan sa sulat at binilinan akong hanapin kayo."

Ako naman ang malalim na huminga. "Kaya po ilang linggo matapos malibing ni Nana, nagpasya akong pumunta dito. Kaso, nagkataon pong wala kayo't nasa bakasyon nga raw kaya't naghintay ako. Pasensya na po. Hindi ko po balak na basta na lang manghimasok. Alam ko pong dumating ako dito ng walang pasabi. At alam ko rin na posibleng mahirap paniwalaan 'yung sinasabi ko. Pero gusto ko lang pong malaman niyo na wala akong ibang pakay. Gusto ko lang po talagang makilala ang totoo kong ama."

Tumigil ako nang naramdamang nangilid na ang mga luha ko sa mata. Pinakalma ko ang sarili bago nagpatuloy. "Handa rin po akong magpa-DNA test o sumailalim sa anumang test para mapatunayan pong anak niyo ako. At wag po kayong mag-alala dahil wala naman po akong hihinging kapalit."

Gusto ko pang sabihin na ito na ang bahala kung tatanggapin ako o kung ano ngunit natakot ako sa maaaring maging sagot nito.

Paano kung hindi nito ako matanggap? Paano kung itakwil ako nito?

Naroon pa rin ang isipan ko nang bigla itong magsalita.

"Nabanggit dito sa sulat ni Olga ang tungkol sa kwintas. Nasayo ba?" tanong nito.

Agad naman akong tumango bago inabot ang bag ko sa tabi at binuksan iyon. Sa secret pocket ay kinuha ko ang laging dala-dalang kwintas at maingat na iniabot iyon sa ginoo.

Kinuha naman nito sa akin ang kwintas, tahimik na pinagmasdan iyon hanggang sa muli itong tumingin sa akin.

"Ito nga ang kwintas ko," anito.

Ngumiti naman ako. "Ibinabalik ko na po iyan sa inyo."

"Salamat," seryosong sagot nito. "At hindi mo na kailangang magpa-DNA test."

Bigla naman akong natigilan, kinabahan sa susunod sa sasabihin nito.

Hanggang sa unti-unting ngumiti ang ginoo. "Inaako kita bilang anak ko."

Napaawang ang labi ko. Maliban sa pagkagulat ay nalagyan din ng ginhawa ang aking dibdib.

Nagsalitang muli ang ginoo. "Pwede ba kitang yakapin?"

Strange LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon